
Tol, Mahal Ko Kapatid Mo
“Uy Chase!” tawag ni Jake nang sa wakas ay makita ang kaibigang kanina pa hinihintay. Sinundo niya kasi ito sa airport, galing pa itong Italya at doon din nag-aral ng ilang taon.
“Jake, ‘tol! Long time no see, namiss kita p’re!” sigaw ni Chase at niyakap ang kaibigan.
“Ano ba ‘yan? Tara na nga at mamaya na tayo magkumustahan sa bahay. Sa’min ka na muna magstay habang nasa Manila ka, ha?” alok ni Jake sa kaibigan.
“Nako, nakakahiya naman pero sige! At nang makapagbonding din tayo gaya ng dati. Sila tita at tito ba, kumusta na?” sagot ni Chase.
“Ayun, kagaya pa rin naman ng dati. Wala naman masyadong nagbago sa parents ko. Kung may malaki man ang pinagbago ay malamang si Jenny yun,” nakangiting pahayag ni Jake, ”Sumasakit ang ulo ko kakabantay sa batang yun, ang dami kasing umaaligid eh! Tsk!”
“Naks! Edi mas gumanda na pala ang kapatid mo niyan. Mukhang proud na proud ka pa eh,” agad naman na napalingon si Jake sa sinabi ng kaibigan.
“Oo naman! Sigurado akong magugulat ka ‘pag nakita mo siya,” proud na proud na pahayag ng binata.
Natawa na lang siya sa kaibigan. Hanggang ngayon ay mahal na mahal pa rin nito ang nag-iisang kapatid na si Jenny. Natutuwa naman siya at nakikita niyang hindi pa rin nagbabago ang matalik niyang kaibigan.
Pagkarating nila ng bahay nila Jake ay dumiretso na sila sa guest room na gagamitin niya. Maya-maya lang ay dumating din ang mga magulang nila. Nagkamustahan lamang sila at malugod naman siyang pinatuloy sa kanilang tahanan hanggang sa kung kailan niya raw gusto. Parang pamilya na rin kasi ang turing sa kanya ng pamilya ni Jake.
Lumipas ang dalawang araw at hindi pa rin nakikita ni Jake si Jenny na labis namang ipinagtataka ng binata. Labis pa naman siyang nasasabik sa pagbabagong sinasabi ng kuya nito. Ang tagal na din ng huli niyang makita ang dalaga.
Dahil sa wala naman siyang masyadong ginagawa sapagkat bakasyon lang naman ang ipinunta niya rito sa Pinas ay naisipan na rin niyang magpunta sa bar at uminom. Sa pag-uwi sa Pinas ay nanariwa sa kanyang isipan ang mga alaalang kanyang dinadala kahit nasa ibang bansa man siya.
Bata pa lamang ay matalik na silang magkaibigan ni Jake. Magkasama sila parati at parati ring nakabuntot sa kaibigan ang nakababata nitong kapatid na si Jenny. Malambing at napakulit nitong bata. Medyo chubby pa ito kaya madalas ay tuksuhin nilang dalawa ni Jake. Pero kahit na ganun ay mahal na mahal nila si Jenny. Ang magkapatid ang kanyang naging lakas at karamay sa lahat ng pagsubok na hinarap sa buhay. Lalong-lalo na nang iniwan sila ng kanyang ama.
Apat na taon ang agwat nilang dalawa ni Jake kay Jenny, kaya naman kahit nagdadalaga na ito ay parang baby pa rin ang turing nila rito na labis namang ikinaiinis ng dalaga. Parang nakababatang kapatid na din ang turing ni Chase sa dalaga.
Pero unti-unti itong nagbago ng bigla na lamang umamin ang dalaga sa kanya. Nasa huling taon na ito ng high school noon, samantalang siya naman ay magtatapos na rin sa kolehiyo.
“Mahal kita! Mahal kita ng higit pa sa kapatidm Chase! Naiintindihan mo ba?” umiiyak na saad ng dalaga ng tanungin niya ito kung bakit ito nagagalit sa kanya. Nabigla naman siya sa sinabi ng dalaga kaya hindi siya agad nakapagsalita.
“Galit ako kasi nagseselos ako! Kasi gusto kita! Matagal na kitang mahal!” dugtong pa nito. Alam niyang mali pero natuwa ang puso niya sa mga narinig mula sa dalaga. Hindi man niya aminin ay alam niyang espesyal din ang damdaming meron siya para sa dalaga.
Bata pa lamang ay mahal niya na si Jenny. Parati itong nasa tabi niya sa mga oras na kailangan niya ng karamay. Sa lungkot at saya, palaging nandyan ang dalaga para sa kanya. Ngunit alam niyang hindi niya maaring mahalin ang dalaga. Ayaw niyang masira ang pagkakaibigan nila ng matalik niyang kaibigang si Jake.
Mahal na mahal ni Jake ang kapatid nito at hindi ito papayag na mapunta lang ito sa kung sinong lalaki, kahit na sa kanya pa. Simula pa lamang ay alam niya ng off-limits ang dalaga. Alam niya iyon, pero sadyang traydor ang puso at hindi nagpaawat na mahulog sa kaisa-isang taong alam niyang hindi niya pwedeng mahalin.
Hindi niya sinagot si Jenny sa araw na iyon. Pagkatapos nitong ilabas lahat ng sama ng loob at pag-amin sa kanya ay inihatid niya lamang ang dalaga sa kanila at humingi siya ng tawad dito. Pagkalipas ng mahigit isang buwan ay lumipad na siya papuntang Italya para mag-aral. ‘Yon ang huli nilang pagkikita ni Jenny, at walang kaalam-alam si Jake sa mga nangyari.
Aalis na sana siya ng bar nang may mapansin siyang isang pamilyar na mukha. Umiinom din itong mag-isa hindi kalayuan kung saan siya nakaupo. Matagal niya itong hindi nakita pero hindi siya pwedeng magkamali. Ito ang babaeng kaytagal niya nang gustong makitang muli, ang babaeng hanggang ngayon ay mahal niya pa rin.
“Jenny,” sambit niya sa pangalan ng dalaga ng makalapit rito. Lumingon naman ang dalaga sa kanya.
“Hmm?” biglang nanlaki naman ang mata ng dalaga ng mapagtanto kung sino siya. Agad itong tumayo at akmang aalis pero mabilis niyang nahawakan ang braso nito kaya hindi nito natuloy ang pag-alis.
“Bitawan mo ako! Kung hindi, sisigaw ako,” may pagbabanta sa boses ng dalaga ng bitawan ang mga katagang iyon. Wala naman siyang nagawa kundi ang bitawan ang braso nito. Agad itong lumabas ng bar, sinundan niya ang dalaga hanggang sa kusa itong tumigil pagkalabas nila. Agad niya naman itong niyakap mula sa likuran.
“I’m sorry,” buong puso niyang pahayag sa dalaga.
“Pwede ba? Lubayan mo na ako! Ayaw na kitang makita!” sigaw nito sa kanya.
Nadurog ang puso niya sa sinabi ni Jenny. Halos pitong taon na ang nakalilipas ngunit hanggang ngayon ay mahal niya pa rin ang dalaga. Unti-unting lumuwag ang yakap niya sa dalaga nang bigla na lamang itong humarap sa kanya at tinitigan siya sa mga mata. Mas lalo nga itong gumanda. Ang mukhang hindi niya magawang makalimutan sa loob ng mahigit pitong taon.
“Ganoon na lang ‘yon? Isang sigaw ko lang na lubayan mo ako, susuko ka na agad? Aalis ka ulit? Mahigit pitong taon ang lumipas ngunit duwag ka pa rin,” puno ng hinanakit na sambit ni Jenny habang nakatitig sa kanyang mga mukha. Akmang tatalikod at aalis na sana ang dalaga nang bigla na lamang itong halikan sa labi ni Chase. Isang madiin at puno ng pangungulilang halik ang kanyang ibinigay sa dalaga.
“Hindi. Bumalik ako kasi handa na akong ipaglaban ang pag-ibig ko sa’yo. Sapat na ang mahigit pitong taon para mapatunayan ko sa sarili ko na ikaw lang talaga ang babaeng iibigin ko. Mahal na mahal kita, Jenny. Mahal mo pa rin ba ako?” puno ng emosyong pahayag ni Chase sa dalaga. Ilang taon niyang itinago sa dibdib niya ang mga katagang iyon, ngayon sa wakas ay narinig na rin ito ng dalaga.
Hindi naman mapigilan ni Jenny ang kanyang mga luha sa pag-agos sa narinig sa lalaking kaytagal hinintay.
“Talaga? Pangako ‘yan ha? Hindi mo na ako iiwan,” tumango lang ang binata bilang sagot sa tanong ng dalaga.
“Mahal na mahal din kita Chase. Noon, ngayon at magpakailanman,” buong pusong pahayag ng dalaga ng kanyang wagas na pag-ibig sa binata.
Tinupad ni Chase ang kanyang pangako kay Jenny. Kinausap niya si Jake at ipinagtapat ang lahat sa kaibigan. Taliwas sa kanyang inaasahan ay matagal na pala nitong alam na nagmamahalan sila ng kapatid nito at naghihintay lang talaga kung kailan siya aamin.
Napagdesisyunan ni Chase na manatili na lamang sa Pilipinas at ipagpatuloy ang negosyong iniwan ng kanyang ama sa kanya. Makalipas lamang ang dalawang taon ay nagpakasal na rin sila ni Jenny at biniyayaan ng kambal na anak. Namuhay sila ng masaya at puno ng pagmamahalan, dahil sa pagkakataong ito, wala nang pipigil pa sa kanilang nararamdaman para sa isa’t isa.