Ang Tagapagligtas ni Emma

“Hoy Emma, nasan ka?” pagkasagot pa lang niya ng tawag ay iyon na agad ang bungad na tanong ng kaibigang si Mari.

“Nasa bahay,” sagot niya rito.

Narinig niya ang maingay na tunog mula sa linya nito. Tunog pa lang ay nahulaan niya na kaagad kung nasaan ito. Tumingin siya sa kalendaryo sa isang bahagi ng kanyang kwarto. Araw ng Linggo. Paniguradong nasa simbahan ang kaibigan. At alam niya na rin kung bakit ito tumatawag ngayon…

“Sunod ka dito. ‘Di ba nangako ka sa’kin na sasamahan mo ako kahit isang beses lang?” narinig niya ang pagtatampo sa boses nito.

Totoo ang sinasabi nito. Sinabi niya naman talaga iyon pero sinabi niya lang kasi napilitan siya. Batang simbahan kasi ito at sobrang relihiyoso, hindi kagaya niya. Palagi siya nitong pinipilit na sumama sa kanya kapag magsisimba pero ayaw niya talaga.

Para sa kanya aksaya lang ‘yon sa oras. Hindi naman lahat ng nasa simbahan ay mabait at mabuting tao pero syempre, mapilit pa rin si Mari kaya nangako na lang siya para matigil na ito.

Humawak siya sa kanyang sentido at binuksan ang kanyang bintana.

Napapikit siya sa biglaang pagtama ng liwanag sa kanyang mata.

Advertisement

“Pasensya na pero ‘di ba sabi ko sasamahan kita kapag wala na akong gagawin?” tanong niya pa sa boses na kunyari nanghihinayang.

“Ha? Bakit? Ano bang ginagawa mo diyan? Sabi naman ni Tita Elma, wala kang ginagawa sa inyo.”

Ngumiwi siya. Mukhang maging ang nanay niya ay kakampi nito. Gustong gusto kasi nito ang kaibigan para sa kanya dahil sadyang mabait at magandang impluwensiya raw sa kanya.

“Siyempre kahapon ay wala kong ginagawa, pero ngayon mayroon na. Inimbita kasi ako ni Mike na pumunta dun sa isang event. Eh may limited edition daw na laruan na doon lamang ilalabas. Alam mo na, para sa koleksyon ko.”

Lumawak ang ngiti niya sa sinabi at binuksan ang isang malaking lagayan kung saan nakalagay ang lahat ng koleksyon niya ng iba’t-ibang superheroes kagaya nila Superman, Ironman, Batman at kung sino-sino pa.

Mula sa maliliit nitong mga replika hanggang sa mga damit at kung ano-ano pa ay mayroon siya.

“Ang dami-dami mo ng koleksyon diyan! Alam mo hindi talaga kita naiitindihan diya,” sabi pa nito.

“Ah, basta! Sige na. Ingat ka diyan,” pagtatapos niya sa usapan bago pa nito kwestyunin ang mga koleksyon niya. Iyon ang pinaka-ayaw niya sa lahat.

Advertisement

Kanya-kanyang paniniwala iyan. Kung naniniwala ito sa simbahan, ayos lang sa kanya pero sana ay hindi rin nito kukwestyunin ang paniniwala ang pinaniniwalaan niya. Alam niyang matanda na siya pero hanggang ngayon hindi napuputol ang kanyang paniniwala sa mga superheroes.

May tagapagligtas ang mga tao sa oras ng kanilang kapahamakan. Isang taong may kakaibang kapangyarihan at kakayahan higit sa lahat. Malakas, matalino kagaya ng mga pinapanood niya.

“Ma! Alis muna ako. Pakiutusan na lang si Ate Ising na linisin yung kwarto ko, ha? Pero wag pakialaman yung koleksyon dun. Baka may masira,” bilin niya.

“Yung mga laruan mo na naman ba, Emma?” tanong nito.

Nagsalubong ang kanyang kilay sa sinabi ng ina. “Hindi nga yun laruan, ‘ma!”

Ganun na lang niya pahalagahan ang mga iyon. Ni ayaw niya itong pahawakan sa kung sino, masyado kasing mahal ang mga iyon kaya hindi pwedeng masira. Marami ang may gustong bumili rito na kagaya niya ay kolektor ngunit hindi siya pumayag kahit na gaano kalaking pera ang handang ibigay.

Maraming tao ngayon kaya naisip na lang niya ‘wag magdala ng kahit na anong sasakyan. Sigurado na ang mabigat na trapiko at hindi maaari na mahuli siya dahil siguradong pag-aagawan ang mga bagong ilalabas.

Sigurado kagaya niya ay dadayuhin ito ng iba pang kolektor na magbabayad ng malaki at handang makipag-agawan. Siyempre at hindi siya magpapatalo.

Advertisement

“Hello, Emma? Nasaan ka na?” tanong ni Mike nang tumawag sa kanya.

“Malapit na ako, Mike. Medyo ma-trapik lang dito,” paliwanag niya sa kaibigan.

Sa katunayan, pinili niya pa nga na tumayo sa bus kaysa maghintay ng panibago kaysa magtagal pa.

Pinanood niya ang kalsada at napansin niya ang nagmamaneho ng bus na halos makatulog na. Nanlaki ang kanyang mata nang muli ay napatingin sa kalsada.

May bangin sa kanilang daanan at nagulat siya ng lumiko ang bus. Sumigaw siya sa takot at doon pa lang ata natauhan ang nagmamaneho. Mabilis itong nagpreno. Ngunit halos wala na itong epekto.

Malapit na sa bunganga ng bangin ang sasakyan. Narinig niya ang iyakan ng kapwa pasahero dahil sa takot.

Pumikit siya ng mariin at hindi niya inaasahan ang kanyang sunod na ginawa. Ang magdasal!

“Diyos ko, iligtas mo kami sa kapahamakan!” piping usal niya.

Advertisement

Ang mga tao, kapag desperado na ay nagdarasal kaya’t iyon ang kanyang ginawa. Hinintay niya ang pagbulusok ng bus pababa. Mas naging malakas ang palahaw at ang pagdarasal ng mga pasahero.

Gumegewang na ang bus kaya tumama ang kanyang ulo sa kung saan. Napapikit siya sa malakas nitong epekto ngunit sa nandidilim niyang paningin ay nakita niya ang isang puting ilaw sa harap ng bus. Hugis tao iyon at nagliliwanag.

Huminto ang bus. Tumigil na ito sa pagbulusok paibaba.

“Ligtas na tayo!” narinig niyang deklarasyon ng drayber.

Nangingibabaw ang pasasalamat ng pasahero habang siya ay hinanap ang misteryosong tao ngunit nabigo siya.

“Totoo ang Diyos!” sabi ng isang matanda na nakaupo sa kanyang likuran habang umiiyak. Tumango siya.

Alam niya na iyon ngayon. Totoong-totoo ito. Dahil kung hindi Diyos ang nagligtas sa kanila, mas lalong hindi iyon ang mga superheroes na hinahangaan niya.

Nang makababa siya ng bus ay hinanao niya kaagad ang cellphone at tinawagan ang kanyang kaibigang si Mari.

Advertisement

“Mari, pwede pa ba akong humabol sa misa?” agaran niyang tanong sa kaibigan.

“Aba’y oo naman! Ano’ng meron? Na-cancel ba ang event na pupuntahan mo?” takang tanong ng kaibigan, tila hindi makapaniwala sa pagbabago ng kanyang isip.

“Hindi, magpapasalamat lang ako sa Diyos,” nakangiting sabi ni Emma sa kaibigan.

Doon na nagsimula ang kaniyang pananalig sa Diyos. Natutunan niyang magdasal, hindi lamang sa oras ng pangangailangan, kundi pati na rin sa pasasalamat sa lahat ng biyayang kaniyang natatanggap.