Inday TrendingInday Trending
Paanong Iniligtas Ako ng Pinsan Ko?

Paanong Iniligtas Ako ng Pinsan Ko?

“Sandra, ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na layuan mo ‘yang pinsan mong si Karmi?” wika ni Aling Elena sa kaniyang anak na si Sandra.

“Hindi magiging magandang impluwensiya sa iyo ‘yang si Karmi. Tingnan mo nga at katorse anyos pa lamang siya ay may kasintahan na raw. Napakamabarkada pa niya! Baka mamaya ay mahawa ka pa niya sa ugali niyang ganyan. Masyadong pasaway ang batang iyon,” dagdag pa ng ginang.

“Pero nagpunta lamang po siya dito upang magpaturo sa akin ng asignatura. Saka hindi naman po totoo na may kasintahan na siya. Ang sabi po niya sa akin ay nanliligaw lamang daw po ang lalaki sa kaniya at naniniwala po ako doon,” depensa ni Sandra. “Mabait naman po ang pinsan kong si Karmi. Sa katunayan nga, ‘nay, dinalhan pa niya ako ng paborito kong piyanono,” saad pa ng dalaga.

“Ah, basta sundin mo na lang ako! Atupagin mo ang pag-aaral mo riyan at pigilan mong mapalapit sa kaniya,” mariing sabi ng ginang.

Nag-iisang anak ni Aling Elena si Sandra. Nasa hayskul na ito at kasalukuyang nagunguna sa klase. Ang tinutukoy ng ginang na pamangkin niya at pinsan ng dalaga ay si Karmi. Nag-iisang anak rin ito ng nakatatandang kapatid ni Elena. Naghiwalay ang mga magulang ng dalaga kaya ang akala ng lahat ay nagrerebelde ito. Hindi kasi tulad ni Sandra na pinalaki sa isang konserbatibong pamilya, masyadong outgoing itong si Karmi. Mabarkada ito at liberal din kung mag-isip. Dahil hindi kagalingan sa eskwela si Karmi ay pilit pinapalayo ni Elena ang anak sa dalaga upang hindi umano ito maimpluwensiyahan.

Isang araw ay nakita nina Aling Elena at Sandra ang pamangkin na kasama ang mga barkada nito.

“Tiya Elena! Sandra!” sigaw ni Karmi. Patakbo itong lumapit sa dalawa. “Sandra gusto mo bang sumama sa amin? Manonood kami ng basketball sa may court. Ang alam ko ay maglalaro rin ang pinsan nating si Joshua,” sambit niya sa pinsan.

“Ah eh, hindi ako pwede, Sandra. Mag-aaral pa kasi ako para sa exam namin bukas,” tugon ng dalaga na natatakot sa titig ng kaniyang ina.

“Ikaw na lang ang manood, Karmi. Pabayaan mo na ang anak ko. Kailangan niyang mag-aral. Ikaw? Hindi siya kagaya mo na inuuna pa ang panonood ng liga kaysa pag-aaral,” sambit ng tiyahin.

“Gusto ko lang naman pong suportahan si Joshua, tiya. Saka wala naman po akong asignatura,” tugon ni Karmi.

“Layuan mo ang anak ko, Karmi. Huwag mo siyang impluwensiyahan ng masama. Marami siyang pangarap!” dagdag pa ni Elena.

Nais man ni Sandra na manood at suportahan din ang isa pa niyang pinsan ay wala siyang magawa sapagkat hinila na siya ng kaniyang ina pauwi.

“Ma, bakit hindi ko pwedeng gawin ang mga nagagawa ni Karmi? Buti pa siya, malayang nagagawa ang lahat,” wika ni Sandra.

“Gusto mo bang maging ganoon ka tulad niya? Hiwalay ang magulang noon kaya walang pumipigil sa mga kaya niyang gawin. Ang gagawin mo lang ay mag-aaral ng mabuti para matupad mo ang pinapangarap nating makakapagkolehiyo sa kilalang unibersidad nang sa gayon ay makapag-aral ka muli sa ibang bansa at makahanap ng magandang trabaho,” giit ng ginang.

Hindi man aminin ni Sandra ay lubusan ang inggit niya sa kaniyang pinsan dahil bukas ito sa kaniyang nararamdaman. Marami itong kaibigan na dumadamay sa kaniya. At kahit nahiwalay ang mga magulang nito ay masaya naman siya sa piling ng kaniyang nanay at tatay.

Walang ginawa si Sandra kung hindi mag-aral. Sa bawat oras ay libro ang kaniyang kapiling. Hindi na niya magawang magsaya bilang isang dalaga sapagkat tutol ang kaniyang ina. Ang nais lamang ng ginang ay magpakadalubhasa si Sandra sa pag-aaral. Unti-unting nagkaroon ng depresyon si Sandra ngunit hindi niya ito masabi sa kaniyang ina sapagkat noong isang araw na sumubok siyang magbukas ng damdamin sa ina ay hindi siya nito pinakinggan.

Dahil hindi siya malaya sa paggawa ng kaniyang mga nais at nasasakal na siya sa kaniyang ina ay minabuti na lamang ni Sandra na kitilin ang sariling buhay. Nakapagdesisyon siya sa mamayang hatinggabi ay tatalon siya sa tulay at hahayaan niya na malunod ang sarili sa ilog.

Nang tulog na ang kaniyang mga magulang ay dahan-dahang lumabas si Sandra sa kanilang tahanan at nagtungo sa tulay. Umagkat siya sa bakod at ipinikit ang kaniyang mga mata at nang tatalon na siya at handa na siyang kitilin ang buhay ay may biglang humawak sa kaniya at pilit siyang inilayo sa tulay.

“Sandra, anong ginagawa mo?” kinakabahang wika ni Karmi na papauwi pa lamang sa kanilang bahay galing sa group study noong panahon na iyon. “Bakit ka tatalon sa ilog na ‘yan?! Nasisiraan ka na ba? Hindi ka naman marunong lumangoy, hindi ba?” wika niya.

“Karmi, pabayaan mo na ako! Nagsasawa na ako sa buhay ko!” umiiyak niyang sambit sa dalaga.

“Anong ibig mong sabihing nagsasawa ka na sa buhay mo? Ang ganda nga ng buhay mo sa totoo lang. Maganda ka at matalino higit sa lahat ay buo ang pamilya mo. Hindi tulad ko. Pero kahit kailan, Sandra ay hindi ko inisip na tapusi ang aking buhay. Napakaraming bagay ang puwede mong ipagpasalamat,” saad ni Karmi.

“Alam mo, Karmi, sobra akong naiinggit sa’yo kasi kahit na ganiyan ang kalagayan mo ay malaya kang gawin ang lahat ng gusto mo. Ako, hindi. Nakakulong lang ako sa buhay na gusto sa akin ng nanay ko. Napapagod na ako, pinsan,” sambit ni Sandra.

“Wala namang gusto ang mga magulang natin kundi ang makabubuti sa atin. Kung gusto ng nanay mo na maging magaling sa pag-aaral ay dahil gusto niyang maging maganda ang kinabukasan mo. Maswerte ka nga at may nanay kang ganiyan na nakasuporta sa pag-aaral mo. Tingnan mo ako, pumupunta pa ako sa iyo para lang magpaturo ng asignatura,” wika ni Karmi.

“Huwag kang gagawa ng mga bagay na pagsisihan mo, pinsan. Pagkatapos mo namang mag-aral at magkaroon ng magandang buhay ay magiging malaya ka rin na magdesisyon sa buhay mo. Sa ngayon ay sundin mo muna ang nanay mo sapagkat ‘ika nga nila, alam ng mga ina ang makakabuti para sa atin,” saad pa ng dalaga. Niyakap na lamang siya ng umiiyak na si Sandra.

“Kung may problema ka, Sandra, at wala kang masabihan ay nandito lamang ako. Kahit na ayaw sa akin ng Tita Elena ay ayos lamang sa akin. Huwag kang mahiyang lumapit sa akin. Kaya ko ang mga masasakit na salita ng nanay mo. Ano pa at naging pinsan mo ako?” wika muli ng dalaga.

Ilang sandali lang at nariyan na si Aling Elena kasama ang asawa nito. Nang maalimpungatan kasi ito ay sinilip siya si Sandra sa kaniyang silid at nang hindi niya ito makita ay agad niya itong hinanap.

“Hindi ba sinabi ko sa’yo na layuan mo ang anak ko, Karmi! Tingnan mo at disoras na nang gabi ay narito pa kayo! Anong kag*gahan ang tinuturo mo sa anak ko ngayon?” sigaw niya sa pamangkin.

“’Nay, tama na po. Huwag ninyo pong ganyanin si Karmi. Tigilan ninyo na po siya!” giit ni Sandra. “Kung hindi dahil kay Karmi, ‘di sana ay diyan ninyo na ako sa ilog makikita ngayon at wala ng buhay!” pahayag pa ng dalaga.

“Anong ibig mong sabihin, anak,?” pagtataka ni Aling Elena.

“Binalak ko pong tapusin ang sarili kong buhay. Kung hindi dahil kay Karmi na pumigil sa akin ay dapat naisakatuparan ko na ito. Dapat ay wala na kayong anak ngayon,” saad ng dalaga. Laking gulat naman ni Elena sa kaniyang narinig.

“’Nay, sa totoo lamang po ay nagsasawa na ako sa pakikialam ninyo sa buhay ko. Wala na po akong ginawa kundi tuparin ang pangarap na binuo ninyo sa akin ngunit hindi ninyo po tinanong kung ano ba ang talagang gusto ko. Ni hindi ko po makuhang magkaroon ng kaibigan man lang dahil sa tingin ninyo ay magiging sagabal ito. Pero ‘nay, habang inilalapit ninyo ako sa pangarap na binuo ninyo ay inilalayo ninyo naman po ako sa tunay kong pagkatao,” sambit ni Sandra sa ina. “’Nay, binalak ko pong kitilin ang buhay ko upang makalaya sa inyo. Pero dahil kay Karmi ay napagtanto ko na kailangan kong makita ang maganda sa lahat ng bagay,” wika pa niya.

Natauhan si Elena sa sinabi ng anak. Lubusan naman ang kaniyang pasasalamat kay Karmi sa pagkakaligtas niya kay Sandra. Hindi niya akain na ang iniisipan pa niya ng masama ang magbibigay liwanag sa isipan ng kaniyang sariling anak.

“Patawarin mo ako, anak, kung masyado kong iginigiit sa’yo ang pangarap ko. Gusto ko lang naman kasi na maging maayos ang buhay mo at hindi mo sapitin ang hirap na dinanas namin noon,” saad ni Aling Elena. “Ipangako mo sa akin na kahit kailan ay hindi mo na ito uulitin at pinapangako ko rin sa iyo na mas magiging maluwag na ako sa’yo at iintindihin ko na ang damdamin mo,” dagdag pa ng ginang.

“Sa iyo naman, Karmi, maraming salamat sa pagligtas mo ng buhay ng pinsan mo. Hindi ko alam kung paano kita mapasasalamatan. Patawarin mo ako kung ganoon na lamang kitang nahusgahan. Hindi tama ang ginawa ko sa’yo lalo na at ako ang tiya mo. Dapat ako ang nagsisilbi mong pangalawang magulang. Patawarin mo ako, pamangkin,” pagpapakumbaba ni Aling Elena.

Mula noon ay naging maayos na ang pakikitungo ng ginang sa kaniyang anak at pamangkin. Hinayaan na rin niya ang dalawa na magkasama at naging matalik silang magkaibigan. Naimpluwensiyahan ni Sandra si Karmi na mag-aral pa ng mas mabuti. Nagtulungan ang dalawa sa pagkamit ng kanilang mga pangarap. Walang mapagsidlan ang kaligayan ng dalawa ng makahanap sila ng kaibigan at kapatid sa isat-isa.

Advertisement