
Ano ang Tunay na Trabaho ng Aking Ina?
Lubusan ang pagtataka ni Mika, labing anim na taong gulang, sapagkat patuloy ang pag-uuwi ng kaniyang ina na si Salve ng mga sanggol upang kaniyang maging kapatid. Ang alam ng dalaga ay isang midwife ang kaniyang ina. Ngunit hindi niya maipaliwanag kung bakit sila nakakariwasa sa buhay. Dalawang taong gulang pa lamang kasi siya ay iniwan na sila ng kaniyang ama at ang kaniyang ina na lamang ang nagtaguyod sa kaniya. Pati na rin sa mga batang iniuuwi nito.
Natatandaan pa niya nung unang beses nag-uwi ng sanggol ang kaniyang ina. Ito ay noong pitong taong gulang pa lamang ang siya. “Ma, sino po ang sanggol na iyan?” tanong niya sa kaniyang ina.
“Ikaw? Ano ba ang gusto mong ipangalan sa kaniya,” balik tanong si Salve.
“Babae ang sanggol na ito. Tamang-tama. Hindi ba noong isang araw ang sabi mo sa akin ay gusto mong magkaroon ng nakababatang kapatid na babae? Lumapit ka rito, anak, at tignan mo ang mala-anghel niyang mukha. Kamukha mo siya noong sanggol ka pa lang,” nagagalak na wika ng ina.
Habang tumatanda si Mika ay patuloy ang pagtatanong niya sa kaniyang isipan kung bakit ganito ang ginagawa ng kaniyang Mama Salve. Sa loob kasi ng siyam na taon ay apat na bata na ang naiuwi ng kaniyang ina. Wala naman siyang mapagtanungang kamag-anak sapagkat pawang nasa ibang bansa ang mga ito at hindi sila malapit sa isa’t isa. Maging ang kaniyang ina naman ay hindi na rin maituro ang kinaroroonan ng kaniyang ama.
Naging misteryo kay Mika ang gawaing ito ng kaniyang ina. Madalas pang abala sa kaniyang klinika si Salve kaya ang tanging napagsasabihan na lamang ni Mika ng kaniyang mga saloobin ay ang kaniyang Yaya Salome.
“Yaya, tingin mo hindi ako sapat kay mama kaya laging siyang nag-uuwi ng bata dito? Kasi kung mahal niya ako bakit mas iniintindi pa niya ang apat na kapatid ko kaysa sa akin. Palaging ikaw na lang ang kasama ko,” sambit ni Mika.
“Bakit? Ayaw mo ba akong kasama?” biro naman ng kaniyang yaya.
“Abala lang ang mama mo sa trabaho niya. Siyempre para sa iyo din naman ang ginagawa niya. Ang lahat ng ito ay magiging sa’yo balang araw,” tugon ni Yaya Salome.
“Ano ba talaga ang trabaho ng mama ko? Bakit kahit matanda na ako ay bawal pa rin akong pumunta ng klinika niya?” pagtataka ng dalaga.
“Hindi ba sinabi na ng mama mo na hindi ka rin niya maaasikaso doon kaya huwag ka na lang pumunta. Maawain lang talaga ang mama mo, Mika. Ang alam ko kasi kaya kinupkop ng mama mo ang mga kapatid mo dahil ayaw sa kanila ng mga magulang nila. Kaysa daw maging palaboy sa lansangan mabuti pang iuwi na lamang niya at maging kapatid mo para hindi ka nalulumbay,” kuwento ni Yaya Salome.
“Ang mabuti pa kaysa kung anu-ano ang iniisip mo riyan ay kumain ka na lamang. Pinagluto kita ng paborito mong spaghetti. Tatawagin ko na rin ang apat mong kapatid para sabay-sabay na kayo mag-merienda,” saad ng ale.
Hindi talaga mapalagay si Mika. Ang pakiramdam kasi niya ay hindi siya mahal ng kaniyang ina.
Isang araw ay sinundan niya ang ina sa klinika nito. Tatlong pasyente lamang ang naroroon sa may tanggapan. Habang nagmamasid ay narinig niya ang mahinang pag-uusap ng tatlong babae.
“Kinakabahan ako. Hindi ko kasi alam kung tama ba itong gagawin ko,” sambit ng isang babae.
“Ako din. Malaki na ang tiyan ko at alam kong ganap na bata na itong nasa sinapupunan ko,” bulong naman ng isa.
“Kailangan ko ‘tong gawin kasi hindi pa ako handa, eh. Kaya desidido na ako,” saad naman ng pangatlong babae.
Mayamaya ay nakita ng tatlo na nakatingin sa kanila si Mika kaya tinanong na rin nila ang dalaga.
“Ikaw, miss? Ilang buwan na ‘yang dinadala mo? Parang napakabata mo pa, ah. Napakalakas naman ng loob mo,” sambit ng isang babae.
“Anong ibig ninyong sabihin? Hindi ba kayo narito para magpa-checkup?” tanong ni Mika.
“Talaga? Nagpapaanak pala talaga si Salve?” pagtataka ng isa pang babae. “Ang akala ko kasi ay matagal na siyang hindi nagpapaanak,” wika pa niya.
“Kung hindi nagpapaanak ang midwife dito ano ang ginagawa niya?” pag-uusisa ni Mika.
Bago pa makasagot ang isa sa tatlong babae ay biglang lumabas mula sa silid paanakan ang assistant ni Salve. Laking gulat nito nang makita si Mika sa lugar na iyon.
“Nasaan ang mama ko?” tanong ni Mika sa assistant nito. “Anong ginagawa mo rito, Mika? Hindi ba sinabi ng mama mo na bawal ka rito?” nangangatal na tugon ng babae. “Wala akong pakialam. Nasaan ang mama ko. Kailangan ko siyang makausap!” galit na sambit ng dalaga.
“Huwag kang mag-eskandalo rito, Mika. Nasa loob ang mama mo at may pinaaanak. Hintayin mo na lamang siya rito kung gusto mo talaga siyang makausap,” saad ng assistant.
Nagtataka si Mika. Kung may pinaaanak ang kaniyang ina ay bakit wala man lamang siyang naririnig na ire ng babae o hindi naman kaya ay iyak ng sanggol.
Nagpumilit siya na pumasok sa silid. Laking gulat niya nang matuklasan ang tunay na trabaho ng kaniyang ina. Isa pala itong ab*rsyonista .
“Ma, anong ibig sabihin nito?” sambit ni Mika sa kaniyang pagkagulantang.
“Ito pala ang trabaho mo! Wala kang kasing sama!” sigaw ng dalaga sa ina tsaka siya tumakbo paalis ng klinika.
Hindi makapaniwala si Mika na illegal pala ang trabaho ng kaniyang Mama Salve. Ang paanakan pala ay isang front lamang sa tunay na hanapbuhay ng kaniyang ina.
Nang makauwi si Salve ay agad niyang kinausap ang kaniyang anak at ipinagtapat ang totoo. “Matagal na akong naglalaglag ng bata, anak. Alam kong mali ang ginagawa ko pero mas malaki ang kita dito. Pasensya ka na kung sa ganitong paraan mo pa nalaman,” wika niya.
“Iniwan ako ng papa mo nang malaman niyang ganito ang trabaho ko. Ngunit kahit anong gawin ko ay hindi ko maiwan ang trabaho na ito. Parang sa tingin ko ay kailangan ako ng mga kababaihan na hindi pa handang maging magulang,” saad pa niya.
“Pero bakit ka nag-uuwi ng mga sanggol dito sa bahay, ma?” umiiyak na tanong ni Mika.
“May mga pasyente kasi ako na nagpupunta sa akin na malaki na ang kanilang mga tiyan. Tuwing nailalabas ang bata nang buhay ay kinukupkop ko na lamang ang mga ito upang makabawas sa aking mga kasalanan,” paliwanag ng ina.
“Alam kong mali, Mika. Ngunit kailangan nating mabuhay. Kailangan ko itong ipagpatuloy para may pangbuhay ako sa inyong magkakapatid,” giit ni Salve.
“Ma, ako naman po ang aalis tulad ni papa kung hindi ninyo iiwan ang trabahong ‘yan!” pananakot ni Mika.
Dahil sa pagmamahal ni Salve sa kaniyang anak ay winakasan na niya ang masamang gawain.
Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagkasakit ang ginang. Nung magpatingin ito sa doktor ay nalaman niyang siya ay may k*nser sa matres. Parang pinagsakluban sila ng langit at lupa sapagkat malala na ito.
“Marahil ay ito na ang aking parusa. Maluwag kong tatanggapin ang lahat ng ito sapagkat ako ay nagkasala,” sambit ni Salve.
“Alam mo isa lamang ang pinagsisisihan ko sa lahat ng ito, anak. Iyon ay hindi ko nagawang magpakaina sa iyo. Patawarin mo ako, Mika, kung huli na ang lahat para sa atin. Hindi akong naging isang mabuting tao at mabuting ina sa iyo,” wika niya kay Mika.
Walang magawa si Mika kung ‘di tanggapin na lamang ang kalagayan ng kaniyang ina. Kahit na ang nais lamang niya ay makapiling pa ito ng mas matagal ay malabo na itong mangyari sapagkat bilang na ang mga oras nito. Sa tingin niya ay tama ang kaniyang ina na ito na ang kaparusahan sa kaniyang mga kasalanan. Marahil ay nagkataon lamang ngunit ang parte ng katawan ni Salve na nagkaroon ng k*nser ay ang bahagi ng katawan kung nasaan ang mga sanggol na kaniyang nilalaglag noon.
‘Di nagtagal ay tuluyan na ngang nagpaalam si Salve sa mundong ito. Panalangin ni Mika na sana ay mapatawad ng Panginoon ang kaluluwa ng kaniyang ina sa kabila ng mga kasalanan nito.