Inday TrendingInday Trending
Ang Panganay sa Limang Magkakapatid

Ang Panganay sa Limang Magkakapatid

“Ate Josie, nasaan na kaya si Kuya Alfred? Gutom na gutom na ako,” umiiyak na wika ng bunsong si Benjie.

“Sandali na lang at makakauwi na rin ‘yon. Kaunting tiis na lang. Sigurado ako na may uwing pagkain si kuya,” wika ng pangalawang kapatid na si Josie.

Ulila na sa mga magulang ang magkakapatid na Alfred, Josie, Mina, Randy at Benjie. Ang panganay na si Alfred na ang tumayong magulang sa kaniyang mga nakababatang kapatid. Naninirahan sila sa bahay na pawid na naiwan sa kanila ng kanilang mga magulang. Ang kakarampot na lupa na naipamana sa kanila ang tangi nilang kayamanan. Nangako sila na hinding-hindi nila ito lilisanin kailanman.

Masaya naman ang kanilang payak na pamumuhay. Minsan nga lang ay nagigipit sila sapagkat pumapasok sa eskwelahan ang apat sa limang magkakapatid.

Huminto na si Alfred sa kaniyang pag-aaral at hindi na nakatungtong pa ng kolehiyo. Nagtatrabaho siya bilang isang gasoline boy. Mahirap man at mabigat ang responsibilidad ay kinakaya niya sa ngalan ng pagiging panganay.

“Nariyan na si kuya at may dala siyang supot! Makakakain na tayo!” sigaw ni Mina na naghihintay sa bintana sa pagdating ng kaniyang kuya.

Dali-daling nagtipon ang magkakapatid sa pinto upang salubungin ang kanilang panganay na kapatid.

“Pasensiya na at natagalan ako. Nag-overtime pa kasi ako para may ekstra tayong panggastos. Ito, o, bumili ako ng pansit. Tara kumain na tayo. Josie at Mina, maghain na kayo,” sambit ni Alfred.

Masayang pinagsaluhan ng magkakapatid ang inuwing pansit ni Alfred.

May mga kamag-anak namang nalalapitan ang magkakapatid. Ang iba pa nga rito ay gusto silang ampunin. Ngunit dahil nangako si Alfred sa kaniyang ina na hindi sila maghihiwalay ay tiniis niya ang bigat ng responsibilidad.

Isang araw ay nagkasakit si Benjie at kinailangan itong madala sa ospital. Humingi si Alfred ng tulong sa kaniyang Tiya Minda na kapatid ng kaniyang ina.

“Alfred, tignan mo nga ang mga kapatid mo. Mukha silang mga pulubi. Mga bata pa sila at kailangan nila ng magulang na mag-aasikaso sa kanila. Hayaan mo na ampunin ko sina Josie at Mina,” wika ng kaniyang Tiya Minda.

“Kung hindi niyo po kami aampunin lahat ay hindi po ako papayag,” tugon ni Alfred. “Hindi po kami maaaring maghiwalay, tiya. Iyan po ang ipinangako ko sa aming ina,” dagdag pa ng panganay.

“Pero hindi mo naman sila kayang alagaan lahat. Ang sabi sa akin ng mga kapitbahay ay madalas kayong wala makain dito. Tignan mo nga at nagkasakit pa ‘yang si Benjie. Kaya ibigay mo na lang sa’kin ang dalawang babaeng kapatid mo. Ang sabi ng Tiyo Nante ninyo ay gusto naman niyang makuha itong si Benjie. Tapos doon na kayo ni Randy sa Tiyo Cardo ninyo,” mungkahi ng tiyahin.

“Panandalian lang naman kayong maghihiwalay, Alfred. Makakaipon ka kung ibibigay mo muna sa amin ang mga kapatid mo,” giit ng ginang.

“Kung naaawa kayo talaga sa amin, tiya, bakit hindi niyo na lang po kami abutan ng tulong habang nandito kami sa bahay namin. Hindi nga po kami nakakakain ng tatlong beses sa isang araw pero pinipilit ko naman pong hindi magutom ang mga kapatid ko,” paliwanag ni Alfred.

“Bahala ka, Alfred. Kapag nagkasakit muli ang isa sa inyo ay huwag kayong makalapit-lapit sa amin. Kami na nga ang nagmamagandang loob sa inyo! Bayaran mo iyang inutang mong pangpagamot sa kapatid mo!” sambit ng kaniyang tiyahin sabay alis.

Laking tuwa naman ng mga nakababatang kapatid ni Alfred dahil hindi pumayag ang kanilang kuya sa gusto ng kanilang tiyahin.

“Kuya, salamat at hindi mo kami binigay kay Tiya Minda. Gagawin lang kaming alipin non sa bahay nila. Noon ngang nagpunta kami sa kanila wala silang ginawa ng anak niya kung ‘di utusan kami. Mas magiging mahirap ang buhay namin doon. Mabuti pa na dito na lamang kami,” wika ni Josie.

“Oo nga, kuya! Ayoko rin na umuwi doon kila Tiyo Cardo. Gagawin niya tayong kargador sa tindahan niya,” wika ni Randy.

“Pagbutihin ninyo ang pag-aaral niyo. Hayaan niyo. Gagawin ni kuya ang lahat para lang itawid kayo sa kahirapan,” sambit ni Alfred sa kaniyang mga kapatid.

Sa isang banda ay nais na rin ni Alfred na ibigay ang mga ito sa mga kamag-anak upang makalasap naman sila ng magandang tahanan at makakain ng tatlong beses sa isang araw.

Nararamdaman ng mga nakababatang kapatid ang suliraning ito ng kanilang kuya. Upang makatulong sa kanilang kuya ay napagdesisyunan ng mga nakababatang magkakapatid na magtinda ng sa gayon ay hindi na mahirapan pa ng lubusan ang kanilang kuya. Nagtinda sila ng banana cue, kamote cue at turon. Iniluluto ito nila Josie at Mina at iniaalok naman nila Randy at Benjie sa mga kapitbahay. Minsan ay umeekstra rin ang mga bata bilang tagalinis sa bakuran. Iniipon nila ang lahat ng kanilang kita upang ipangdagdag sa kanilang panggastos.

Ginalingan din nila sa pag-aaral sapagkat alam nilang magiging sandata nila ito upang magtagumpay sa buhay.

Nung makatapos si Josie ng hayskul ay naging katuwang siya ng kaniyang kuya sa pagtatrabaho habang ipinagpapatuloy niya ang kaniyang kolehiyo. Magkatulong sila ng kaniyang Kuya Alfred sa pagpapaaral ng iba pa nilang kapatid.

Hindi naglaon ay lahat ng nakababatang kapatid ni Alfred ay nakapagtapos na at nagkaroon na ng magagandang trabaho. Ang bahay nila na dating pawid ay naging bato na. Naipatayo na ng magkakapatid ang kanilang pangarap na bahay.

Hindi akalain ni Alfred na mapagtatagumpayan nila ang lahat ng hirap na kanilang pinagdaanan.

Si Josie at Mina ay nakapangasawa na. Samantalang may kasintahan na sila Randy at Benjie.

Kaarawan ni Alfred at nag-iisa siya sa terasa. Nakita siya ng isang kapitbahay na malalim ang kaniyang iniisip kaya agad siyang nilapitan ng ginoo. “Maligayang kaarawan, Alfred. Bakit nag-iisa ka ata,” pagtataka nito.

“Wala. May iniisip lang ako. Salamat sa pagbati,” tugon ni Alfred.

“Nalulungkot ka ba kasi isa-isa nang nagsisi-alisan sa tahanan ninyo ang mga kapatid mo? Nakatapos silang lahat ng pag-aaral samantalang ikaw ay hayskul lamang ang narating mo. Hindi ka na rin nakapag-asawa. Paano na sa pagtanda mo? Walang mag-aalaga sa iyo. Hindi ka ba nangangamba na tatanda kang mag-isa?” tanong ng ginoo.

Biglang natahimik si Alfred. Pagkatapos ay narinig na lamang niya ang boses ni Josie.

“Kami ang mag-aalaga sa kaniya. Hindi niya inalay ang buong buhay niya sa amin para lang sa wala. Hindi namin makakamtan ang buhay na mayroon kami kung hindi dahil sa kuya namin,” tugon ni Josie. “Kahit na may asawa na ako ay hindi ko makakalimutan ang lahat ng sakripisyo mo, kuya,” wika niya sa nakatatandang kapatid.

“Hayaan mo na ibalik namin ngayon sa iyo ang pag-aalaga at kalinga na ibinigay mo sa amin noon,” wika naman ni Mina.

“Maligayang kaarawan, kuya!” sabay-sabay na bati nila Josie, Mina, Randy at Benjie. Dali-dali silang lumapit sa kapatid at niyakap ito.

“Maraming salamat sa lahat, kuya. Hinding-hindi ka tatanda ng mag-isa. Hinding-hindi ka namin pababayaan tulad ng ginawa mo sa amin noon,” sambit ni Randy.

“Wala akong ibang hiling kung ‘di ang bumuti ang buhay niyo. Sa wakas ay natupad ko na rin ang pangako ko sa ating mga magulang. Mahal ko kayo, mga kapatid ko,” wika ni Alfred.

Masayang nagdiwang ng kaarawan si Alfred kasama ang kaniyang mga kapatid.

Hindi niya kailangang mangamba sapagkat baon niya sa kaniyang pagtanda ang pangako na aalagaan siya ng mga ito. Ibinalik ng kaniyang mga kapatid ang lahat ng sakripisyo niya sa mga ito noon. Tunay na walang makakapaghiwalay sa pagmamahalan ng magkakapatid.

Advertisement