Inday TrendingInday Trending
Ang Alaga Kong Aso

Ang Alaga Kong Aso

Habang naglalakad pauwi galing sa kaniyang trabaho ay nakita ni Mang Tony ang isang galising aso na pagala-gala sa daan. Nang makita ng aso si Mang Tony ay lumapit ito sa matanda at tila ba nanghihingi ng pagkain.

Naawa si Mang Tony sa aso kaya kahit marami itong galis isinama niya ito sa kaniyang bahay. Doon ay binigyan niya ito ng pagkain at inumin sa kabila ng nagagalit niyang asawa na si Aling Remy.

“Ano ka ba naman, Tony? Bakit ka nagdala ng asong galisin dito? Baka mangati tayo niyan?” usisa ni Aling Remy sa asawa.

“Nakakaawa naman, eh. Isa pa, ituring natin siyang anak. Tutal wala na sila Juvy at Sam. Matagal na tayong walang inaalagang baby rito,” biro ni Mang Tony sa asawa.

Sina Juvy at Sam ay pawang mga anak nila na may sarili na ring pamilya.

“O siya, bahala ka. Kapag hindi gumaling iyan ibalik mo na lang iyan sa lansangan, ah,” sabi ni Aling Remy.

Araw-araw ay matiyagang pinapakain at pinaiinom ng tubig ni Mang Tony ang alagang aso na pinangalanan niyang Chuchay. Hindi rin siya nandiri sa pagpapaligo rito sa kabila ng galis nito sa katawan. Regular din niya itong dinadala sa beterinaryo upang magamot. Talagang ginastusan ito ni Mang Tony.

Ilang buwan lamang ang lumipas at tuluyan na ngang gumaling ang mga sugat ni Chuchay. Tinubuan na rin ito ng mga balahibo. Masigla na ang pagkahol nito. Matakaw sa pagkain at madalas uminom ng tubig.

Sa loob lamang ng tatlong buwan ay ganap nang naging maganda ang tubo ng mga balahibo ni Chuchay. Napakaganda nito’t kinagiliwan na rin ng mga kapitbahay.

“Maganda pala si Chuchay. Mabuti’t naisipan mo siyang ampunin,” puri ni Aling Remy sa aso habang hinihimas ang katawan nito.

“Sus, samantalang dati ayaw mo sa asong ito. Porke’t galisin pa siya dati. Ngayon ay maganda na?” biro ni Mang Tony sa asawa.

Umirap na lamang si Aling Remy sa asawa at niyakap si Chuchay.

Araw-araw ay isinasama ni Mang Tony ang alagang si Chuchay saan man siya magtungo. Sa tuwing siya ay maglalakad-lakad sa parke, sa tuwing bibili siya sa palengke o sa simpleng pagja-jogging ng matanda sa kanilang kalye.

Isang umaga, habang nagja-jogging si Mang Tony kasama ang alagang si Chuchay, binilinan ni Mang Tony ang alagang aso na hintayin siya sa isang poste ng ilaw. Kailangan lamang niyang tumawid sa kabilang kalye upang bumili ng produktong pinabibili ng kaniyang asawa.

“Dito ka lang Chuchay, ah. May bibilhin lang ako. Huwag kang aalis diyan,” bilin ni Mang Tony sa alaga. Kinakausap niya kasi ito na parang tao.

Tila may isip naman itong tumalima sa kaniya. Naupo lamang ito at tinignan siya.

Tumawid si Mang Tony upang bilhin ang pampalasang pinabibili ni Aling Remy. Nang patawid na siya isang humahagibis na sasakyan ang biglang dumating sa kalye. Tila walang preno ang naturang sasakyan. Patungo ito kay Mang Tony. Napapikit na lamang ang matanda.

Isang malakas na “bog” ang narinig. Hudyat na may nasagasaan ang sasakyang nawalan ng kontrol.

Pagdilat ni Mang Tony ay hindi pala siya ang nasagasaan.

Nagulat siya dahil ang duguang katawan ni Chuchay ang nasa tabi niya. Iniligtas siya sa tiyak na kapahamakan ng kaniyang alagang aso. Agad niyang kinarga ang duguang katawan ng aso at dinala sa pinakamalapit na beterinaryo.

“Doktor, buhayin po ninyo ang alaga ko. Parang awa niyo na po,” pagmamakaawa ni Mang Tony sa beterinaryo.

Subalit hindi na nakayanan ng pobreng aso ang pagkawala ng maraming dugo. Binawian ito ng buhay.

Labis na naghinagpis si Mang Tony sa biglaang pagkawala ng kaniyang pinakamamahal na alaga.

Hindi pumayag si Mang Tony na basta na lamang ilibing ang aso. Itinuring niyang tao si Chuchay kaya nararapat lamang na itrato ding parang tao ang burol at libing nito.

Ipinaburol niya sa kabaong ng tao ang mga labi nito at pinaglamayan din. Bukod dito kumuha rin siya ng lupa sa sementeryo upang doon ilibing ang aso sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng kaniyang asawa.

Marami ang dumalo sa libing ni Chuchay.

“Para ko ng anak si Chuchay kaya masakit sa akin ang kaniyang pagkawala,” sabi ni Mang Tony sa lahat ng mga nakipaglibing sa kaniyang alagang aso.”

Samantala, nakulong naman ang driver ng sasakyang nawalan ng kontrol at nakasagasa kay Chuchay. Napag-alaman kasing lango pala ito sa alak.

Nagpatuloy naman si Mang Tony sa paghahanap ng mga asong gala na pinabayaan na ng kanilang mga amo upang ampunin.

Advertisement