Inday TrendingInday Trending
Nais ng Babaeng Galangin Siya ng Kaniyang mga Pamangkin; Bakit Nga Ba Walang Respeto ang mga Ito sa Kaniya?

Nais ng Babaeng Galangin Siya ng Kaniyang mga Pamangkin; Bakit Nga Ba Walang Respeto ang mga Ito sa Kaniya?

“Hoy, Victoria!” tawag ni Josephine sa pamangkin niya.

“Ano po iyon t’yang?”

“Pakisabi d’yan sa mga kapatid mong mga pat*ay gutom at mga walang modo na nagmana sa tatay niyo na huwag daan nang daan dito. May kumakalat na virus ngayon at baka mahawaan pa kayo at madamay kami. Gusto ko pang mabuhay nang matagal, kaya sana naman magsitahimik na sila sa bahay niyo at sumunod sa protocol ng Barangay natin,” mataray na wika ni Josephine.

“Pero kasi t’yang daanan po ito, kaya malamang dadaan po talaga kami dito,” pambabarang sagot naman ni Victoria.

“Aba’t sumasagot ka pa! Alam kong daanan dito. Kaya nga mag-iingat kayo, kasi kaming nag-iingat baka mahawaan niyong mga burara!”

“Grabe naman kayo sa pamilya ko t’yang. Sobrang pang-iinsulto naman yata iyang sinasabi mo e, dumadaan lang naman kami sa daang ito.” Inis na wika ni Victoria. “Ano naman po ang gusto niyong gawin namin lumipad para hindi na makadaan rito.”

“Aba’y bahala kayo sa buhay niyo. Basta huwag kayong daan nang daan dito!” Singhal ni Josephine at walang kung ano-ano ay isinara pabagsak ang pintuan.

Laging gano’n si Josephine sa kanila. Kung tutuusin ay iisang compound lang naman ang tinitirhan nila at magpapamilya pa sila. Natural na dadaan sila doon ng mga kapatid at magulang niya dahil wala namang ibang daanan roon kung ‘di iyon lang at doon din malapit ang bahay ng tiyahin.

Nag-iingat rin naman sila dahil alam naman nila kung gaano ka delikado ang mundo ngayon dahil sa pandemya. Pero grabe naman kung tawagin pa silang pat*ay gutom. Sa awa ng Diyos ay hindi naman sila nanghihingi rito ng makakain sa araw-araw, dahil kaya naman nilang magkakapatid na suportahan ang magulang nila.

“Hoy! Bengkat!” Tawag ni Josephine sa kaniyang ina isang umagang nagkakape silang magpapamilya.

“Ano ba iyon Ate Jo?” sagot nito sa kapatid.

“Kahit kailan talaga ay napakaburara niyong magkamag-anak! ‘Yong basura niyo umaalingasaw sa may bintana ko. Pinabayaan niyo lang doon. Paano kung magkasakit ako sa basura niyong binarubal niyo sa tapat ng bahay ko?!” Galit na wika ni Josephine.

“T’yang hindi po iyon pinabayaan doon. Talagang mabaho iyon dahil basura ‘yon. Saka wala pa ang truck nag-anunsyo na ang Barangay na ilabas na ang mga basura. Nasa may daanan kayo, kaya doon ko na iniwan,” mahinahong paliwanag ng kapatid niyang si Victor.

“Ang sabihin niyo mga baboy kayo kaya ang baho ng basura niyo!”

“May mabango po bang basura?” Singit naman ng panganay na si Vince.

“Ikaw Vince napaka-wala mong modo! Wala kang galang sa’kin na tiyahin mo!” Inis na turo ni Josephine kay Vince.

“Paano ka rerespetuhin kong ikaw mismo hindi marunong no’n?” ismid pa ni Vince.

“Tama na iyan Vince,” saway ni Bengkat sa anak. “Ikaw naman ate, sumusobra naman yata ang panlalait mo sa’min. Kung ano-ano na lang ang tinatawag mo sa’min ng mga anak ko. Para bang ikaw ang nagpapalamon sa’min,” inis na kausap ni Bengkat sa kapatid.

“Nagsasabi lang naman ako ng totoo, Bengkat. Pagsabihan mo kasi dapat ‘yang mga anak mo na maging malinis sa kapaligiran para hindi ko napapansin ang pagiging baboy niyo sa tahanan,” sagot pa ni Josephine.

“Sus! Nagsalita naman ang malinis kuno sa bahay. Kaya nga laging nakasara ang pintuan mo kasi napakadugyutin mo ring tao,” singit naman ng Ate Vina niya.

“‘Di ba nakikita mo sa mga anak mo ngayon, Bengkat! Lahat mga walang modo! Walang paggalang, nagmana sa asawa mong walang kwenta!” Nanggagalaiting wika ni Josephine na tila kaunting-kaunti na lang ay mahihimatay na sa inis.

“T’yang, nirerespeto ka namin. Kaso sa klase ng pananalita mo, naisip naming hindi ka naman karapat-dapat respetuhin. Wala naman kaming ginagawa sa inyo pero napakainit ng ulo mo sa’min. Kung gusto mong respetuhin ka, rumespeto ka rin dapat,” wika ni Victoria ang bunso ng lahat.

“Ika’ nga nang pangmatandang kasabihan; Respect begets respect. Hindi por que mas nakakatanda ka sa’min ay may karapatan ka nang tirisin kami. ‘Yang ugali mo talaga noon pa ‘yan. Dapat baguhin mo na ‘yan. Ilang kembot na lang magkikita na kayo ni San Pedro, kaya dapat maging mabait ka na,” segunda naman ng panganay na si Vince.

“Tama na iyan,” muling saway ni Bengkat sa mga anak na ngayon ay nanggigigil nang sagutin ang malditang tiyahin. “Kung gusto mong makatanggap ng respeto ate, dapat magmula iyon sa’yo lalo na’t mas nakakatanda ka. Magagalang ang anak ko at sa palagay ko naman ay napalaki ko sila nang tama. Ikaw lang naman ang sinasagot nila nang ganyan, dahil magalang naman nila akong kinakausap. Sa palagay ko ay nasa iyo ang problema Ate Jo,” mahinahong kausap ni Bengkat sa kapatid.

Ngunit imbes na humihahon ito at kausapin sila ng matino ay tumalikod lamang ito at inismiran sila. Hindi alam ni Bengkat kong ano ang problema ng kaniyang Ate Jo sa kanila.

Para hindi na lumaki pa ang problema ay kinausap na lamang niya ang mga anak at pinag-iingat. Sila na lang ang mag-aadjust sa ugali nito. Baka malungkot lang talaga ang buhay ng kapatid niya.

Huwag kang humingi ng respeto sa kapwa mo kung hindi mo iyon kayang ibigay. Magmumula sa ugali mo ang pakikitungo ng ibang tao sa iyo.

Advertisement