Inday TrendingInday Trending
Naiirita ang Dalaga sa Paulit-ulit na mga Kuwento at mga Tanong ng Ina; Napahagulgol Siya nang Makita ang Laman ng Lumang Aparador Nito

Naiirita ang Dalaga sa Paulit-ulit na mga Kuwento at mga Tanong ng Ina; Napahagulgol Siya nang Makita ang Laman ng Lumang Aparador Nito

“Nak, noong nililigawan pa lamang ako ng tatay mo eh talagang araw-araw siyang pumupunta sa bahay. Mula umaga, magsisibak iyan ng kahoy at mag-iigib, mamimitas pa iyan ng saging at magwawalis ng mga tuyong dahon. Lahat iya’y gagawin niya makuha lamang ang loob ng Lolo’t Lola mo.” Maluha-luhang kuwento ni Aling Ising tungkol sa namayapang ama ng kaisa-isang anak na si Richelle.

Inis na inis na naman ang dalaga. Isang buwan na yatang kuwento ng kuwento ang ina tungkol dito. “Nay, walang sablay ha. Araw-araw iyan na lamang ang kuwento mo. Baka pati si tatay na nasa langit na eh mainis na sa ‘yo. Para kang sirang plaka.”

“Sa tingin mo masaya na talaga ang tatay mo doon sa langit? Sigurado naman iyon, ano? Ikaw ba naman ang makapiling ng ating Diyos Ama.” Maamong tanong ni Aling Ising.

“Nay, pati ‘yang tanong niyong ‘yan paulit-ulit na. Kayo rin naman ang sumasagot. Naguulyanin ka na yata. Ipa-check up na kaya kita?” Napipikong tugon ni Richelle sa ina.

Sigurado naman siyang nasa mabuting kalagayan ang ina sapagkat nakakapagtinda pa ito ng banana que at nakakapaglinis ng bahay. Pinagsisilbihan pa nga siya nito.

Tila natauhan naman si Aling Ising nang marinig ang salitang check up.”Hindi ko kailangang magpa-check up, nak. Miss na miss ko lang siguro ang tatay mo.” Saad ng ina ng dalaga.

Humalik na lamang si Richelle sa ina at nagpaalam nang papasok sa trabaho.

“Nak, ano ba naman iyang sapatos mo? Nakalawit na ang suwelas.” Nag-aalalang tanong ni Aling Ising.

“Diyos ko, nay. Nasagot ko na iyan kahapon at noong isang araw, at noong mga nakaraang linggo. Malaki pa ang binabayaran ko sa utang natin sa bangko dahil sa pagkakaospital ni tatay. Saka na ako bibili ng bagong sapatos pag nakaluwag-luwag.”

“Kaya nga ako nagtitinda ng banana que para iyang mga ganyang bagay ay hindi mo na intindihin. Huwag kang mag-alala. Mamaya pagkaubos ng tinda ko’y didiretso ako sa bayan. Ano nga ang size na paa mo?” Malumanay na sagot ng ina.

“Oh.. Ulit na naman tayo.. Nay, seven. Pito. Siyete. S-E-V-E-N. Pero huwag nang makulit. Okay lang ako. Rugby lang ang katapat niyan. Nandoon sa opisina yung pandikit ko ng sapatos. Mamaya didiskartehan ko to. Kahit ganito sapatos ko, nay ako pa din ang pinakamagandang empleyado sa opisina. Siyempre mana ako sa ‘yo. Relax, nay.” Dinaan na lamang sa biro ni Richelle ang pagkainis sa paulit-ulit na usapan nila ng ina.

Natawa na lamang si Aling Ising at hinimas ang ulo ng anak.

Tambak ang mga papeles sa lamesa ni Richelle. Palibhasa’y wala pa silang isang buwan ng nobyong si Andy. Mula umaga hanggang madaling araw ay nagpapalitan sila ng text at chat. Halos wala na itong inatupag kung hindi ang nobyo. Ayaw naman niya itong ipakilala sa ina sapagkat kukulitin lamang ito at baka kung ano-ano na naman ang sabihin.

Umuwing halos wala na namang nagawa sa opisina ang dalaga. Pagbaba niya ng opisina’y naroon na ang nobyo. “Tara, check in na tayo. Sabik na sabik ako sa iyo, love.” Init na init na wika ni Andy sa magandang nobya.”Naku, love. Gustuhin ko man, walang kasama si nanay sa bahay. Alam mo naman, only child. Iniwan pa kami ni tatay. I hope you understand.” Tugon ng dalaga.

Nakasimangot namang tumango na lamang si Andy. “O, siya. Ihahatid na kita sa inyo. Siguro naman puwede muna akong tumambay sa bahay niyo?”

“Hindi na. Naku, makulit si nanay. Para ngang naguulyanin na. Paulit-ulit ng kuwento, pati tanong pare-pareho. Puro tungkol kay tatay.” Inis na sagot ng dalaga.

“Oh, ayos lang ba ang nanay mo? Baka Alzheimer’s na iyan. Patignan mo na kaya siya? Samahan kita, gusto mo? Yung lola ko kasi may Alzheimer’s din. Ganyan na ganyan din siya noon bago siya lumala.” Nagaalalang pagprepresinta ng nobyo.

Napaisip naman si Richelle at kinabahan sa nalaman. Nababasa niya na nga sa libro ang tungkol sa sakit na iyon ngunit hindi niya naisip na baka ganito na nga ang kundisyon ng ina. Tinanggihan niya na lamang ang nobyo at sinabing oobserbahan muna ang ina.

Pag-uwi sa bahay, takang-taka si Richelle sapagkat napakadilim at patay ang lahat ng ilaw. Hinanap niya ang ina sa buong kabahayan pati sa malapit na tindahan ngunit hindi niya ito makita. Pati ang bilaong gamit nito sa pagtitinda ay wala.

Habang naglalakad sa daan ay litong-lito si Aling Ising. Tila hindi niya malaman kung nasaang panig na siya ng mundo. Pilit nitong inaalala kung nasaan siya ngunit nananakit ang ulo niya tuwing susubukan niyang mag-isip.

“Nay! Nay!” Tila pamilyar ang boses na iyon.

“Nay! Mamamatay ako sa nerbiyos. Bakit naman nakarating kayo dito?” Wika ni Richelle.

Tila natauhan naman si Aling Ising nang makita ang anak.

“Nak! Wala naman. May dinaanan lang ako dito.” Pagsisinungaling ng ina, ayaw niya lamang mag-alala ang anak.

Agad silang umuwi ng bahay. Kinukutoban na din ang dalaga sa mga pagbabagong napapansin sa ina kaya’t sinimulan niyang mag-imbestiga at taimtim na obserbahan ang ina.

Nang makatulog na si Aling Ising ay napansin ni Richelle ang mga bagong labang damit na nakapatong sa kanilang sofa. Mga damit iyon ng ina. Kaniya itong tiniklop at inilagay sa aparador ni Aling Ising.

Nagtaka siya ng makita ang napakaraming kahon ng sapatos sa aparador. May mga laman itong bagong sapatos! Nandoon pa ang mga resibo nito sa loob ng kahon. August 1, August 2, August 3….. Inisip niya kung anong petsa ngayong araw… August 27… Pagtingin niya sa mesa ay napansin ang supot na nakapatong doon… Pagbukas niya rito’y kahon na naman ito ng sapatos.. Napatakip ng bibig si Richelle at saka humagulgol… Nilapitan niya ang natutulog na ina… Hinagkan niya ito ng mahigpit… Tila sanggol ito sa pagkakahimbing ng tulog.. Pagod na pagod ito sa layo ng nilakad mula sa bahay papuntang bayan… Mabilhan lamang siya ng sapatos… Ngunit hindi na nagawang maiabot pa nito ang mga iyon dahil sa kaniyang kundisyon… Sa kabila ng kinakaharap nitong pagsubok sa pag-iisip ay hindi pa rin siya nito nakakalimutan…

Nang mahimasmasan ay agad niyang tinawagan ang nobyo at nagpasyang patignan na ang ina.”Alzheimer’s disease ang sakit ng nanay mo, hija. Nasa early stage na ito ng Dementia. Mareresetahan ko kayo ng gamot ngunit ang pinaka-kailangan ng nanay mo ay lubos na pang-unawa at pagmamahal.” Tinapik pa ng doktor ang kaniyang balikat nang ibalita ang kalagayan ng ina.

Umaagos ang luha sa mga pisngi ng dalaga. Awang-awa ito sa ina. Labis ang pagsisisi niya na tila kinaiinisan niya ang pagiging makulit nito.

Mula noon, magkaagapay si Richelle at nobyong si Andy sa pag-aalaga sa ina. Napatunayan ng binata ang pagmamahal sa kaniyang nobya sapagkat parang nanay na rin kung ituring nito si Aling Ising.Niyaya niyang magpakasal si Richelle sa harap ng ina nito. “Nak, pumayag ka na! Sabi ng tatay mo, botong-boto siya dito kay Andy kaya’t kuha mo na rin hijo ang boto ko!”

Nagtawanan na lamang ang magkasintahan at nagyakapan ng mahigpit. “Oo, Andy. Pakakasalan kita. Salamat sa lahat. Mahal na mahal kita.”Parang batang kilig na kilig naman si Aling Ising sa nasaksihan.

May mga pagkakataon din bang kinaiinisan mo ang iyong ina? Sa anong paraan mo ipinadarama sa kaniya ang iyong pagmamahal? Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement