Inday TrendingInday Trending
Nagpabayad upang Magbuntis ang Babae Para sa Mayamang Mag-Asawang Di Magkaanak, Itinakbo Niya ang Sanggol Dahil sa Isang Napakasakit na Kadahilanan

Nagpabayad upang Magbuntis ang Babae Para sa Mayamang Mag-Asawang Di Magkaanak, Itinakbo Niya ang Sanggol Dahil sa Isang Napakasakit na Kadahilanan

“Dahil sa edad po ninyo ay mahina na ang egg cell na nailipat natin kay Gina. Lumabas po sa ating tests na may mali sa pagdevelop ng utak ng bata. Kapag lumabas po siya ay hindi ito magiging normal.” Malungkot na balita ng doktor sa mag-asawang si Freeda at Glenn.

Nagtungo pa ang mga ito sa ibang bansa at humanap ng Pilipinong doktor doon upang sa huling tiyansa’y subukang magkaroon ng anak ngunit tila hindi talaga ito kaloob ng Diyos.

Umaagos ang luha ng mag-asawa sa nalaman at nagpasyang sundin ang nakalahad sa kontrata. Ika nila, mahihirapan lamang ang bata at kahihiyan na rin ito sa kanilang pamilya kung itutuloy ang pagbubuntis ni Gina dito. Binigyan ng dalawang araw si Gina upang makapagpahinga nang sa gayon ay gawin na ang pagtanggal ng dinadala sa kaniyang matres.

Hindi ito matanggap ni Gina. Sa loob ng anim na buwan niyang pagdadala sa nasa kaniyang sinapupunan ay napamahal na sa kaniya ito. Tuwina’y inaawitan at kinakausap pa niya ang bata upang lumaki itong matalino. Tahimik na pinag-aaralan ni Gina ang kontrata na kaniyang pinirmahan bago ipagdalang tao ang anak ng mayamang mag-asawa. Nakalahad doon na kung ang dinadala niya’y hindi magiging normal ay isasailalim ito sa abortion.

Buo na ang pasya ng mag-asawa ngunit labis na nagmakaawa si Gina na ituloy na lamang ang pagbubuntis. Tinakot pa siya ng mga iyon na pagbabayarin ng malaking halaga kapag hindi sumunod sa usapan.

Malaking pera ang ibinayad ng mag-asawa kay Gina. Ginamit nito ang perang iyon upang makalabas ng kulungan ang kaniyang amang napagbintangang nagbebenta ng bawal na gamot. Nabaon din sa utang ang ina nito kaya’t ipinangbayad niya ang natira sa mga pinagkakautangan ng ina.

Napakasalimuot ng buhay ni Gina ngunit nakakaramdam lamang siya ng ligaya tuwing kinakausap ang sanggol sa kaniyang sinapupunan. Pakiramdam niya’y sarili niya itong anak. Natigil ang kaniyang pag-iisip nang nag-ring ang kaniyang cellphone.

“Dineposit na namin ang balanse sa napag-usapan natin. Hihintayin ka ng doktor bukas upang alisin na ang bata sa matres mo. Mauuna na kaming umuwi ng Pinas upang makalimutan ang masaklap na karanasang ito.” Malungkot na saad ni Freeda.

Doon pumasok sa isip ni Gina ang pagtakas. Nagkunwari na lamang itong sumang-ayon sa desisyon ng mag-asawa.

Kinabukasan ay nagmamakaawa sa ospital si Gina. “Dok, parang awa niyo na. Tayong dalawa lamang ang nakakaalam nito. Pinapangako kong hindi ito malalaman ng kahit sino. Itutuloy ko na lamang ang pagbubuntis ko’t magtatago kaming mag-ina sa aming probinsya.”

Wala namang nagawa ang doktor. Isa rin siyang ina at nananalaytay sa kaniyang dugong Pinoy ang pagbibigay halaga sa buhay ng tao.

Ginamit ni Gina ang natitira niyang pera upang makabili ng maliit na bahay sa probinsya. Ang ina nitong si Aling Mireng ang umalalay sa anak. Nang isilang niya ang bata’y laking gulat ng mag-ina. Normal ang itsura nito. Pinangalanan niya itong Marco.

Kalauna’y lumaki si Marco na bibong bata at lagi pa itong top 1 sa eskuwela. Dinala nila ito sa ospital sa probinsya upang masigurong wala itong karamdaman at himalang lumabas sa eksaminasyon na isa itong malusog na bata.

Ayon kay Aling Mireng, ito ang kanilang lucky charm. Paano ba nama’y mula nang isilang ito’y, sunod-sunod ang grasyang dumating sa kanilang buhay. Ang sinasakang lupa ng tatay ni Gina na si Mang Ruben ay napuno ng mga ani. Dinadala naman nila ang mga aning mais, bigas, at mangga sa Maynila.

Lumipas ang limang taon, nasa grade 4 na ang batang si Marco. Lutang na lutang ang kaguwapuhan nito saan man magpunta. Ang dating maliit na lupang sinasaka ng kaniyang Lolo ay napalaki na nila. Sampung ektaryang lupa ang kasalukuyang nilang pinagkukuhanan ng kabuhayan. Marami na rin silang manggagawa at nakabili na sila ng bahay at lupa sa maynila.

Naisip ni Gina na sa tagal ng panahon ay nakalimutan na siguro siya ng mag-asawa at imposibleng mag-krus pa ang kanilang landas kaya’t naglakas loob itong manirahan sa maynila.

Palibhasa’y sabik si Marcong makarating ng Maynila ay nagyaya agad itong pumunta sa mall upang maglaro. “Mommy, si Andrei po oh. Bago kong friend.” Pakilala ng bata sa ina. “Hi! Ang cute cute mo naman.” Bati ni Gina sa batang halatang mukhang anak mayaman.

“Andrei! I told you to stay with your yaya! Luding, bakit pinababayaan mo tong bata? Ano ba naman yan!”

Tila pamilyar ang boses na iyon. Tumayo ang mga balahibo ni Gina sa nakita. Si Freeda at Glenn ang mga magulang ng batang si Andrei!

Agad niyang hinatak si Marco upang umiwas ngunit huli na ang lahat.

“My son!” Lumuluhang lumapit si Freeda kay Marco at niyakap ito ng mahigpit. Bakas sa mukha ng bata ang labis na pagtataka.

Hindi naman maipinta ang mukha ng ama nitong si Glenn.

Takot na takot si Gina sa nangyari. Nanlambot siya ng lapitan ni Glenn. “Gina! Noong una’y nagalit kami sa iyo nang magtapat sa amin ang doktor ngunit nagbago na kami… Nagsisisi kami sa aming nagawa… Maraming salamat sa iyo at hindi ka nawalan ng pag-asa. Isinilang mo pa rin ang aming anak. Akala nami’y mawawala ang pangungulila namin nang ampunin namin si Andrei ngunit tila lalo pa itong lumala.” Lumuluhang saad ni Glenn.

“Hindi ko ho ipagdadamot si Marco sa inyo ngunit huwag niyo muna siya sanang kunin sa akin. Noong nalaman ninyong may mali sa kanya’y parang basura niyo lang siyang ididispatsa pero ngayong nakita niyong malusog, mabait, at napakaguwapo niyang bata’y umiiyak kayo sa harap ko’t nagpapasalamat pa!” Galit at tila natatakot na wika ni Gina.

Agad naman siyang nilapitan ni Freeda at niyakap. “Huwag kang mag-alala. Sa iyo siya, Gina… Gusto lamang naming malaman niya ang katotohanan…”

Lumipas ang ilang buwan, ipinagtapat ni Gina kay Marco ang lahat-lahat. Dahil matalinong bata ito’y naunawaan niya naman ang mga pangyayari at labis ang pasasalamat nito kay Gina.

Hindi rin naman nakatiis si Gina. Alam niya sa kaniyang sarili na karapatan ni Marco na makapiling at mapalaki ng kaniyang mga tunay na magulang.

Nagkasundo sila na kahit kailan ay puwede niya itong dalawin. Naging mabuting magkakaibigan ang mag-asawa at si Gina.

Di nagtagal ay nakakilala si Gina ng isang businessman. Ikinasal sila at nagkaroon ng sariling anak.

Sang-ayon ka ba sa naging kasunduan ni Gina at ng mag-asawa? Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Advertisement