Inday TrendingInday Trending
Iniiwasan ng mga Tao ang Lalaking Mukhang Pulubi at Gusgusin; Isa Pala Itong Anghel na Hulog ng Langit

Iniiwasan ng mga Tao ang Lalaking Mukhang Pulubi at Gusgusin; Isa Pala Itong Anghel na Hulog ng Langit

Labis ang pagod ni Tristan nang umuwi galing New Zealand. Paano ba nama’y halos hindi na ito natutulog at nakakapagpahinga man lamang sa kakakayod. Kahit anak mayaman man ito’y hindi nito naging ugaling umasa na lamang sa mga magulang. Pokus nito ang mga inampong bata na napariwara sa pagtira sa kalye o di kaya’y basta inabandona ng magulang. Binigyan niya ang mga ito ng tirahan at siya na rin ang tumutustos sa pagkain at pag-aaral ng mga ito.

Halos sa charity na lamang napupunta ang perang kinikita ng binata. Simple lang kasi kung ito’y mamuhay. Ilang beses na siyang napapagkamalang pulubi dahil sa mahaba nitong buhok at balbas. Kung manamit din ito’y napakaluluwag at ang style pa nito’y tila makalumang-makaluma.

Napagpasyahan nitong hindi muna umuwi sa nabiling condominium. Mas nais nitong matutukan ang mga batang inampon kaya’t umupa siya ng bahay sa Tondo.

Halos hindi ito pansinin ng matandang may-ari ng bakanteng bahay nang siya’y lumapit dito. Mabuti na lamang at may dala siyang makapal na perang pambili sana ng mga kailangan ng mga bata sa ampunan. Gustohin man niyang doon sa ampunan mamalagi ay ayaw naman niyang katakutan ng mga batang hindi nakakakilala sa kaniya doon. Nang makita ng matanda ang perang hawak ni Tristan ay agad nitong iniabot ang susi sa binata.

“Paki ingatan na lang ang bahay. Medyo luma na kasi. Salamat. Bahala ka na kung sino ka man. Hangga’t nagbabayad ka, wala tayong problema.” Tila nandidiring saad ng matanda. Hindi naman ininda ni Tristan ang sinabi ng matanda sapagkat sanay na sanay na siya sa ganoong trato ng mga tao.

Bilang dikit-dikit ang mga bahay doon ay sinimulan na siyang pagtsismisan ng mga tsismoso’t tsismosa. “Baka nanalo sa Lotto!” “Nakakilala siguro ng diwata at binigyan siya ng maraming kwarta.” Natatawa tawang nag-uusap ang mga ito.

Nang lumabas ito ng inuupahang bahay ay parang natatakot ang lahat na siya ay lapitan. Tinitignan lamang siya ng mga ito mula ulo hanggang paa at tila mga nagbubulongan pa.

Tumungo si Tristan sa bahay ampunan at sinalubong ng isang magandang dalaga. Inaasahan na niyang pandidirihan siya nito at katatakutan.

“Sir, ano pong maitutulong ko sa inyo?” Malumanay na tanong nito.

Labis ang pagtataka ni Tristan. “Wow, bago ito ha. Ang galang makipag-usap sa akin.” Pakikipag-usap niya sa sarili.

Maya-maya’y lumabas ng gate ang dati niyang yayang si Aling Cora. Bakas sa mukha nito ang pananabik sa alaga. Agad siyang niyakap nito na tila lumuluha pa.

“Miss na miss kitang bata ka! Diyos ko, ano bang nangyari sa iyo? Bakit ganyan ang style ng buhok at pananamit mo? Halos hindi kita nakilala. Muntik pa kitang paalisin, loko-loko ka! Pasalamat ka’t kabisado ko ang bawat kilos mo.” Pabirong saad ng kaniyang yaya.

Tila natatawa rin ang magandang dalagang sumalubong sa kaniya. “Ako nga pala si Vien. Pamangkin ako ni Tita Cora.” Pagpapakilala nito sa sarili.

“Oo nga pala, nakalimutan ko. Si Vien muna ang mamamahala dito, ha? Kailangan kong umuwi at may bibili raw ng aking lupa doon sa probinsya.” Paliwanag si Aling Cora.

Tumango na lamang si Tristan. Hindi niya maalis ang tingin kay Vien. Mukha itong anghel. Napakaganda ng ngiti nito’t tila hinihipnotismo ang kaniyang mata tuwing titignan siya nito.

Nawala ang pagkalutang ni Tristan nang marinig ang sirena ng mga bumbero. Tila may nasusunog malapit sa bahay ampunan.

“Naku, may sunog na naman siguro diyan sa Tondo.” Nagaalalang saad ni Aling Cora.

Agad na bumalik si Tristan sa inuupahang bahay, nagulantang siya nang makitang nagliliyab na ito sa apoy pati ang mga katabi nitong bahay.

“SIya ang salarin! Yang baliw na iyan!” Sumigaw ang isang lalake sa di kalayuan.

Maya-maya ay naramdaman na lamang niyang inuundayan na siya ng suntok ng mga kalalakihan. Pinagpapapalo na si Tristan ng dos por dos. Hindi na niya maramdaman ang sakit sa bawat hampas. tila namanhid na ang buong katawan nito at nawalan ng malay.

“Tristan, anak ko! Ano ba itong ginawa nila sa ‘yo..” Nang maalimpungatan ang binata ay nasa ospital na siya. Naroon ang kaniyang ina at ama, halos maglupasay ang kaniyang Mommy Jane sa sinapit niya. Kinapa niya ang kaniyang ulo, inahit ng mga nars ang kaniyang buhok at mahabang balbas upang magamot ang kaniyang mga sugat. Halos hindi na ito makilala sa tindi ng tinamong pambubugbog.

Maya-maya nama’y may dumating na mga pulis. Kasama nito ang lalakeng natatandaan niyang unang sumapak sa kaniya pati ang ilang mga lalakeng pawang mga naka-posas.

“Anak, ito bang mga ito ang lumapastangan sa iyo?” Nanggagalaiting tanong ng kaniyang Daddy Bob.

“Nagmula ho ang sunog sa naiwang sinaing ng kapitbahay ni Tristan. Tapos na po ang imbestigasyon ang klaro ang pangalan ng inyong anak.” Pagpapaliwanag ng pulis sa mga magulang ng binata.

“Wala ho akong planong magkaso.” Nagulantang ang lahat sa sinabi ni Tristan.

“Sir, babawi ho kami sa ‘yo. Tutulong ho kami sa mga ginagawa ninyong kabutihan para sa mga kabataan sa aming lugar. Sir, kuha nyo ho ang respeto namin. Patawarin ho ninyo kami, nadala lang kami sa aming damdamin. Nawalan ho kasi kami ng mga bahay.” Pagpapaliwanag ng isa sa mga lalakeng nambugbog sa kaniya.

“May nasaktan ba?” Nag-aalalang tanong ni Tristan.

“Wala ho, sir. Ibang klase din kayo. Kayo nga lang ho pala ang nag-iisang nasaktan pero parang wala kayong pakialam sa sinapit niyo. Kung ako sa inyo, kasuhan niyo itong mga ito nang madala.” Naiinis na saad ng pulis.

“Hindi na ho, boss. Ako nang bahala. Gagaling ako.” Malumanay na sagot ni Tristan.

Tinanggalan ng posas ang mga lalake’t pinauwi na ang mga ito bilang wala naman pala itong mga kaso. Inis na inis ang ina ng binata sa desisyon nito ngunit kailanma’y hindi ito makikinig sa anumang dikta ng ibang tao, kahit pa mga magulang niya. Ibang klase ang kabaitan ng kanilang anak. Minsa’y hindi nila mawari kung nakakabuti ba iyon sa kaniya o nakakasama na.

Matapos ang ilang lingo, pinayagan nang umuwi si Tristan ng kaniyang doktor. Sa huling araw niya sa ospital ay may hindi siya inaasahang dalaw, ang napakagandang si Vien.

“Sir, halos hindi ko kayo nakilala. Ang guwapo niyo pala.” Pasimple lamang ito ngunit hindi maitago ang kilig.

“Last day ko na ngayon. Puwede bang imbes na tumuloy ako ng bahay ay kumain tayo sa labas? Sawa na ko sa mga pagkain dito sa ospital.” Narinig ng mga nars ang paanyaya ng binata sa magandang dalaga at pati mga ito’y pawang mga kinikilig din.

Sikat na sikat na si Tristan sa buong Pilipinas sapagkat ipinalabas sa balita ang nangyari sa kaniya. Wala na siyang maitatago, pati ang pagiging manunulat niya sa New Zealand ay nabantad. Ultimo ang pagiging mayaman niya at ng kaniyang mga magulang.

Habang naglalakad sa mall, ang dating tila pinandidirihan ay kinakikiligan na ng mga kababaihan. Ultimo mga maton ay nagpapa autograph pa dito.

Selos na selos naman si Vien sa bawat babaeng lumalapit dito. Natatawa pa si Tristan nang nakitang nakasimangot ito.

“Sige, tawa pa. Nasasaktan na nga ako. Paano ba nama’y wala akong panama sa mga babaeng lumalapit sa ‘yo. Isang salita mo lamang, kahit sinong magandang babae’y mapapasagot mo.” Nagtatampong wika ng dalaga.

“Sige, itetest ko nga. Can you be my girlfriend?” Bakas sa mga mata nito ang paghanga sa napakagandang dalaga.

Imbes na sumagot agad ay dali-dali siyang hinalikan sa labi ng dalaga. “Yes, Tristan! I love you!” Matamis na sagot ng dalaga.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement