Inday TrendingInday Trending
Nagpanggap na Babae ang Bading sa Gwapong Textmate; Nagulantang Siya nang Malamang Isa Itong Tomboy

Nagpanggap na Babae ang Bading sa Gwapong Textmate; Nagulantang Siya nang Malamang Isa Itong Tomboy

Walang tigil sa kapipindot sa kaniyang cellphone si Alexis. Halos hindi na ito tumatayo ng kama. Paano’y humaling na humaling ito sa ka-textmate na si Jordan. Limang buwan na rin mula nang sila’y magkakilala sa Facebook. Kilig na kilig si Alexis tuwing nagpapadala ng larawan ang guwapong-guwapong si Jordan. Ganon din naman si Jordan, laglag ang panga nito sa kagandahan ni Alexis.

“Itigil mo na yang kalokohan mo. Masasaktan ka lang!” Pananaway ng baklang kaibigan ni Alexis na si Ian.

“Malay naman natin eh makapag-ipon na rin ako para makapagpaputol sa Thailand.” Nang-aasar na sagot ni Alexis.

“Paano ka naman makakapag-ipon, Alex? Halos hindi ka na pumasok sa trabaho makapag-reply lang diyan sa lalakeng ‘yan. Ni hindi mo nga kilala yan ng personal at hanggang litrato lang kayo. Paano kung masamang tao pala ‘yan?” Sita ni Ian.

Kahit si Alexis ay napapaisip din. Bakit tila ayaw makipagkita ni Jordan sa kaniya? Sa unang buwan pa lamang na sila’y magkakilala’y nagprepresinta na siyang makipagkita sa binata ngunit hindi ito nauubusan ng dahilan.

Naisip niyang daanin na sa pagtatampo upang masunod ang kagustuhang makita na ang binata. Ilang araw niyang tiniis na hindi ito replyan. Para namang baliw na tawag ng tawag si Jordan at hindi na malaman ang gagawin. Kahit sa litrato pa lamang nito nasisilayan si Alexis ay tila mahal na niya ito. Sa limang buwan nilang pag-uusap ay naikuwento na niya ang buhay niya dito. Isa lamang ang hindi pa nito nalalaman, ang tunay niyang kasarian!

Bata pa lamang ay alam na ni Joan (tunay na pangalan ni Jordan) na hindi siya pusong babae. Nahilig ito sa mga baril-barilan at lahat ng kaniyang manyika ay pinagtri-tripan niya lamang, taliwas sa mga kalaro niyang panay ang suklay at pagpapalit ng mga damit sa kanilang mga Barbie dolls.

Kahit tibo ay daig pa nito ang karamihan sa mga lalake kung magpakilig ng babae. Kung hindi mo titignang mabuti ang balingkinitan nitong katawa’y hindi mo aakalaing babae ito sa husay nitong pumorma.

Tibo ang dalawang tiyahin ni Jordan at suportado siya ng pamilya kung anuman ang kasarian niya.

Sa dami ng nakarelasyong magagandang chicks ni Jordan, sawang-sawa ito sa babae. Hindi naman siya nagbabase sa panlabas na anyo, bonus na lamang na napakaganda ni Alexis. Ang pinakanagustuhan niya dito ay ang ugali nito. Marami silang pagkakaiba pero nagkakasundo sila. Ika nga nila, opposite attracts.

Suko na si Jordan. Itinext na niya ang dalaga upang sabihing payag na siyang makipagkita. Tuwang-tuwa naman si Alexis at agad nag-ayos ng sarili. Ilang beses itong nagpalit ng damit at halos dalawang oras nagbabad sa salamin. “Sa ganda kong ito, hindi naman na siguro ako tatanggihan ni Jordan.” Pangungumbinsi ni Alexis sa sarili. Pilit nitong itinatago ang pangamba. Ika niya, ang mahalaga’y magkita na sila. Kung hindi man siya matanggap nito’y mainam nang maaga nilang tapusin kung anuman ang meron sila. Ayaw na niyang patagalin ang paglilihim kay Jordan sapagkat mahal na mahal na niya ito, sabihin mang hindi pa niya ito nasisilayan pa.

Pakiramdam naman ni Jordan ay tatalon ang kaniyang puso. Pilit niyang itinago ang maumbok na dibdib at nagsuot ng maluwag na damit upang hindi mahalata ang balingkinitang katawan. “Bahala na… Basta ngayong gabi’y ipagtatapat ko ang lahat.. Kung hindi niya ako matanggap, ibig sabihin ay hindi talaga kami para sa isa’t-isa.” Saad ni Jordan sa sarili.

Nang magtagpo ang mga mata ng dalawa’y hindi maipinta ang mga mukha nito. Napanganga si Jordan sa ganda ni Alexis at kilig na kilig naman si Alexis sa hitsura ni Jordan.

Masaya silang nagkukuwentuhan at tila nakalimutan na ang gagawing pagtatapat. Maya-maya ay niyakap ni Alexis si Jordan. Nawindang si Alexis nang maramdamang tila may malambot siyang nasanggi sa bandang dibdib ni Jordan.

Bakas sa mukha ni Alexis ang labis na pagkagulat. Unti-unti nitong nakapa mula sa malaking damit na suot ni Jordan ang makitid nitong katawan, tila katawan ng isang babae.

Wala nang nagawa si Jordan kung hindi ang magtapat. “Sasabihin ko na sana ito sa ‘yo pero masyado akong naging masaya sa unang pag-uusap natin ng mata sa mata. Oo, Alexis. Tomboy ako. Hindi ako tunay na lalake. Noong una’y hindi ako seryoso sa iyo pero habang patagal nang patagal ay nahulog na ang loob ko sa ‘yo. Wala na akong nagawa. Patawarin mo ako.”

Kahit windang na windang sa nalaman ay sinamantala na rin ni Alexis ang pagkakataon upang isiwalat ang sariling lihim.

“Hindi ako tunay na babae. Nakakatawa na hindi ko mawari itong sitwasyon natin. Sa totoo lang, puwede sigurong gawing pelikula itong love story natin.” Natatawang saad ni Alexis.

Napatakip na lamang ng bibig si Jordan sa nalaman. Hindi nito akalain na sa isang gaya ni Alexis mahuhulog ang loob niya. Isang lalaki.

Nauwi na lamang sa biruan at tawanan ang kanilang pag-uusap. Hindi na nila inasahan pang magtutuloy ang namuong pagkakaunawaan.

Dumaan ang ilang buwan at tila hindi maipaliwanag ni Alexis ang nadarama. Hindi man inasahan ay naging tuloy-tuloy pa rin ang komunikasyon nila ni Jordan at tila tuloy-tuloy nang nahuhulog ang loob niya dito. Pilit niyang sinasaway ang sarili ngunit hindi niya mabago ang dikta ng kaniyang damdamin. Hindi man tunay na lalake si Jordan ay ramdam niya sa kaniyang pusong mahal niya ito. Mahal na mahal.

Sa kabilang banda’y walang kamalay-malay si Alexis na ganoon din ang nararamdaman ni Jordan. Hindi na ito makatulog kakaisip kung paano magtatapat kay Alexis.

Naawa na kay Alexis ang kaibigan niyang si Ian. Gabi-gabi itong umiiyak sa pag-aakalang wala na ang naramdamang pagmamahal sa kaniya noon ni Jordan kaya’t nag-desisyon itong ipaalam kay Jordan ang lahat.

Hindi mapigilan ni Jordan ang mapangiti nang ibaba ang telepono. Kakatapos lamang nilang mag-usap ni Ian.

Agad itong tumungo sa bahay nila Alexis.

“Mahal mo rin pala ako? Bakit di mo sinabi? Ikaw ang lalake sa ‘tin. Ikaw dapat unang magtapat.” Pagbibiro ni Jordan kay Alexis.

Tila hindi naman natuwa si Alexis. Nagulat si Jordan nang makitang umaagos na ang luha sa mga pisngi nito.

“Alexis, mahal na mahal kita. Hindi ko lubos maisip kung paano nangyari. Naramdaman ko lang ito basta.” Naluluha na ring pagtatapat ni Jordan.

Lumipas ang ilang taon, lalong mas naunawaan ng dalawa ang kanilang mga sarili sa mga panahong sila’y nagsama sa iisang bubong. Unti-unti’y nagpakalalake si Alexis at nagpakababae si Jordan. Nalaman nilang nagdadalang tao na pala si Jordan at tuwang-tuwa ang dalawa.

Agad niyaya ni Alexis na magpakasal si Jordan. Wala silang pakialam sa sasabihin ng ibang tao, basta’t mahal nila ang isa’t-isa.

Naniniwala ka bang walang pinipiling kasarian ang pag-ibig? Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement