Inday TrendingInday Trending
Dahil Walang Panukli ang Tindera, Itinaya ng Buntis ang 500 Piso sa Lotto Upang Mabaryahan; Hindi Niya Akalaing Ito ang Makapagbabago ng Kanyang Buhay

Dahil Walang Panukli ang Tindera, Itinaya ng Buntis ang 500 Piso sa Lotto Upang Mabaryahan; Hindi Niya Akalaing Ito ang Makapagbabago ng Kanyang Buhay

“Pasensiya na, mahal. Ito na lang ang sinahod ko. Ang dami kasing kaltas ngayong buwan. Hindi pa kasi natin tapos bayaran ang utang sa opisina. Konting tiis pa. Apat na buwan na lang naman.” Saad ni Alvin sa pitong buwang buntis na asawang si Yolanda. Tumango na lamang ang butihing maybahay na si Yolanda ngunit nahihirapan na nitong pagkasyahin ang sahod ng mister.

Payat ang pangangatawan ni Yolanda. Palibhasa’y kahit buntis ay paspas ito sa gawaing bahay. Hatid sundo din niya sa eskuwelahan ang tatlong anak na sina Angela, Francis, at Junior.

Bilang buntis ay napakarami nitong gustong tikmang pagkain, yun nga lamang ay napaka-disiplinado nito pagdating sa pagbabadyet kaya’t tinitiis na lamang niya ang pagkasabik.

“Anak, baka maging tulo-laway iyang anak mo. Kainin mo lahat ng gusto mong kainin! Hayaan mong maglihi iyang katawan mo! Diyos ko, ang katawan mo ang nipis-nipis baka wala nang makuhang sustansiya ang anak mo sa iyo. Dapat nga’y nagpapalakas ka. Paglabas ni baby Samantha’y papadedehin mo pa iyan.” Panenermon ng ina nitong si Aling Lorna.

Pinagtatakpan naman ni Yolanda palagi ang asawa. Katwiran nito’y talagang pinagdidiyeta siya ng doktor upang makapanganak ng madali.

Nang aalis na si Aling Lorna ay nag-iwan ito ng limang daang piso. Bilin niya sa anak na bumili ng mga pagkaing gusto nito. Tuwang-tuwa naman si Yolanda. May pambili na sila ng bigas.

Nang papunta na sa palengke ay nadaanan nito ang aleng nagtitinda ng mangga. Tila takam na takam siya dito kaya’t nagpasya siyang bumili. Inabot niya ang bayad na limang daang pisong galing sa ina. Umiling ang tindera “Wala ho ba kayong barya? E barya lang ho ang kita ko dito kaya’t barya lang din ho ang ibayad niyo.” Pagtataray ng tindera.

Inis na inis si Yolanda. Hindi man lang naisip ng tinderang ito na buntis siya. Mano bang siya na lamang ang magpapalit. Naglakad lakad si Yolanda, medyo malayo pa ang palengke kaya’t nagmamasid siya sa paligid kung saan puwedeng magpapalit ng pera.

Nakita niya ang Lotto outlet na walang pila kaya’t lumapit siya dito. “Miss, may papalit ka ba sa limang daan?”

“Madam, ayaw ba ninyong tumaya? Bente lang naman. Buntis ka pa naman din. Suwerte ‘yan!” Tila na- salestalk ng babae si Yolanda. Pinakaiingatan niyang itinago ang ticket sa loob ng kaniyang pitaka.

“Oh, tignan mo napataya ka pa sa Lotto. E di babalatuhan mo ako niyan sakaling tumama ka?” Pagbibiro ng tindera ng mangga.

Sa inis ni Yolanda’y hindi man lamang niya ito nginitian at saka dali-daling lumayas. Iiling-iling na lamang ang tindera. “Mga buntis talaga, di mabiro.. Ikli ng pasensiya.” Tatawa-tawa pa nitong sambit.

“Mahal, kamusta ka ngayong araw? Mukhang pagod na pagod ka. Akin na yang paa mo, hihilutin ko ng bahagya. Hindi naman masama kung magaan lang ang pagkakahilot.” Lambing ng asawang si Alvin.

Habang nakaupo sa sofa ay naalala ni Yolanda na ngayong gabi nga pala ang draw sa Lotto. Agad niyang nilipat ang TV. Natabig pa nito ang kamay ng mister sa pagmamadali.

“Aba, mukhang napataya ka sa Lotto kanina, ha. Malay mo suwertehin tayo. Hirap na hirap na ako sa trabaho. Gusto ko muna sanang mapahinga nang maalagaan ko muna kayo ng mga bata hanggang matapos kang manganak.” Wika ni Alvin.

Tutok na tutok sa telebisyon ang mata ni Yolanda. Isa-isang tinawag ang numero at isa-isa rin itong tumugma sa mga numero sa kaniyang ticket.

Nang malapit nang banggitin ng announcer ang huling numero’y nagtakip ito ng mata… “5! 5! 5! Panginoon, ibigay na ninyo sa akin ito, please. Number 5 po!” Nagdadasal na ng malakas si Yolanda.

“The last number is 5!” Hindi makapaniwala ang buntis sa narinig. Halos hindi ito makahinga, agad namang kumuha ng tubig ang asawa nito habang iniisa-isa ang mga numero sa kanilang ticket.

Nang masiguradong tugma lahat ng numero ay nagtatalon na si Alvin sa saya. Binuhat pa nito ang asawa.

Sa sobrang ingay ng mag-asawa’y nagsibabaan ang kanilang mga anak. Takang-taka ang mga ito.

“Mama, parang napanaginipan ko na ‘to. Nanalo daw tayo sa Lotto!” Pagbibida ng bunsong anak na si Junior.

“Oo, nak. May pera na sila Mama at Papa. Hindi na tayo mahihirapan!” Sagot ni Alvin sa mga anak.

Nag-iyakan at nag-yakapan ang lahat.

Nagpasya ang mag-asawa na huwag na lamang ipaalam kahit kanino ang pagkapanalo. Sinabi lamang nila ang balita sa kanilang mga magulang.

Nakabili sila ng bahay at lupa sa isang magarang subdibisyon sa Makati. Dalawang sasakyan din ang agad nilang binili sapagkat hilig talaga ito ni Alvin.

Naging napaka-kumportable ng kanilang pamumuhay at marami rin silang natulungang tao.

Nagulat na lamang ang tindera ng mangga ng may mag-abot sa kaniya ng isang sobreng may lamang makapal na pera. Inutos lamang na ipa-abot iyon ni Yolanda sa kanilang driver.

“Aba, mukhang nanalo sa Lotto si buntis. Suwerte nga. Pati ako’y sabit sa suwerte. Makapag day off nga muna’t makakain ng masarap kasama ang aking asawa.” Sabay ligpit ng mga paninda. Masayang-masayang umuwi ang tindera na pakendeng-kendeng pa.

Naniniwala ka bang suwerte ang mga buntis? Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement