Inaalaska ng Pedicab Drayber ang Dalaga sa Tuwing Nagpapanggap Itong Mayaman, Iba Pala ang Gusto Nitong Ipahiwatig sa Babae
Posturang-postura ang pananamit at kilos ni Candy nang lumabas siya ng kanilang bahay patungo sa gatehouse ng isang pribadong subdivision sa di kalayuan. Doon siya susunduin ng kaniyang mayamang nobyo. Ang alam ng kaniyang nobyo ay nagmula siya sa mayamang pamilya. Wala itong kaalam-alam tungkol sa tunay niyang katayuan sa buhay. At wala siyang balak ipaalam ang katotohan hangga’t hindi pa sila nakakasal.
“May raket ka ba sa isang children’s party, Candy, kaya ka mukhang payaso?” Biro ni Dante.
“Tigilan mo nga ako, kumag. Ayokong masira ang araw ko.”
Ang numero unong alaskador ni Candy ay ang pinakagwapong pedicab drayber sa kanilang lugar. Kung mayaman lang ito ay papatulan ito ni Candy kahit maitim pa ang balat nito. Pero mataas ang standard ni Candy pagdating sa lalaki. At dahil sa patuloy na pang-aalaska nito sa kaniya ay nawawala ang kagwapuhan nito sa kaniyang paningin.
Hindi maintindihan ni Dante kung bakit kailangan pang magpanggap ni Candy sa kaniyang nobyo. Kung talagang mahal siya ng lalaki ay dapat ipagmalaki siya nito sa kabila ng kaniyang pagiging mahirap. Wala namang kapintasan si Candy para ikahiya siya ng kaniyang nobyo. Maganda mabait at masipag si Candy. Matalino din ito. Sayang nga lang at nasabak agad siya sa pagtratrabaho imbes na magkapag-aral. Kung nagkataon ay siguradong nangunguna ito sa kanilang eskwelahan.
Ang simpleng dinner date ay nauwi sa isang family dinner. Ngayon pala siya balak ipakilala ng kaniyang nobyo sa pamilya nito. Naging maayos ang takbo ng gabi hanggang sa pumasok ng restaurant si Karen, ang ex ng kaniyang nobyo. At dahil malapit na magkaibigan ang pamilya ng kaniyang nobyo at ni Karen ay niyaya ang babae na sumalo sa kanilang lamesa.
“Writer ka rin ng Thomasian Engineer? What year?” Tanong ni Karen.
“2015 hanggang 2017.” Tipid na sagot ni Candy.
“Nagpapatawa ka ba? Bakit hindi kita kilala? Ako ang editor-in-chief ng publication noong mga panahon na iyon pero ni minsan ay hindi pa kita nakikita o naririnig ang pangalan mo.”
At doon unti-unting nabuking ang pagsisinungaling ni Candy. Kinalkal ni Karen ang kaniyang pagkatao at sa bawat pagsisinungaling niya ay may bagong rebelasyong itong nabubunyag tungkol sa kaniya. Napahiya si Candy sa kaniyang nobyo at sa pamilya nito. Natapos ang gabi sa pakikipaghiwalay sa kaniya ng lalaki.
Walang ganang naglakad pauwi si Candy. Patuloy ang pagtulo ng kaniyang mga luha. Hindi tinanggap ng lalaki ang kaniyang mga paliwanag. Kahit ipagsigawan pa niyang mahal na mahal niya ito ay lumabas lang ito sa kabilang tenga ng lalaki. Nandiri sa kaniya ang nobyo nang malamang isa lamang siyang mahirap na nagtratrabaho bilang sales clerk sa grocery store kung saan sila nagkakilala. Day off noon ni Candy at namimili siya kaya nagawa niyang lokohin ang binata.
“Akala ko ba children’s party ang pupuntahan mo. Malayo pa ang undas pero mas makakatakot ka sa mga multong nagpapakita tuwing gabi.”
Hindi pinansin ni Candy ang patutsada ni Dante. Nagpatuloy siya sa kaniyang paglalakad nang nakayuko hanggang makarating siya sa madilim na basketball court sa kanilang barangay. Umupo siya sa isa sa mga nagkalat na bangko at ipinagpatuloy ang kaniyang pag-iyak.
Tahimik na sinundan ni Dante ang dalaga nung nanatili itong tahimik sa bawat pagpaparinig niya. Nang tinabihan niya ito ay tsaka niya lang napansin na umiiyak pala ito. Hinayaan niyang mailabas ng babae ang sakit sa kaniyang puso bago siya nagsalita.
“Bakit kasi ipinagsisiksikan mo ang sarili sa mga mayayamang lalaki. Pinahihirapan mo lang ang sarili sa bawat pagpapanggap mo. Nandito naman ang gwapong ako na handa kang mahalin habang buhay. Hindi nga ako mayaman pero wala naman akong balak na gutumin ka, no. Mas magiging maganda ka kaya pag malaman ka. Mababawasan pa mga kaagaw ko sa iyo.”
Itinigil na ni Dante ang pang-aasar niya kay Candy. Puro papuri at malalambing na salita na ang lumalabas sa kaniyang bibig tuwing magkikita sila ng dalaga. Araw-araw ay hinahatid sundo niya si Candy sa pinagtratrabahuan nito gamit ang kaniyang pedicab.
Hindi na rin ikinahihiya ni Candy ang kaniyang pagiging mahirap. Mas naging masaya siya nung nagpakatotoo siya sa kaniyang sarili. Mas naging payapa ang kaniyang kalooban nung tinigilan na niya ang kaniyang pagpapanggap. At natagpuan na niya ang lalaki nagmamahal sa kaniya ng higit pa sa pagmamahal niya dito.