Nag-Aalaga na Lamang ng Mga Bata sa Bahay Ampunan ang Mag-Asawang Walang Anak, Isang Biyaya Pala ang Darating sa Kanila
Labing-limang taon ng mag-asawa sina Lea at Xander pero hindi pa rin sila nabibiyayaan ng anak. Para maibsan ang kanilang kasabikan na mag-alaga ng kanilang supling ay sumabak sila bilang mga volunteer foster parents. Pansamantala silang magiging magulang ng mga bata ipinaampon habang hindi pa kayang gampanan ng kanilang mga magulang ang kanilang responsibilidad.
Simula noong naging bahagi sila ng programa ay sampung bata na ang kanilang naalagaan. Sa unang pagkakataon ay isang sanggol ang pansamantalang mananatili sa kanilang pangangalaga kaya agad na nagtungo ang mag-asawa sa pinakamalapit na mall at masayang namili ng mga kagamitan para sa bagong miyembro ng kanilang pamilya.
“Hindi ba masyadong malaki yung nabili nating kuna para kay Eugene?” Tanong ni Lea sa asawa.
“Mabuti ng iyon para malawak ang kaniyang palaruan. Dagdagan pa natin yung mga nabili nating mga damit, yung susunod ng size baka kaliitan niya agad yung mga napili natin.”
Napuno ng kasiglahan ang dating malungkot na tahanan ng mag-asawa. Kahit madalas na pagod at puyat si Lea ay hindi niya ito iniinda. Nakakalimutan niya ang lahat ng paghihirap niya tuwing nginingitian siya ni Eugene, ang kanilang baby. Palagi na ring nagmamadaling umuwi si Xander para matagal silang makapaglaro ng kaniyang bunso.
Pansamantalang naputol ang kasiyahan ng mag-asawa ng magkasakit si Eugene. Nagkaroon ng pneumonia ang sanggol kung kaya’t kinailangan nitong manatili sa ospital. Araw-araw ay umiiyak si Lea. Nahihirapan ang kaniyang kalooban tuwing umiiyak ang bata at wala siyang magawa para ibsan ang nararamdaman nito. Halos hindi siya nakakatulog tuwing gabi sa takot na baka biglang tumigil sa paghinga ang kaniyang bunso.
“Umuwi ka muna at magpahinga. Ako na muna ang bahala kay Eugene.” Pangungumbinsi ni Xander sa asawa.
“Ayoko. Dito lang ako. Baka hanapin niya ko pag nagising siya. Hindi siya titigil sa kakaiyak hangga’t hindi niya ako nakikita.”
Laking pasasalamat ng mag-asawa nang nakalabas si Eugene sa ospital. Natakot sila ng husto nang nagkasakit ito. Simula noon ay mas naging tutok sila sa pag-aaruga sa sanggol. Sinisiguro nilang hindi ito natutuyuan ng pawis. Hindi rin nila hinahayaang mapagod ito ng husto.
Isang taon ng nasa pangangalaga ng mag-asawa si Eugene at para ipagdiwang ang kaniyang unang kaarawan ay isang malaking pagtitipon ang kanilang hinanda. Inimbita nila ang lahat ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan. Umupa rin sila ng mga payaso, salamangkero, mga mascot at kung anu-ano pa. Si Lea ang personal na nag-bake ng keyk ni Eugene. Punong-puno ng kasiyahan ang araw na iyon ngunit nagtapos ang araw na malungkot ang mag-asawa.
“May trabaho na po at permanenteng bahay ang mga magulang ni Eugene. Sa susunod na linggo ay susunduin na po namin ang sanggol para ibalik sa mga tunay niyang mga magulang.”
Isang bagay na hindi magawang makasanayan ng mag-asawa ay ang pagdating ng panahon na kailangan na nilang magpaalam sa bata o sanggol na minahal nila ng sobra sa loob ng maikling panahon. Tuwing dumadating ang araw na iyon ay nababalot ng pagdadalamhati ang buong kabahayan ng mag-asawa.
Isang linggo ang nakalipas at malungkot na naghihintay sina Lea at Xander sa pagdating ng sundo ni Eugene habang nililibang nila ang sanggol sa sala. Lahat ng mga binili nilang gamit para sa kaniya ay masinsin na nakaempake sa isang malaking maleta. Habang patuloy na lumilipas ang oras ay nabubuhayan ng loob ang mag-asawa na baka hindi matutuloy ang pagsundo kay Eugene ng biglang tumunog ang kanilang doorbell.
“Pasensya na po kung natagalan kami. Tinapos na muna po naming asikasuhin yung mga papeles nung bagong silang na sanggol bago kami pumunta dito. Kayo po kasi ang gusto ng nanay ni Milagros na mag-aampon sa kaniya bago ito namatay sa panganganak.”
Si Milagros ay anak ni Mila, ang unang batang inalagaan ng mag-asawa. Alam ni Mila na hindi makakayanan ng kaniyang puso ang panganganak kaya bago pa dumating ang araw na iyon ay nakipag-ugnayan na siya sa ahensya na namamahala sa foster parenting program na kinabibilangan ng mag-asawa. Kahit pansamantala lamang ay naging masaya ang pamamalagi ni Mila kina Lea at Xander. Gusto niyang mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang anak. Hindi niya maaasahan ang tatay ni Milagros na tinakbuhan ang kaniyang responsibilidad. Kung mapupunta ang kaniyang anak sa mag-asawa ay panatag niyang iiwan ang mundong ibabaw ng walang alalahanin.
Sa pagdating ni Milagros sa buhay nina Lea at Xander ay napuno ng walang hanggang kasiyahan ang kanilang tahanan. Ang dalamhating kanilang nararamdaman tuwing kinakailangan nilang magpaalam sa mga batang naging bahagi ng kanilang buhay ay nilipad na ng hangin sa kawalan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?