Diring-diri ang Sosyal na Babae sa mga Mahihirap; Darating Pala ang Sandaling Makatatanggap Siya ng Tulong Mula sa mga Ito
“Hay naku, nakakadiri talaga ang mga mahihirap na ito… sila talaga ang nagdadala ng mikrobyo dito eh. Tingnan mo sila, ang kukulit! Sinabi nang huwag lalabas ng mga bahay nila, hayan, tingnan mo pakalat-kalat sila!” panlalait ni Divina sa mga nakikitang taong naka-face mask at naghihintay nang masasakyan.
Karamihan sa kanila ay mukhang galing sa kani-kanilang mga trabaho. Si Divina ay nasa loob ng kaniyang kotse at nagmamaneho. Nasa kaniyang tabi ang kaibigang si Lorraine. Galing silang dalawa sa isang mall.
“Friend, hindi mo naman sila masisisi. Kailangan nilang kumita for their families,” paliwanag ni Lorraine sa matapobreng kaibigan.
“Hay naku… kung nagsumikap lang sila, hindi magkakaganiyan ang mga buhay nila. Bakit naman kami? Magsasaka ang tatay ko. Ang nanay ko, labandera. Pinag-aral kami, iginapang. Look at me now. Nagsikap ako. Hindi uubra sa akin iyong dahilan nila na mahirap ang buhay. Walang mahirap sa taong nagsisikap,” bulalas ni Divina. Napamura pa siya nang muntikang makasanggi ng isang nagbibisikleta.
“Tama ka naman friend. Dapat talaga magsikap sa buhay. Tiyaga lang talaga at tamang diskarte. Pero remember hindi lahat ng tao ay pantay-pantay o pare-pareho. Puwedeng okay sa iyo pero hindi okay sa iba. Ganoon lang iyon friend. Ikaw talaga. Masyado kang judgmental!” halata sa tinig ni Lorraine na nasasaktan siya sa sinabi ng kaibigan, subalit wala lang siyang pamimilian dahil kaibigan niya ito at nakikisabay lamang siya sa sasakyan nito pauwi.
“Pero alam mo, I still believe na kasalanan talaga nila kung ano ang nangyari sa mga buhay nila. Hindi marunong mag-ipon. Hindi marunong dumiskarte. Kung didiskarte man, palpak. Hay ewan ko ba, bakit kasi maraming pinapanganak na mangmang sa mundo. Dapat sila ang mga nauunang kinukuha ni Lord eh,” pahayag ni Divina.
“Stop it, Divina. Nakakasakit ka na. Alam mo namang isa rin ako sa mga tinutukoy mo, huwag ka naman masyadong mapanlait at baka makarma ka niyan friend. Tandaan mo, bilog ang mundo. Puwedeng nasa itaas ka ngayon, pero darating ang sandaling mangangailangan ka rin ng tulong ng iyong kapwa,” litanya ni Lorraine sa kaibigan.
“Naku Lorraine, kahit kailan hinding-hindi ako hihingi ng tulong sa mga hampaslupang kagaya nang nakikita mo sa paligid. Alam ko ang likaw ng bituka ng mga iyan. Hindi sila tutulong hangga’t walang hinihintay na kapalit. Lahat sa kanila may katumbas na kabayaran,” saad ni Divina.
Magsasalita pa sana si Lorraine subalit bigla siyang napahiyaw nang mamataan ang isang humahagibis na batang palaboy sa daan. Napapreno nang mariin si Divina kaya hindi sinasadyang mabangga sila ng kasunod nilang sasakyan sa likuran. Nawalan ng kontrol sa kaniyang minamaneho si Divina kaya bumangga ang sasakyan sa concrete barrier na nasa daan. At nagdilim ang lahat sa kaniya…
Mabuti na lamang at nasaklolohan siya ng mga tambay na nag-aabang sa lugar na iyon. Naitakbo kaagad sila ni Lorraine sa pinakamalapit na ospital.
Pagmulat ng mga mata ni Divina, hindi siya makapaniwala nang malaman ang nangyari. May ilang mga detalyeng hindi niya maalala. Maayos ang kalagayan nila ni Lorraine. Ayon sa kuwento ng nurse, itinakbo sila sa ospital ng mga istambay na agad na rumesponde sa kanila. Ibinalik din ang mga bag nila, at nang suriin ni Divina, walang bawas o walang nawawala sa mahahalagang laman o kagamitan niya.
Makalipas lamang ang dalawang araw ay nakalabas na rin ng ospital sina Divina at Lorraine. Abot-abot ang paghingi ng paumanhin ni Divina kay Lorraine.
“Tama ka, friend. Hindi dapat natin minamaliit ang kapwa natin. Mapa-mayaman o mahirap. Darating ang araw na kakailanganin natin ang tulong nila. Hindi porke’t mahirap, eh mapagsamantala na,” napagtanto ni Divina.
“Oo friend. Hindi tayo dapat nanghuhusga ng kapwa natin, kasi we can never tell, baka yung pinakaayaw mong tao pala ang magiging kakampi mo sa huli,” turan ni Lorraine.
“Hindi ko na gagawin iyan. Tulungan mo akong makabawi sa kanila,” nasabi ni Divina.
Simula noon ay naglunsad na si Divina ng iba’t ibang mga programa para sa mga mahihirap kagaya ng feeding program, livelihood program, at iba’t ibang mga pagkilos para sa dati ay hinihusgahan at nilalait niya, na hindi niya alam ay tutulong pala sa kaniya.
Nagkaroon din siya ng scholarship para sa mga batang kagaya niya noon na mahirap subalit may pangarap at gustong magsumikap upang maabot ang minimithing tagumpay sa buhay.