Inday TrendingInday Trending
Galit na Galit ang Dalaga sa Kanilang Kapitbahay Dahil sa Pagsasampay ng mga Nilabhang Damit sa Bandang Harapan ng Kanilang Bahay; Hindi Niya Alam na Lulunukin Pala Niya ang Masasakit na Salitang Binitiwan Niya sa mga Ito

Galit na Galit ang Dalaga sa Kanilang Kapitbahay Dahil sa Pagsasampay ng mga Nilabhang Damit sa Bandang Harapan ng Kanilang Bahay; Hindi Niya Alam na Lulunukin Pala Niya ang Masasakit na Salitang Binitiwan Niya sa mga Ito

Inis na inis na tumanaw sa kaniyang bintana si Criselda, 24 na taong gulang, at single parent.

“Nakakainis talaga itong kapitbahay na ito! Bakit dito sa tapat ko naglalagay ng mga sinampay niya. Wala akong pakialam kung may kotse siya at hindi niya mailagay sa tapat nila ang pinagsasampayan nilang bakal,” sabi ni Criselda.

Narinig naman siya ng kaniyang inang si Aling Ising na nakakatuwang niya sa pag-aalaga sa kaniyang anak.

“Hayaan mo na anak, hindi naman talaga sa mismong harapan ng bahay inilagay, sa bandang gilid naman. Wala na kasi silang mapagpuwestuhan. Unawain na lang natin,” paalala ni Aling Ising.

“Hay naku ‘Nay. Iyan ka na naman eh. Masyado kang mabait talaga. Dapat nagpapaalam man lang sila sa akin na maglalagay sila ng sinampay sa harap ng bahay, hindi iyang nakabalandra sa harap natin ang mga damit nila. Naku… kaunti na lang talaga at irereklamo ko na ito sa barangay eh!” nanggagalaiti si Criselda.

“Hindi dapat ganiyan, anak. Matuto tayong magtimpi at magpakahinahon. Saka dapat marunong tayong makisama sa mga kapitbahayan natin. Sila ang matatakbuhan natin sa panahon ng matinding pangangailangan. Kausapin na lang natin sa susunod. Hindi naman talaga tayo napapahamak sa ginagawa kaya walang dapat ikagalit,” paalala ng ina sa kaniyang anak.

Nanahimik na lamang si Criselda. Naisip niyang bumili ng kotse para may maipaparada rin siya sa harapan ng kanilang bahay, kagaya ng kanilang kapitbahay. Subalit naisip niya, wala nga pala siyang pambili ng kotse.

Isang araw, nagulat na lamang si Aling Ising nang marinig ang pagtungayaw ng anak sa labas. Pagsilip niya, nakita niyang nakatumba na ang mga bakal na pinagsasampayan ng mga nilabhang damit ng mga kapitbahay nila. Napalabas nang ‘di oras ang matanda upang awatin si Criselda.

“A-anak, anong nangyari? May ginawa ka ba sa mga sinampay nila?” kinakabahang tanong ni Aling Ising sa anak.

“Tinumba ko para kunin nila, ‘Nay. Naiirita na ako eh. Dito na naman sila naglagay sa harapan natin, kahit gilid pa iyan, kitang-kita naman na nasa tapat na ito ng bahay natin. Hindi tama iyan,” malakas na sabi ni Criselda.

Lumabas ang ginang na kanilang kapitbahay at namumutla ito. Mukha itong mabait at ayaw ng anumang gulo.

“Pasensiya na kayo kung nailalagay namin sa gilid na nasa tapat na ng bahay ninyo ang mga sinampay namin. Wala na kasi kaming lugar na mapaglalagyan ng bakal na pinagsasampayan namin, dahil na rin dito sa kotse,” nangingiming pagpapaumanhin ng ginang. Lumabas na rin ang mister nito na naeskandalo sa mga pangyayari.

“Naku, hindi na po namin problema iyan. Bakit kasi nagkotse-kotse pa kayo, eh wala naman kayong garahe? Maliit lang ho ang kalye natin. Nakakaistobo po kasi kayo eh, nakakapuwerwisyo,” walang preno ang bibig ni Criselda. Kitang-kita niyang namula ang mukha ng ginang, at nagngalit naman ang mga bagang ng mister.

“Anak, nag-usap na kami, pumayag na ako. Hindi naman nakakasagabal sa daraanan natin ang mga sinampay nila. Pumasok ka na sa loob, Criselda. Nagkakaunawaan na kami,” mariing utos ni Aling Ising sa anak.

Kitang-kita ang pagkapahiya at pagkainis ni Criselda sa ina dahil sa pagkampi nito sa kanilang kapitbahay. Walang paalam na pumasok ito sa loob ng kanilang bahay.

“Pasensiya na kayo sa anak ko ah. Ganoon lang talaga siya. Wala naman kaso sa amin ang paglalagay ninyo ng sinampay sa tapat ng bahay,” nakangiting sabi ni Aling Ising. Badha sa kaniyang mukha ang pagkapahiya dahil sa ipinakitang asal ng anak.

“Para wala na lang pong gulo, hindi na lang po kami maglalagay. Pasensiya na rin po,” nakangiting sabi ng ginang.

Simula na noon ay hindi na naglagay pa ng kanilang sinampay ang kapitbahay sa harapan, bagay na ikinatuwa ni Criselda.

“Oh kita mo ‘Nay, eh ‘di nawala ang mga sinampay nila! Kung hindi mo gugulatin at sisindakin ang mga iyan, hindi sila magigising sa katotohanan,” sabi ni Criselda sa kaniyang ina.

“Pero mali pa rin ang pamamaraan mo, Criselda. Lahat naman ay nadadaan sa maayos na pakikipag-usap. Huwag mong ibaba ang sarili mo para sa mga bagay na walang kapararakan,” malamig na paalala ni Aling Ising sa anak.

Isang gabi, biglang nanikip ang dibdib ni Aling Ising sa hindi malamang kadahilanan. Kinakailangan siyang itakbo sa ospital. Nataranta si Criselda. Hindi niya alam ang gagawin.

“Tulong! Tulungan ninyo kami!” napasigaw na lamang si Criselda sa labas ng kanilang bahay.

Tamang-tama namang papalabas ng kotse ang kanilang kapitbahay; mukhang kadarating lamang. Hindi sila nagdalawang-isip na tulungan si Criselda. Isinakay nila sa kotse si Aling Ising at tinakbo sa pinakamalapit na ospital.

Mabuti na lamang at naisugod kaagad sa ospital si Aling Ising: salamat sa kanilang kapitbahay na may kotse, na inaway-away ni Criselda dahil lamang sa sampayan. Hiyang-hiya si Criselda.

“M-maraming salamat po sa inyo. Hiyang-hiya po ako sa inyo. Kung hindi dahil sa inyo, baka wala na ang Nanay. Hindi ko alam kung paano ako makababawi sa inyo. Napakitaan ko kayo ng hindi magandang asal,” paghingi ng paumanhin at pasasalamat ni Criselda.

“Wala na iyon. Kalimutan na natin iyon. Magkakapitbahay tayo. tayo-tayo rin naman ang magdadamayan sa panahon ng pangangailangan,” nakangiting sabi ng ginang.

Napagtanto ni Criselda na tama ang sinabi ng kaniyang ina patungkol sa mabuting pakikitungo sa mga kapitbahay. Bukas na bukas, ipagluluto niya ng masarap na ulam ang mga ito.

Advertisement