Inday TrendingInday Trending
Naghirap ang Dati ay Mayamang Babae; Inani Niya ang Lahat ng Kabutihang Dati Niyang Itinanim

Naghirap ang Dati ay Mayamang Babae; Inani Niya ang Lahat ng Kabutihang Dati Niyang Itinanim

Dating may-ari ng isang malago at kumikitang patahian si Marinel. Masaya at sagana ang kanilang buhay at talaga namang ipinagpapala sila.

Isa si Marinel sa pinakamatagumpay na negosyante sa kanilang lugar ngunit hindi lamang dahil doon kaya siya nakilala.

Si Marinel ay isang napakabuti at matulunging tao. Mapagbigay, mabait at maprinsipyo. Daig pa nga niya ang ilang pulitiko sa kanilang lugar dahil mas madalas siyang lapitan ng kaniyang mga kababayan sa tuwing sila ay nangangailangan. Paanoʼy madali siyang lapitan.

May sakit at kulang ang pambili ng gamot? Walang makain, walang matirahan o kulang ang pambayad sa tuition fee? Si Marinel ang kauna-unahan nilang takbuhan. Malugod at walang pag-aalinlangan silang tutulungan ni Marinel sa abot ng kaniyang makakaya.

Tila hindi napapagod si Marinel sa pagtulong sa kapwa. Ang katuwiran niya ay umaasa siyang ganoon din kasi ang kaniyang matatamasa kung siya naman ang maghirap.

Masaklap man ay tila nagkaroon ng katuparan ang mga salitang iyon ni Marinel. Nang magkasakit kasi ang kaniyang asawa ay unti-unti niyang napabayaan ang kaniyang mga negosyo, habang ang ipon nila ay naubos na sa pagpapagamot ng kaniyang mahal na asawang si Arnulfo.

Tila biglang pinagbagsakan ng langit at lupa si Marinel at ang kaniyang pamilya. Animo sila sinubok ng kapalaran sa matinding paraan. Hindi alam ni Marinel kung paano siya babangon o kung siya nga ba ay makababangon pa?

Ganoon pa man, ipinagpapasalamat na lamang niya na nakaligtas ang kaniyang asawa sa tiyak na kapahamakan, naubos man ang kanilang kayamanan.

“Pasensiya ka na, mahal, kung magdidildil na naman tayo ng asin, ha? Hindi kasi ako kumita ngayon, e,” isang araw ay ani Marinel sa kaniyang asawa habang nakahiga pa ito sa kama. Medyo mahina pa kasi ang katawan nito at hirap pang magsalita buhat nang ito ay ma-stroke.

May simpatiya sa mukha ni Arnulfo habang ang mga luha ay nangingilid sa mga mata nito. Hindi naman napigilang maawa ni Marinel sa asawa. Alam niyang sinisisi nito ang sarili sa hirap na dinaranas nila ngayon.

“Wala kang kasalanan, mahal, ha? Ginusto kong ialay sa ʼyo ang lahat. Ayos lang sa akin kahit wala na tayong pera. Ang mahalaga, buhay ka. Mahal na mahal kita!” Niyakap ni Marinel si Arnulfo.

Nakasilong sila ngayon sa isang maliit na appartment dahil kasama sa mga naibenta niyang ari-arian ang kanilang bahay. Nasa ganoon silang sitwasyon nang may kumatok sa kanilang pintuan.

“Sino po sila?” bungad ni Marinel sa hindi kilalang bisita. Isang sopistikada at magandang babae ang tumambad sa kaniya sa pagbukas niya ng pintuan.

“Kayo po ba si Marinel? Iyong dating may-ari ng mga patahian dito sa bayan?” ang nakangiti namang tanong pabalik ng hindi kilalang dalaga.

Tumango si Marinel. “Oho, ako nga po ʼyon,” ngunit bigla siyang kinabahan nang maisip na baka isa itong maniningil ng utang! “Naku po, isa po ba kayo sa mga pinagkakautangan ko? Pasensiya na po. Wala pa po akong pambayad. Baka naman po pʼwedeng bigyan pa ninyo ako ng palugit?”

“Naku, hindi! Wala po kayong utang sa akin. Sa katunayan nga ay ako pa ang may pagkakautang sa inyo. Hindi po ba ninyo ako natatandaan? Ako po si Kassandra. Isa po ako sa mga scholar na napagtapos nʼyo ng pag-aaral noong araw. Isa na ho akong negosyante ngayon katulad ninyo at narito po ako upang ibalik ang utang na loob ko sa inyo.”

Tila pinanlakihan ng mga mata si Marinel sa narinig. Tama nga ba ang pagkakarinig niya?

“Narito po ako upang sabihin sa inyo na handa akong magbigay ng halagang pʼwede ninyong gamitin sa pagsisimula ulit ng panibagong negosyo. Maʼam Marinel, sana po tanggapin ninyo ang tulong ko. Kayo po ang dahilan kung bakit narito ako ngayon sa posisyong kinatatayuan ko. Sa katunayan nga ay hindi lang ako ang gustong tumulong sa inyo. Marami po kami!” masayang pagbabalita pa nito kay Marinel na ngayon ay walang pagsadlakan ng tuwa sa kaniyang puso.

Tama nga ang sinabi nito dahil matapos ang pag-uusap nilang iyon ay dinagsa pa siya ng napakaraming tulong mula sa mga taong natulungan niya na rin noon. Dahil doon ay unti-unti ngang muling nakabangon si Marinel sa kaniyang naranasang pagsubok kasabay ng unti-unti ring pagbuti ng kalagayan ni Arnulfo.

Tunay ngang maganda ang naidudulot ng pagtulong sa kapwa na walang hinihinging kapalit dahil darating ang araw, anumang ginawa at ipinaranas mo sa iyong kapwa ay babalik sa ʼyo, masama man iyon o mabuti.

Advertisement