Inday TrendingInday Trending
Tamad Daw ang Binata at Puro Mobile Games ang Inaatupag; Napabilib Niya ang Lahat Kalaunan!

Tamad Daw ang Binata at Puro Mobile Games ang Inaatupag; Napabilib Niya ang Lahat Kalaunan!

“Ano ba ang pinagkakaabalahan mo ngayon sa buhay, ha, Joseph?” ang walang katapusang tanong ng mga tiyahin ni Joseph sa kaniya sa tuwing sila ay magkakaroon ng family reunion.

“Marami po, tita. Ibaʼt ibang homebased jobs po ang pinasukan ko. Nagnenegosyo rin po ako online,” sagot naman niya sa mga ito kahit pa alam na niya ang susunod nilang sasabihin.

“Naku! Puro na lamang online. Ikaw ba ay hindi pa rin tumitigil doon sa mga mobile games na inaatupag mo na lamang palagi? Wala kang mararating sa ganoʼn, hijo,” may halong pangungutya pang payo kuno ng kaniyang Tiya Pura.

“In demand ho kasi ang mga ganoong trabaho sa panahon ngayon, tita. Hindi naman po ako sasabak dito kung hindi ako nakakita ng magandang oportunidad sa larangang ito,” pangangatuwiran naman ni Joseph bilang pagtatanggol sa kaniyang dignidad. Palagi na lamang kasi ay ganoon ang sinasabi ng mga ito. Palibhasaʼy iba kasi ang pananaw niya sa mga pinaniniwalaan nila noon pa man.

“Naku, dahilan mo lamang ʼyan, e. Katamaran ʼyang ginagawa mo, Joseph. Anoʼng mapapala mo sa online jobs na ʼyan, e, ang liliit nga ng kita riyan? Ni wala ka ngang benefits na nakukuha diyan di tulad ng kapag nasa kompanya ka.”

“Oo nga. Bakit hindi mo gayahin iyong mga pinsan mo? Kita mo ba, ang gaganda ng sahod sa call center. Iyong ibaʼy napo-promote pa bilang mga team at shift leader sa kanilang kompanya! Nagbabanat sila ng buto para mabuhay, hindi katulad mo na puro pagmo-mobile games ang alam. Ikaw e pinapayuhan lang namin. Huwag mong mamasamain ang sinasabi namin sa ʼyo dahil napagdaanan na namin ʼyan,” litaniya naman ng kaniyang Tito Gardo.

“Kung ganoon po, abaʼy maganda at nagtatagumpay ang mga pinsan ko sa mga trabaho nila. Kaya lang ho, may sarili ho akong diskarte, mga tito at tita. Hayaan nʼyo ho munang subukan ko kung saan ako mahusay at pag hindi ako nagtagumpay, e ‘di lesson learned po sa akin iyon. Saka ko ho susubukan ang mga payo ninyo. Bata pa naman po ako. Marami pa po akong pagdaraanan,” sabi pa ni Joseph sa magalang na pananalita kahit pa ang totoo ay kanina niya pa gustong sumabog sa pangmamaliit sa kaniya ng mga kamag-anak nilang walang ibang alam gawin kundi ang pagkumpa-kumparahin silang magpipinsan sa isaʼt isa.

Hindi na bago kay Joseph na ganoon talaga sa pamilya nila. Payabangan. Walang gustong magpalamang kahit sa mga simpleng bagay lang. Iyon nga ang dahilan kung bakit malayo ang loob niya sa mga ito. Kailan kaya mapagtatanto ng mga ito na hindi sa lahat ng bagay ay tama ang mas may edad na?

Sa kabila ng mga ganoong pagkakataon sa buhay ni Joseph ay ipinagpatuloy niya pa rin ang kaniyang pagiging online mobile games streamer. Isinabay niya iyon sa kaniyang ibaʼt ibang online business and online jobs.

Ang totoo ay matagal ding pinag-isipan ni Joseph ang pagkakaroon ng mga trabahong bumabase sa internet, ngunit nang makita niya ang oportunidad ng pagiging in demand nito sa mga panahon ngayon ay ipinursige na rin niya sa sarili. Hindi naman siya kinontra ng mga magulang sa napili niyang tahaking daan dahil katuwiran ng mga ito ay may sarili na siyang pag-iisip at mag tiwala ang mga ito sa kaniya.

Isa sa pinakamalaking ipinagpapasalamat ni Joseph sa Diyos ay ang pagkakaroon niya ng mababait na mga magulang na mayroong bukas na pag-iisip tungkol sa mga bagay-bagay kaya naman mas lalo niya pang pinagbutihan ang kaniyang ginagawa.

Tahimik na pinaunlad ni Joseph ang sarili. Wala siyang balak magyabang sa mga kamag-anak nila, ngunit agad na pumutok ang balita tungkol sa ipinatayo niyang bahay na mala-mansyon, makalipas lamang ang tatlong taon!

Iyon kasi ang pangarap niya noon pa man na gusto niyang iparanas din sa kaniyang mga magulang kaya naman talagang iyon ang inuna niyang ipundar.

Ang mga pangungutya, pagdududa at kawalang tiwala sa kaniya ng mga ito ay napalitan ng paghanga. Hindi man magsalita ang kanilang mga kaanak ay alam niyang sa sarili ng mga ito ay dama nila ang pagkapahiya dahil nagkamali sila ng tingin kay Joseph at sapat na iyon sa binata. Umaasa na lamang siyang makapag-isip-isip ang mga ito at magbago na ang mga pag-uugaling hindi maganda. Ipagdarasal niya iyon.

Advertisement