Inday TrendingInday Trending
Niloko ng Binata ang Losyang na Nobya; Nagsisi siya Nang Malamang ito Ngayon ay Modelo na

Niloko ng Binata ang Losyang na Nobya; Nagsisi siya Nang Malamang ito Ngayon ay Modelo na

“S-sino ʼyang babaeng ʼyan, Niko?!”

Bumagsak sa sahig ang hawak na baunan ng nobya ni Niko matapos siyang mahuli nitong may kasamang ibang babae sa kaniyang opisina. Hindi lang simpleng kasama, kundi kahalikan niya pa!

Tumilapon ang inihanda nitong tanghalian para sa kaniya. Sayang dahil paborito pa naman niya ang lutong adobo nito.

“Hindi mo ba nakikita? Bagong girlfriend ko siya. Bakit ka ba nandito?” Malamig ang naging sagot na iyon ni Niko sa nobyang si Krisel. Ni walang emosyon ang kaniyang mga mata, dahil iyon naman ang totoo. Bukod sa awa, wala na siyang ibang nararamdaman pa sa nobya sa mga sandaling ito.

Naramdaman pa ni Niko ang pag-angkla ng babaeng kaulayaw niya sa kaniyang leeg habang kaharap nila si Krisel, ngunit pinabayaan niya lamang iyon at ni hindi man lang ito pinigilan. Sa pagkakataong ito ay wala na kasi siyang pakialam sa nararamdaman ni Krisel.

Ni ayaw nang tingnan ni Niko ang kaniyang nobya. Gulo-gulo ang basta na lamang ipinusod na buhok nito, nakasuot ng maluwang na T-shirt at nangangayayat na. Wala na ang dati nitong ganda na talaga namang halos magpatulo ng kaniyang laway noong nililigawan pa lamang niya ito.

“Manloloko ka, Niko! Walang hiya ka!” hindi na napigil pang sigaw ni Krisel bago ibinato sa pagmumukha ni Niko ang natapong pagkain.

Hindi iyon inasahan ng binata. Nagulat din siya nang bigla na lamang sumalampak sa mukha niya at ng babaeng kayakap niya ang mainit na kanin at ulam. Nataranta siya sa hapdi na dulot ng pagkapaso habang si Krisel naman ay tuloy-tuloy na umalis at hindi na muli pang nagpakita sa kaniya.

Simula nang hiwalayan nila ni Krisel ay wala nang relasyon pang tumagal kay Niko. Palagi na lamang ay nagkakaroon siya ng problema sa mga babaeng nakaka-date niya. Halos hindi na nga mabilang sa kaniyang daliri kung ilang beses na siyang nagpapalit ng girlfriend kada buwan. Hindi rin maintindihan ni Niko ang sarili.

Sa kalaunan ay itinigil na muna ni Niko ang pambababae at minabuting pagbutihin na lamang ang kaniyang trabaho… ngunit kung kailan niya naisipang gawin ang bagay na iyon ay saka naman biglang nagkaroon ng problema ang kanilang kompanya.

Nagkasakit ang kaniyang boss at biglaang inilipat sa tagapagmana nitong apo ang pamamalakad ng kompanya. Dahil doon ay malaking pagbabago ang naganap sa lahat ng aspeto ng kanilang trabaho.

Mahigpit ang bagong boss. Kung dati ay nakapupuslit siya at nakakaalis kahit pa oras ng trabaho, ngayon ay hindi na. Lahat ng oras nila sa opisina ay kalkulado na.

Stress ang inaabot ni Niko sa trabaho lalo na at madalas siyang mapagalitan ngayon ng kaniyang mga bisor. Sunod-sunod din kasi ang kaniyang kapalpakan at aminado naman siyang dahil iyon sa pagiging tamad niyang empleyado noon. Nangayayat na si Niko. Mahaba na rin ang kaniyang bigote at buhok dahil hindi na niya mabigyang oras ang sarili. Sa tuwing uuwi siya ng bahay ay pagod na pagod na siya kaya wala na siyang oras pang mag-ayos.

“Ganito siguro si Krisel dati,” naisip niya isang gabi nang bigla niyang maalala ang dating nobya. Ang kaibahan nga lang ay wala siyang kailangang intindihing girlfriend ngayon ‘di gaya noon na hands-on pa rin si Krisel sa pagiging nobya niya. Bigla niya tuloy itong na-miss lalo na ang pagiging maalaga nito.

Kinabukasan, latang-latang pumasok si Niko sa opisina. Inagahan na niya para naman hindi na siya mapagalitan sa pagkakataong ito. Ganoon pa rin naman ang araw niya. Walang pagbabago…

Ngunit tila bigla siyang nabuhayan nang makita niya ang isang pamilyar na babae sa kanilang opisina!

“K-Krisel?!” nanlalaki ang mga matang sambit ni Niko sa pangalan ng dating nobya.

Halos mapanganga siya sa hitsura nito ngayon. Napakaganda na nito higit pa sa ganda nito noong sila ay magkakilala! Mukha itong sopistikada at eleganteng babae. Mas maganda pa ito sa mga artista kung tutuusin!

Teka—tama! Nakita na niya ito sa isang magazine! Isa na palang modelo si Krisel? Ang akala niya noon ay kamukha lang iyon ng dati niyang nobya!

“Oh, Niko, dito ka pa rin pala nagtatrabaho?” Walang bahid ng hinanakit siyang binati pabalik ni Krisel. Tumango naman si Niko.

Tila nabuhayan siya ng loob. Pakiramdam niya ay siya ang pinuntahan ni Krisel dito at ikinakaila lamang. Umasa siyang katulad niya ay napagtanto din nitong mahal pala siya nito…

Ngunit lahat ng pag-asang iyon ay naglaho nang may tumawag sa pangalan nito. Walang iba, kundi ang bago nilang boss.

“Krisel, kanina ka pa ba? Sorry kung pinaghintay kita.”

Nakangiting binalingan ni Krisel ang kaniyang boss at excited na tinakbo ito at sinalubong nang yakap.

“Kararating ko lang din, babe. Sasabay sana akong mag-lunch sa ʼyo. Ipinagluto kita,” matamis ang ngiting sabi pa ni Krisel dito.

Tila dinurog ang puso ni Niko nang malamang malapit na palang ikasal si Krisel sa kaniyang bagong boss na ‘di hamak na mas guwapo, mas mayaman at mas makisig kaysa sa kaniya. Bukod pa roon ay halata ang kislap sa mga mata nito at hindi ito nahihiyang ipakita sa lahat na mahal nito ang dati niyang nobya.

Advertisement