Nagulat ang Mag-ama nang Pasukin ng Kawatan ang Kanilang Mini Grocery Upang Kunin ang Kanilang Benta; Naging Daan Pala Ito Upang Mapagtanto Niya Kung Gaano Kaganda Pa Rin ang Mundo
Nahinto ang pagbibilang sa kaha ng kanilang mini grocery nina Mang Nestor at anak na si Thelma nang pumasok ang isang lalaki sa loob nito, kahit nakalagay na sa labas ng pintuan na sarado na at hindi na maaaring pumasok.
“Sir, excuse me po, sarado na po kami,” magalang na sabi ni Mang Nestor sa lalaking nakasumbrero. Kinutuban nang masama si Mang Nestor nang mapansing pagala-gala ang mga mata ng lalaki; tila maligalig at hindi mapakali. Binulungan niya ang anak na si Thelma na noon ay tila naramdaman ang nais ipahiwatig ng ama.
“Hawakan mong maigi ang kaha,” bilin niya sa anak.
At hindi nga nagkamali si Mang Nestor. Inilabas ng lalaki ang kaniyang baril at itinutok kay Mang Nestor.
“Akin na ang benta ninyo, kung hindi pasasabugin ko ang mga bungo ninyo!”
Nataranta si Thelma. Hinigpitan ang hawak sa kaha na naglalaman ng kanilang maghapong benta sa kanilang mini grocery na malapit-lapit na nilang isara dahil sa pagkalugi. Ang tanging pumipigil kay Mang Nestor upang gawin ito ay dahil alaala ito ng kaniyang yumaong asawa na siyang nangarap na magkaroon ng tindahan, na di-naglaon ay naging mini grocery.
“S-Sandali lamang brother… ibaba mo ang baril mo. Hindi naman kami lalaban. Ibibigay ko sa iyo ang kaha. Bukod sa pera, puwede mo ring kunin ang lahat nang maibigan mo sa tindahan ko. Lahat,” turan ni Mang Nestor sa kawatan. Kinindatan ni Mang Nestor ang anak na si Thelma; na parang sinasabing hayaan na lamang siya at may iba siyang plano.
Saglit na nanahimik ang kawatan. Parang nag-iisip ito. Batay sa obserbasyon ni Mang Nestor, napansin niyang nanginginig ang kamay nito na may nakatutok na baril sa kanila. Gumigitaw rin ang butil-butil na pawis sa mga noo nito. Hapo ang mga mata. Sapantaha ni Mang Nestor, maaaring unang beses pa lamang na magtatangkang mangholdap nito.
“Hindi kita kilala brother, pero alam kong hindi ka masamang tao. Kung anuman ang pinagdaraanan mo, maniwala ka sa akin, nauunawaan kita. Pinagdaanan ko ang mga naranasan mo. Naghirap din kami. Alam mo bang bangkarote na rin ang tindahang ito? Ito na lamang ang bumubuhay sa amin ng aking anak,” pagsasalaysay ni Mang Nestor.
Sinisikap niyang gamitan ng reverse psychology ang kawatan. Wala siyang sapat na kakayahan upang makipaglaban sa pisikal na paraan, subalit kung magkagipitan man, handa siyang makipagbuno maproteksyunan lamang ang kaniyang kaisa-isang anak.
“Hindi totoo iyan. Walang nakakaintindi sa akin. Malupit ang mundong ito. Walang nakakaunawa sa aming mga mahihirap. Ang mga pribilehiyo sa lipunang ito ay para lamang sa mga mayayaman,” sagot ng kawatan.
Nagulat si Mang Nestor sa malalim na pananalita ng kawatan kaya lalong lumakas ang kaniyang paniniwala na kumakapit lamang ito sa patalim at hindi likas na masamang tao.
“Sige, sige. Hindi ko man alam ang pinagdaraanan mo ngayon brother, handa kitang tulungan. Huwag mo lamang kaming sasaktan. Narito ang kaha, kunin at simutin mo ang lahat ng pera at baryang makikita at madadampot. Kapag nagkulang, bibigyan pa kita. Sabihan mo lamang ako kung magkano ang kailagan mo pa,” sabi ni Mang Nestor.
“Bakit mo ginagawa ito? Hinoholdap kita. Sa isang iglap, maaaring mawala ang buhay ninyo sa isang pitik lamang ng gatilyo nitong nakatutok sa inyo,” sabi ng kawatan.
“Alam kong may malalim kang dahilan para gawin ito. Kung may mapagkukuhanan ka naman at marahil ay hindi nakaranas ng kasamaan mula sa ibang tao, alam kong hindi mo ito gagawin. Alam ko, isa kang mabuting tao,” sabi ni Mang Nestor.
Habang nangyayari ang lahat ng ito, nagtet-text na pala si Thelma sa mga kaibigan niya kaya nakahanap sila ng tulong. Tumawag ng pulis ang mga kaibigan ni Thelma kaya nakasugod sila sa tindahan.
“Kailangan ko ng pera para sa pamilya ko kaya ko ginagawa ito. May sakit ang anak ko. Ngayon lang ako nakakita ng hinoholdap na mabuti ang trato sa holdaper. Isa kang mabuting tao kung gayon. Pero pagod na akong maging mabuti. Nagpakabuti ako sa kapwa ko, alam ng Diyos iyan. Subalit wala akong napala sa pagiging mabuti. Ngayon, pinipili kong magpakasama. Kaya pasensiyahan tayo,” sabi ng kawatan subalit hindi na nito natapos ang sasabihin dahil pumasok na ang mga pulis at hinuli ito. Hindi nito namalayan ang pagpasok nila.
Hindi nagsampa ng kaso si Mang Nestor, bagama’t hinayaan niya ang mga pulis na gawin kung ano ang nararapat para sa kawatan; may nilabag ito sa batas.
Hinanap ni Mang Nestor ang pamilyang sinasabi nito, at tunay naman ang sinasabi nito na may sakit ang anak nito. Sa kabutihan ni Mang Nestor, nagpaabot siya ng tulong sa pamilya ng naturang holdaper.
Isang araw, dinalaw ni Mang Nestor ang nakapiit na holdaper sa bilangguan.
“Maraming salamat. Ikaw na nga ang ginawan ko nang masama, ikaw pa ang tumutulong sa pamilya ko. Bakit mo ito ginagawa?” tanong ng holdaper.
Ngumiti lamang si Mang Nestor.
“Lahat ng tao ay may karapatan sa ikalawang pagkakataon at makaranas ng pagtulong. May kasalanan ka sa mata ng Diyos at mata ng batas. Imbes na mainip, gamitin mo ang mga sandaling ito para magnilay-nilay. Hanggang sa muli,” paalala ni Mang Nestor at nagpaalam na siya.
Sinunod naman ito ng holdaper. Nagsisisi man siya, nagpapasalamat na lamang siya dahil may mga taong katulad ni Mang Nestor na may malawak na pag-iisip at handa pa ring magpakita ng kabutihan sa kapwa, sa kabila ng lahat. Hindi totoong malupit ang mundo.