Inday TrendingInday Trending
Nainis ang Dalaga nang Hindi Siya Madamayan ng Kaibigan, Nabigla Siya nang Malamang mas Mabigat ang Kinakaharap Nito

Nainis ang Dalaga nang Hindi Siya Madamayan ng Kaibigan, Nabigla Siya nang Malamang mas Mabigat ang Kinakaharap Nito

“Ayos ka lang ba, Toni? Niyaya nga kita para sumaya ako, eh, tapos ang tahi-tahimik mo d’yan, nakasimangot ka pa. Ayaw mo ba akong makainuman ngayon?” puna ni Vicky nang mapansing walang gana ang kaniyang kaibigan.

“Hindi naman sa gano’n, Vicky, wala lang akong ganang makipag-inuman ngayon,” tipid nitong sagot saka umiwas ng tingin sa kaniya.

“Ah, ngayon nawawalan ka na ng gana makipag-usap sa akin? Por que may bago ka nang mga kaibigan doon sa lugar niyo ganyan ka na?” sambit niya saka niya tinungga ang alak na nasa harapan niya.

“Nagkakamali ka, Vicky, sadyang wala lang akong gana ngayon,” tugon pa ni Toni na lalong nagpainit ng kaniyang ulo.

“Ewan ko sa’yo! Ayaw mo pang amining totoo ang sinasabi ko! Siguro, nahihiya ka lang dahil sa dami ng itinulong ko sa’yo noong kolehiyo! Bahala ka d’yan, wala kang makikitang kaibigang katulad ko!” bulyaw niya dito saka na tuluyang iniwan ang kaibigan sa galit na nararamdaman.

Tapos na sa pag-aaral at kasalukuyan nang naghahanap ng trabaho ang dalagang si Vicky. Mula pa noon, lagi na niyang sinasandalan ang kaibigang si Toni sa tuwing siya’y nagkakaproblema. Ngunit tila pakiramdam niya, nawawalan na ito ng amor sa kaniya nang minsan niya itong yayain uminom.

Makailang ulit na kasi siyang sumusubok na makapasok sa iba’t-ibang kumpanya ngunit palagi na lamang siya umuuwing luhaan dahilan upang naisin niyang bahagyang makalimot at yayain ang kaibigan. Ngunit imbis na matulungan siya nitong makalimot, nabigyan pa siya nito ng pakiramdam na hindi kaaya-aya dahilan upang labis siyang mainis dito.

Simula noong araw na iyon, hindi na niya muling kinausap ang naturang dalaga. Kahit pa hirap na hirap na siyang maghanap ng trabaho, labis niyang pinigilan ang sarili na humingi ng tulong sa nag-iisa niyang kaibigang ‘yon.

“Akala niya ata hindi ko kayang wala siya? Aba, kaya ko ring maghanap ng ibang kaibigan katulad niya! Wala siyang utang na loob, Samantalang noon, ako lang ang palagi niyang nilalapitan!” inis na inis niyang sambit, isang araw habang naglalakad siya patungo sa isang kumpanyang papasukan niya.

Habang naghihintay para sa kaniyang interbyu, bigla na lamang may lumapit sa kaniyang dalaga. Noong una’y hindi niya ito makilala dahil sa gara ng damit na suot nito ngunit hindi kalaunan, nang magsalita ito, napagtanto niyang ito pala ang isa sa mga malapit nilang kaibigan ni Toni noon.

“Kamusta ka na, Vicky?” masiglang tanong nito saka siya niyakap, “Balita ko, nagluluksa ngayon ang matalik na kaibigan mong si Toni, ha?” dagdag pa nito dahilan upang mapaisip siya.

“A-anong nangyari kay Toni?” uutal-utal niyang tugon na ikinagulat ng naturang dalaga. Agad siyang hinila nito patungo sa palikuran at doon na nga niya nalamang sumakabilang buhay na pala ang isang taong gulang na anak ng kaniyang kaibigan.

“Nagkita pa kami no’n noong isang buwan, niyaya ko pa nga mag-inuman pero wala siyang gana. Hindi naman niya agad na sinabing malubha na ang lagay ng kaniyang anak,” sambit niya, hindi pa rin siya makapaniwalang may pait na tinatago pala noong mga oras na iyon ang kaniyang kaibigan.

“Siguro nahihiya na siya sa’yo humingi ng tulong. Hayaan mo na, damayan na lang natin siya,” ika nito saka siya tinapik-tapik.

Pumunta nga silang dalawa sa bahay ni Toni. Agad niyang niyakap ang kaibigan at doon na ito simulang humagulgol sa kaniyang balikat, “Patawarin mo ako, Vicky, ni minsan walang pumantay sa pagkakaibigang bigay mo sa akin, sadyang sirang-sira lang ako noong mga araw na iyon dahil malubha na ang lagay ng anak ko,” hikbi nito habang mahigpit siyang yakap.

“Ako ang patawarin mo, Toni, sobra akong nakokonsensya dahil hindi man lang kita tinanong kung anong nangyayari sa’yo at pinilit mo pang damayan ako kahit na mas masakit ang kinakaharap mo sa akin noong mga araw na iyon,” sagot niya, pigil-pigil ang mga luhang nais nang pumatak.

Muli silang nagkapatawaran at nangakong sabay nilang haharapin ang buhay kahit pa sila’y parehas nang magkapamilya. Nangako rin si Vicky na iintindihin ang kaibigan katulad nang pag-iintindi nito sa kaniya.

Napagtanto niyang hindi lang sa kaniya umiikot ang mundo at lahat ng tao sa paligid niya’y may kaniya-kaniyang labang kinakaharap.

Madalas tayong nagtatanim ng sama ng loob kapag tayo’y hindi natutulungan ng ating mga kaibigan. Ngunit nawa’y intindihin din natin sila, dahil sila’y may tagong labang kinakaharap na maaaring mas mabigat pa sa kinakaharap mo.

Advertisement