Inday TrendingInday Trending
Umuwi ang Ginang nang Malamang Kaunting Bigas Lang ang Ayudang Matatanggap, Nanghinayang Siya nang Malamang may Nakatago Pala sa Bigas na Iyon

Umuwi ang Ginang nang Malamang Kaunting Bigas Lang ang Ayudang Matatanggap, Nanghinayang Siya nang Malamang may Nakatago Pala sa Bigas na Iyon

“Saan ka pupunta, Rosa? Pipila ka pa doon sa bigayan ng ayuda? Galing ako do’n, kalahating kilong bigas lang naman ‘yong binibigay kaya umuwi na ako,” harang ni Mila sa kaniyang kumare, isang araw habang siya’y pauwi na.

“Ganoon ba? Hayaan mo na, sa walang-wala katulad ko, malaking tulong na iyon,” tugon ng kaniyang kumare saka tinanaw ang mga kapitbahay nilang nagsisipag-uwian na rin.

“Walang-wala rin naman ako, pero hindi ko papagurin ang sarili ko para sa kalahating kilong bigas! Huwag ka nang pumila doon, Rosa, tirik na tirik ang araw!” saway niya pa sa kumare.

“Ayos lang, basta may mapakain lang ako sa mga anak ko,” giit nito, bakas sa mukha niya ang kagustuhang makakuha ng ayuda.

“Naku, bahala ka nga d’yan!” bulyaw niya dito, saka tuluyan nang umuwi.

Dalawang araw lang ang nakalilipas simula nang matupok ng apoy ang tatlongpu’t limang bahay sa barangay na kinabibilangan ng ginang na si Mila.

Tanging suot na damit at tsinelas lamang ang naisalba ng karamihan sa kanila dahilan upang ganoon na lamang sila manlumo lahat.

Awang-awa si Mila sa kaniyang dalawang anak. Ni isa kasi sa mga damit, gamit sa eskwela, laruan at iba pang mga ipunundar niyang gamit ay tila naging abo na lamang na labis na ikinalungkot ng mga ito.

Maswerte na nga siyang maisalba ang pitaka niyang may dalawang daang piso na ginamit niya upang mapakain ang kaniyang mga anak.

Simula nang maibalita ang kaganapang ito sa kanilang buong lalawigan, nagsimula na silang bigyan ng tulong ng mga karatig barangay. Ngunit may isang hindi kilalang ginang ang nagpamigay ng tulong noong araw na ‘yon na labis na ikinadismaya ng karamihan kabilang na si Mila.

Halos isang oras kasi siyang pumila upang makakuha ng tulong at laking panghihinayang niya sa oras na kaniyang ginugol dahil kalahating kilong bigas lamang ang pinapamigay dito.

Nang malaman niya iyon, agad na siyang nagdesisyong umuwi. Ika niya, “Aanuhin namin ‘yang kalahating kilong bigas mo? Kulang pa sa amin ‘yan!”

Kaya ganoon niya na lamang pinigil ang kaniyang kumare nang makita niya itong pipila. Ngunit ayaw magpapigil nito dahilan upang hayaan niya na lamang ito.

Narinig niyang nagbubunganga ang iba niyang mga kapitbahay dahil sa kaunting tulong na pimapamigay kaya siya’y nakikisawsaw din.

“Nakakainis nga ‘yang nagpapamigay na ‘yan, ni hindi niya man lang ba naisip kung kakasya yung ibibigay niya sa isang pamilya? Kalahating kilong bigas, saan aabot ‘yon!” sigaw niya sa harapan ng kaniyang bahay, ginatungan naman siya ng mga narinig na pawang nanggagalaiti rin sa galit.

“Mabuti pa nga ‘yong simbahan, eh, ano? May mga de lata na, tatlong kilong bigas pa ang binigay! Eh, ‘yang ginang na ‘yan na kung pumorma’y kala mo kung sinong mayaman, kalahating kilong bigas ang ibibigay? Nakakatawa!” segunda pa ng isa niyang kapitbahay.

“Sinabi mo pa!” sagot niya saka sila naghalakhakan.

Nagkayayaan na silang bumalik sa pag-aayos ng kani-kanilang bahay ngunit mayamaya, bigla niya na lamang narinig na nagsisisigaw ang kumare niyang si Rosa.

“Naku, mukhang nagalit na rin ang kumare ko,” ika niya saka lumabas ng tagpi-tagpi niyang bahay.

Nakita niyang tumatakbo ito papalapit sa kaniya habang mangiyakngiyak, bitbit-bitbit ang kalahating kilong bigas.

“Mila, nandoon ka na bakit hindi mo pa kinuha ang ayudang ito?” mangiyakngiyak nitong sambit, “Tignan mo, may nakatagong sampung libong piso sa kalahating kilong bigas na ito!” ika nito dahilan upang bahagya siyang matameme, “Sinadya pala ng ginang na iyon na ganitong bigas lang ang ipamigay para raw makita niya kung sino talaga ang dapat bigyan at nangangailangan, grabe!” dagdag pa nito na labis niyang ikinalumo.

Narinig din ito ng kanilang mga kapitbahay dahilan upang mag-unahan ang mga itong pumila muli. Nakitakbo na rin siya sa pagbabakasakaling makakuha rin ng malaking pera ngunit agad nang umalis ang ginang na iyon nang makitang dudumugin na siya ng tao.

“Sana pala pinagtiisan ko na ang init kanina, sana nakuntento ako sa kalahating kilong bigas na ibibigay niya,” bulong ni Mila sa sarili sa labis na panghihinayang.

Simula noon, natuto na siyang maging masaya sa kung ano mang ibigay sa kanila ng ibang tao. Naisip-isip niya ring, “Wala naman talaga kaming karapatang magreklamo kasi nga, kami na ang tinutulungan. Dapat maging masaya na kami kahit kaunti o marami man ang ibigay sa amin.”

Hindi nagtagal, muling nakabangon ang kanilang barangay sa tulong na rin ng mabubuting loob. Muli siyang bumalik sa kaniyang trabaho habang muli namang bumalik sa pag-aaral ang kaniyang mga anak.

Kapag talaga naunahan ka ng kagustuhan mong makakuha ng malaki, mauubusan ka. Ngunit kapag ninais mong makakuha ng sapat lamang sa’yo, pagpapalain ka.

Advertisement