Ayaw Palapitin ng Ginang ang Kaniyang Anak sa Isang Pulubi, Ito Pala ang Makakatulong Dito
“Ate, akin na lang po ‘yang tira ninyong pagkain, ang sakit sakit na po kasi ng tiyan ko,” daing ng isang pulubi saka tinuro ang tira nilang ulam habang pisil-pisil ang kaniyang tiyan.
“Ay, naku, nakita mong kumakain pa kami, ‘di ba? Doon ka sa nanay mo manghingi! Sige na, alis na!” bulyaw ni Corr sa naturang pulubi, umalis naman ito kaagad dahil sa kaniyang pagsigaw, isang araw bago pumasok ang kaniyang anak.
“Mommy, bakit hindi niyo na lang po ibigay itong tira nating pagkain doon sa bata? Kawawa naman po, hindi na naman po natin ‘to kakainin, eh,” pang-uusisa ng kaniyang bunsong anak na si Elmira habang nakatitig sa tira nilang pagkain.
“Kapag sila naumpisahan mong bigyan, palagi na ‘yang hihingi sa’yo. Kaya kapag nakita mo ulit yung pulubing ‘yon, huwag na huwag mong bibigyan, ha? Kapag lumapit sa’yo, umiwas ka agad. Baka may sakit pa ‘yon, mahawa ka, sige ka,” panakot niya sa kaniyang anak habang inaayusan ito ng buhok.
“Opo, mommy,” matipid na sagot nito.
“Halika na, mahuhuli ka na sa klase mo,” yaya niya sa kaniyang anak saka na niya ito hinatid sa paaralan.
Dahil nga nasa ibang bansa ang asawa, si Corr ang siyang nag-aalaga sa kaniyang tatlong anak. Maswerte na nga siyang pawang may mga edad na ang kaniyang dalawang anak at tanging ang kaniyang bunso na lamang ang kaniyang inaasikaso.
Nasa ikalawang taon na sa elementarya ang kaniyang anak dahilan upang labis niya itong tutukan sa pag-aaral. Hatid-sundo niya ito sa paaralan at kung minsang hindi siya nakakaluto ng pagkain dahil sa pagmamadali, sa mga kainan malapit sa paaralan na lamang niya pinapakain ang anak.
Noong araw na ‘yon, sa isang kainan sa tabi ng paaralan sila kumain ng kaniyang anak. Patapos na sana silang kumain nang biglang may lumapit na pulubi sa kanila dahilan upang pangaralan niya ang anak na huwag lalapit at bibigyan ang mga pulubing tulad ng batang iyon.
Nagawa niya ngang maihatid sa mismong silid aralan ang kaniyang anak. Nakita niya kung gaano ito kasaya habang nakikihalubilo sa mga kamag-aral. Maya-maya pa, nang mapansin niyang mag-aalauna na ng hapon, napagdesisyunan na niyang umuwi para naman magluto ng pagkain ng kaniyang dalawang anak na nasa kolehiyo na.
Matagumpay niya ngang nailuto ng ulam ang kaniyang mga anak ngunit biglang nagsidatingan ang mga kamag-aral nito pagsapit ng alas kwatro ng hapon dahilan upang mawili siya kakaasikaso sa mga ito.
“Mama, mag-aalas sais na po ng gabi, hindi niyo po ba susunduin si Elmira?” paalala sa kaniya ng kaniyang panganay na anak.
“Ay, Diyos ko! Nawala sa isip ko! Saglit, d’yan muna kayo!” natatarantang sambit saka siya nagmadaling pumunta sa paaralan ng anak.
Ngunit pagdating niya sa paaralan nito, wala na ni isang estudyante ang nando’n. Agad niyang tinanong ang guwardiya kung napansin ang kaniyang anak. Ika nito, “Naku, kanina pa lumabas,” na talaga nga namang nagpakaba sa kaniya.
Mangiyakngiyak siyang naglakad-lakad sa paligid ng naturang paaralan sa pagbabakasakaling baka andoon ang anak. Tinanong-tanong niya rin ang mga namamasada ng pedicab doon kung may nakitang batang naglalakad mag-isa, ngunit lagi sagot sa kaniya, “Wala, eh,” na labis niyang ikinabahala.
Dahil nga hindi na niya mahagilap ang anak at mag-aalas siyete na ng gabi, napagdesisyunan na niyang humingi ng tulong sa mga pulis.
Ngunit papasok pa lamang siya sa istasyon ng mga pulis, bigla siyang nakatanggap ng tawag mula sa kaniyang anak at binalitang nakauwi na ang kaniyang anak.
Tila nabunutan siya ng tinik noong mga oras na iyon at agad na umuwi sa kanila. Dali-dali niyang niyakap si Elmira nang makita niya itong naglalaro sa kanilang sala.
“Bakit hindi mo hinintay si mommy, anak? Paano ka nakauwi? Ang galing mo naman!” mangiyakngiyak niyang sambit habang yakap-yakap ang anak.
“Sinamahan po ako no’ng pulubing nanghihingi sa atin ng pagkain,” nakangiting sambit nito, “Ang bait niya nga po, eh, noong una po kasi hindi namin alam kung saan pupunta, eh, gutom na gutom na po ako, alam niyo po ba binili niya pa ako ng tinapay kahit na limang piso na lang ang pera niya,” kwento pa ng kaniyang anak na labis niyang ikinagulat, “Hindi po masama lahat ng pulubi, mommy,” dagdag pa nito, wala siyang masabi dahil bigla siyang nakonsensya sa kaniyang ginawang paninira sa mga batang kalye.
Ninais niyang magpasalamat at makabawi sa naturang batang kalyeng iyon. Kaya naman, nagpatulong siya sa kaniyang anak upang mahanap ang pulubing iyon.
Binigyan nila ito ng makakain at simula noon, nagpasiya na siyang pakainin ang anak sa tabi ng paaralan kasabay ang pulubing iyon na may mabuting puso.
Ibinalita niya sa kaniyang asawa ang pangyayaring iyon at doon nila napagdesisyunang ampunin ang pulubing iyon. Pinag-aral din nila ito kapalit ng pagbabantay sa kanilang anak habang sila’y nasa paaralan.
Madali para sa ating husgahan ang mga batang kalye, ngunit lagi nating isaisip, katulad ng ibang bata, may kabutihan din sa kanilang puso at kinakailangang maalagaan.