
Isang Matanda ang Tinulungan Niya Isang Gabi; Ngunit Kapahamakan Pa Yata Ang Dala Nito
Maingat na pinunasan ni Maysie ang kaniyang gasgas na sapatos bago lumabas ng bahay. Mabilis niyang binaybay ang daan patungo sa kaniyang eskwelahan.
“Naku, malamang mapapagalitan na naman ako ni Ma’am Rose. Late na naman ako,” bulong ng dalagita habang lakad takbo papunta sa kanilang classroom.
Kagaya nang kaniyang inaasahan, nagsisimula na ang diskusyon ang dumating siya. Agarang naagaw ng kaniyang pagdating ang atensiyon ng kaniyang mga kaklase ang ng guro na kasalukuyang nagsusulat sa blackboard.
“Maysie, ano na namang dahilan mo ngayon? Nag-alaga ka na naman ng lola mo na may sakit?” Taas kilay na tanong ng kanilang masungit na gurong si Ma’am Rose.
Kiming napatungo si Maysie bago nagsalita. “S-sorry ma’am… nagtinda pa po ako ng diyaryo bago ako nakapasok para may maiwan akong pambili ng pagkain ng Lola Diling ko.”
Narinig niya ang mahinang bulung bulungan ng kaniyang mga kaklase. May iilang mukhang nakikisimpatiya, may iilan na walang pakialam, may iilan na tumatawa na tila hindi naniniwala sa sinasabi niya.
Narinig niya ang malalim na buntong hininga ng kanilang guro. Maya-maya ay nagsalita. “Pumasok ka na. Ayoko ng araw araw kang tanghali pumasok. Kung hindi mababago ‘yan ay kakailanganin kitang alisin sa klase ko.” Nakasimangot na banta ng guro bago bumalik sa pagsusulat sa blackboard.
“Pasensiya na po, ma’am,” malungkot na wika ni Maysie bago pumunta sa kaniyang upuan.
Mabilis na lumipas ang umagang iyon. Sumapit ang tanghalian, ang parte ng araw na pinaka-aayaw ni Maysie.
Kani-kaniyang labasan ng baon ang kaniyang mga kaklase. Masayang nagtipon-tipon ang magkakabarkada. Masayang nagku-kwentuhan, kumakain, at nagtatawanan.
Malungkot na minasdan ni Maysie ang paligid habang kumakalam ang kaniyang sikmura. Ang huling kain pa kasi na ginawa niya ay noong nagdaang gabi.
Kinailangan kasi niyang ibili ng gamot ang kaniyang lola. Tumaas na naman ang presyon nito at baka kailanganin nito magpa-ospital kung hindi ito makakainom ng gamot.
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Maysie bago matamlay na yumukyok sa kaniyang lamesa upang palipasin ang oras at ang kaniyang gutom.
Nang hapong iyon, dumiretso si Maysie sa karinderya. Hindi upang kumain, kundi para magtrabaho. Tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes kasi ume-ekstra siya bilang tagahugas ng plato sa karinderya ni Aling Lumen.
Pagod at gutom man ay di alintana ni Maysie dahil alam niya na wala silang kakainin ng kaniyang lola kung iindahin niya ang pagod.
Sa edad na labing lima ay talaga namang kaawa-awa ang kalagayan ni Maysie. Ngunit wala siyang magagawa. Hindi niya naman maaring abandonahin ang lola niya na kumupkop sa kaniya nang iwan siya ng kaniyang mga magulang.
“Salamat ho, Aling Lumen!” nakangiting wika ni Maysie sa kaniyang amo nang ibigay nito sa kaniya ang sweldo niya nang araw na iyon.
“Sigurado ka ba na ayaw mo munang kumain bago ka umuwi, Maysie?” Tanong ng babae.
‘Hindi na po, salamat na lang po, kailangan ko na din po umuwi dahil walang kasama si lola sa bahay,” magalang na pagtanggi ni Maysie.
“O siya, mag-iingat ka sa pag-uwi mo, hija.” Paalam nito.
Habang naglalakad pauwi ay isang matandang lalaki ang namataan niya na nangangalkal ng basura.
“‘Tay, ano ho’ng hinahanap niyo diyan? May nawawala ho ba sa gamit niyo?” Usisa niya sa matanda.
“Naku, hija, hindi, naghahanap lang ako ng makakain kasi gutom na gutom na ako, nung isang araw pa ang huling kain ko,” sagot ng matanda. Napansin pa ni Maysie ang panginginig ng kamay nito, marahil ay dahil sa gutom.
Agad na napuno ng awa ang puso ni Maysie. Alam kasi niya ang pakiramdam nang magutom at alam niya din ang pakiramdam ng walang nais tumulong sa oras ng pangangailangan.
Higit sa lahat, tinuruan siya ng kaniyang lola na hindi kailanman magdamot ng tulong.
Hindi na nagpatumpik tumpik pa si Maysie. “Tara ho, ibibili ko kayo ng pagkain,” aya niya sa matanda.
Napuno ng tuwa ang puso ni Maysie nang makita niya ang pagliliwanag ng mukha ng matanda sa kaniyang sinabi.
Ibinili niya ng tinapay at inumin ang matanda. Habang kumakain ay nakipag-kwentuhan pa siya dito.
Nasa kasarapan sila nang kwentuhan nang huminto ang isang itim na van.
Kumabog nang malakas ang dibdib ni Maysie. Pasimple niyang hinawakan ang kamay ng matanda habang naghahanda sa pagkaripas ng takbo.
Akmang tatayo na si Maysie nang hablutin siya ng matanda, dahilan upang muli siyang mapaupo sa tabi ng kalsada.
Naguguluhang napatingin si Maysie sa matanda. “‘Tay, tumakbo na tayo, baka kunin tayo ng itim na van na ‘yan! Tara na!”
Sa gulat niya ay natawa ang matanda, kaya naman lalong kinabahan si Maysie. Tila yata ipapahamak siya ng matandang tinulungan niya.
Saka naman nagsilabasan ang mga tao sa labas ng van. Pawang naka-itim ang mga ito, at ay kani-kaniyang hawak na kung ano, na sa tingin niya ay baril.
Napaluha naman si Maysie, iniisip ang kaniyang lola na maiiwan niya kung sakaling mapapahamak siya sa gabing iyon.
Ngunit imbes na dahas, nagulat si Maysie nang makarinig siya ng palakpakan. Nang imulat niya ang mata, nakita niya ang mga taong naka-itim na nagpapalakpakan. Imbes na baril, camera pala ang hawak ng mga ito!
Gulong-gulo naman si Maysie, kumibot ang bibig at gustong magtanong. Noon naman nagsalita ang matanda na katabi niya.
“Maraming salamat sa mabuti mong kalooban, hija!” Nakangiti ito. Malinis na din ang mukha ng matanda, malaki ang kaibahan sa matandang marusing na tinulungan niya.
“Kami ay isang grupo ng vloggers na nagsasagawa ng eksperimento. Gusto lang namin makita kung mayroon bang taong tutulong sa isang matandang kagaya ko na madusing at nangangalkal ng basura. Ikaw lang ang kaisa-isang nagbigay atensiyon sa akin, hija.”
“Naku, wala ho iyon… Masaya po akong makatulong.” Nahihiya namang sagot ni Maysie.
“Bilang gantimpala, ikaw naman ang aming tutulungan,” wika ng isa sa mga babaeng naka-itim.
Malaking tulong ang natanggap ni Maysie at ng kaniyang lola, lalo pa’t bumuhos ang papuri kay Maysie nang mapanood ng mga tao ang video ng pagtulong niya sa matanda.
Sa tulong ng maraming tao, naipagamot ni Maysie ang kaniyang lola at nakapagtayo sila ng maliit na negosyo na maari nilang pagkuhanan ng pang araw araw na pangangailangan. Mayroon pang isang kompanya na binigyan siya ng scholarship hanggang sa makapagtapos siya sa kolehiyo.
Hindi na kinailangan pang magtrabaho ni Maysie upang mabuhay sila ng kaniyang lola.
Sa araw ng pagtatapos, bilang isa sa mga bibigyan ng parangal, isang talumpati ang inihanda ni Maysie na mayroong espesyal na mensahe.
“Sana ay hindi tayo mapagod tumulong sa mga nangangailangan, salat man tayo o sagana. Lahat ng kabutihan na ginagawa natin ay hindi nasasayang, dahil ibabalik iyon ng langit nang sobra-sobra pa.”
Sumabog ang malakas na palakpakan. Napangiti naman si Maysie habang nakatingin kaniyang lola na alam na alam niyang proud na proud sa kaniya.