Inday TrendingInday Trending
Kaibigan, Kaagaw

Kaibigan, Kaagaw

Payak ang pamumuhay ng mag-asawang Gener at Rosalinda. Pangingisda ang kinabubuhay ng mister ni Rosalinda habang siya ay naiiwan sa bahay upang mag-asikaso ng ititinda habang nasa laot muli ang asawa. Minsan ay ilang araw pa bago makabalik si Gener kasama ang mga iba pa ring mangingisda sa kanilang lugar. Sanay na sa ganitong pamumuhay ang dalawa. Ang mahalaga ay makaipon sila ng sapat na salapi upang tuluyan nang makapagpatingin ang misis dahil matagal na nilang inaasam ang magkaroon ng anak.

Isang araw habang nasa laot ang mister ay dumating ang kaibigan ni Rosalinda na si Amanda. Galing itong Maynila. Laking gulat ni Rosalinda ng makita niya sa tapat ng kubo ang matalik na kaibigan.

“Anong ginagawa mo rito, Amanda?” laking tuwa ni Rosalinda. “Kumusta ka na? Tara sa loob at magmiryenda tayo,” paanyaya niya.

“Pasensya ka na, Rosalinda, kung naabala kita. Wala na kasi akong mapuntahan,” wika ng ginang.

“A-anong ibig mong sabihin?” pagtataka ni Rosalinda.

“Nakipaghiwalay na kasi ako sa aking mister. Umalis na ako sa amin. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Dito lang ang naisip ko na hindi niya ako masusundan. Patawad, Rosalinda, pero pansamantala lamang ito. Pangako ko sa’yo maghahanap agad ako ng ibang matutuluyan. Pero sa ngayon, parang awa mo na payagan mo muna akong pumarito,” pagsamo ni Amanda.

“Walang problema sa akin, Amanda. Ano pa’t matalik kitang kaibigan. Tamang-tama lamang ang dating mo. Bukas ay dating ng asawa ko. Madalas ay wala akong kasama dito sa bahay. Saka marami tayong pwedeng pagkwentuhan!” nagagalak niyang pagpaptuloy sa kaibigan.

Tuluyan na ngang doon muna pumalagi si Amanda. Wala silang tigil sa pagkukwentuhan dahil na rin sa tagal ng kanilang hindi pagkikita. Naikwento rin ni Amanda kung paano siya pagbuhatan ng kamay ng kaniyang asawa kaya mas minabuti niyang iwanan na lamang ito.

“Lulong sa masamang bisyo ang asawa ko. Sugal, alak, dr*ga, babae, paulit-ulit na lang! Tapos kapag wala nang mabunot, ako ang haharapin. Ako ang sasaktan. Hindi ko na makakaya,” sambit ni Amanda.

“Maswerte ka na ang asawa mo, matino at napakikinabangan. Nagtatrabaho siya para sa inyong dalawa,” dagdag pa niya.

“Oo nga. Nahihiya na nga rin ako sa kaniya kasi hanggang ngayon ay hindi ko pa rin siya mabigyan ng anak. Alam kong gustong-gusto na niya magkaroon ng bata dito sa bahay namin. Nawa ay loobin ng Diyos na bigyan kami ng anak agad,” kwento ni Rosalinda.

“Hindi na ako makapaghintay na maipakilala kita kay Gener. Tiyak magiging masaya ‘yun sapagkat hindi na siya mag-aalala sa tuwing papalaot siya at ako nama’y naiiwan dito na walang kasama,” dagdag pa ng ginang.

Kinabukasan, madaling araw pa lamang ay dumating na si Gener mula sa pangingisda. Masaya siyang sinalubong ng kaniyang asawa.

“Kahit na tatlong araw lang ako nawala, mahal, parang kay tagal. Miss na miss na kita,” sambit ni Gener sabay yakap kay Rosalinda.

“Maging ako man, mahal. Tara na sa bahay para makakain ka. Saka may ipapakita pala ako sa’yo,” nasasabik na wika ng misis niya.

“Mahal, ito nga pala si Amanda, ang kaibigan ko mula Maynila. Dito muna sana siya titira ng panandalian habang naghahanap siya ng kaniyang matutuluyan. Naghiwalay kasi silang mag-asawa. Ayos lang naman sa iyo hindi ba?” tanong ni Rosalinda.

“Aba’y syempre naman, mahal. Mas mabuti nga iyon at may makakasama ka na,” tugon ni Gener.

“Pwede bang mamaya na tayo mag-agahan mahal? Miss na miss na kasi kita. Baka pwedeng masolo muna kita sa kwarto,” natatawang bulong ni Gener.

“Ikaw talaga, puro ka biro. Tara na at ipagtitimpla kita ng kape,” wika ni Rosalinda.

“Hindi ko matatanggihan ‘yan. Ang asawa ko yata ang may pinakamasarap na timpla ng kape sa buong mundo,” saad ni Gener habang patuloy sa pagyakap sa asawa.

Hindi naman maiwasan ni Amanda na makaramdam ng inggit sa tuwing makikita niya ang paglalambingan ng dalawa. Kahit na kasi simple ang buhay nilang mag-asawa ay masaya pa rin silang nagsasama. Responsableng asawa si Gener kay Rosalinda. At natitiyak ng bawat isa na nagmamahalan sila. Kita ito sa kanilang yapos, ngiti at titigan. Hindi maiwasan ni Amanda na maghangad din ng isang tulad ni Gener.

Isang araw ay nagtungo sa palengke si Rosalinda upang magbenta ng kanilang tindang isda. Si Amanda naman ay naiwan sa bahay sapagkat idinadaing niya ang pananakit ng kaniyang ulo. Tama namang umuwi ng hindi inaasahan si Gener mula sa laot.

“Mahal, nandito na ako,” tawag ni Gener.

“Wala si Rosalinda. Nasa bayan upang magtinda. Hindi ko na siya nasamahan kasi sumasakit ang ulo ko kanina,” paliwanag ni Amanda.

“Ganoon ba? Sige, magpahinga ka na lang muna d’yan at magtutungo muna ako sa bayan. Magpapalit lamang ako ng damit sandali,” saad ng ginoo.

Habang nagpapalit ng damit ay laking gulat ni Gener nang pasukin siya ni Amanda sa silid nilang mag-asawa. Unti-unti siya nitong inakit at akmang hahalikan.

“Anong ginagawa mo?” pagkabigla ni Gener.

“Kaya kong punan ang pagkukulang ng asawa mo. Mas maganda ang katawan ko kaysa sa kanya at ‘di hamak na maalindog. Kaya kitang bigyan ng anak, Gener! Mas magaling ako kaysa sa asawa mo,” sambit ni Amanda habang patuloy sa paghalik sa katawan at paghuhubad ng damit ni Gener kahit todo iwas na ang ginoo.

Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakauwi na rin si Rosalinda at naabutan niya ang dalawa sa ganitong sitwasyon. Hindi maiwasan ng ginang ang maiyak ng makita niya na ang asawa niya at ang matalik na kaibigan ay pinagtataksilan siya. Magpapakita na sana siya sa dalawa ng biglang galit na sumigaw si Gener.

“Tumigil ka, Amanda!” pagtulak ni Gener sa babae.

“Anong klase kang kaibigan. Pinatuloy ka dito ng aking asawa tapos ganyan ang igaganti mo? Bigla akong naawa sa asawa ko sapagkat nagpatuloy siya ng ahas sa aming pamamahay. Sa tingin ko ay dapat ka nang lumisan bago ka pa abutan ng asawa ko. Hindi ako makakapayag na isang kagaya mo lamang ang sisira sa aming relasyon. Wala akong nakikitang pagkukulang sa asawa ko. Mahal ko siya at ganoon din siya sa akin,” wika ni Gener.

“Umalis ka na bago pa kita kaladkarin palabas. Hindi ang tulad mo ang nais kong maging kaibigan ng asawa ko,” giit ng ginoo.

Biglang nag-iba ang damdamin ni Rosalinda. Napalitan ng galak ang kaniyang nararamdaman sa asawa dahil sa kaniyang narinig mula dito. Napangibabawan nito ang poot na nararamdaman niya sa matalik na kaibigan. Nagulat sina Gener at Amanda nang makita si Rosalinda sa pintuan ng silid.

“Tinangka akong pagsamantalahan ng asawa mo, Rosalinda. Hindi ko alam kung bakit niya nakuhang gawin ito,” sambit ni Amanda.

“Tama na, Amanda! Nakita at narinig ko ang lahat. Nalulungkot ako at ganito ang isinukli mo sa aming mag-asawa. Parang awa mo na, lumayas ka na sa pamamahay namin bago pa ako may gawin sa’yong hindi maganda,” wika ni Rosalinda.

Agad tumakbo si Amanda na pahiyang-pahiya palabas ng silid at kinuha ang mga gamit niya at tuluyan nang nilisan ang bahay ng mag-asawa.

Isang mahigpit na yakap naman ang naisukli ni Rosalinda sa asawa dahil sa ginawa nito.

“Salamat at hindi ka nagpagapi sa tukso, mahal. Mahal na mahal kita at ipinagmamalaki kong ikaw ang asawa ko,” sambit ni Rosalinda habang nangingilid ang luha.

“Mahal kita, Rosalinda. Tandaan mo ‘yan. Hindi dahil sa taglay mong kagandahan o sa kinis ng iyong balat o ‘di kaya naman ay sa ganda ng iyong katawan. Buong pagkatao mo ang nakapagpahulog sa akin sa iyo. Walang kahit sino o ano ang pwedeng magpabago ng pagmamahal ko sa’yo. Ikaw ang bumubuo sa buhay ko. At ikaw lamang ang babaeng gusto kong makasama habang buhay… Wala nang iba pa,” sambit ni Gener sabay halik sa asawa.

Isang taon ang nakalipas at naibaon na sa limot ang pangyayaring iyon. Hindi naglaon ay biniyayaan ang mag-asawa ng dalawang malulusog na mga anak. Payak man ang pamumuhay nila ay patuloy silang nagsama ng tapat at maligaya.

Advertisement