
Sakit lang ‘Yan!
“Ito na nga bang sinasabi ko. Hindi talaga ako nagkakamali, matutulad na tayo sa China! Bumili na kayo ng mga kailangan niyong bilhin dahil magla-lockdown na sa linggo!” naiinis na sinabi ni Aling Beth sa telepono habang kausap ang mga anak niya sa video call.
“Si Dennis na ang pabilhin niyo, tutal wala naman ‘yang ginagawa riyan,” sagot naman ni Thea, panganay ng ale.
“Asahan ko pa ba ‘yung pinsan niyong ‘yun? Diyos ko, nasa kanto ngayon, nakikipag-inuman na naman,” saad ni Aling Beth.
“Ayan ang dapat niyo nang pagsabihan. Dapat matuto muna siyang pumirmi riyan sa atin lalo na ngayong may lockdown. Kamo ay magbawas naman siya ng sakit sa ulo,” wika naman ni Rico, isa pang anak ni Aling Beth.
“Hayaan niyo, pagsasabihan ko. Siya, basta umuwi na kayo kaagad pagkatapos ng trabaho. Huwag na munang gumimik!” bilin ng ale bago matapos ang kanilang pag-uusap.
Dahil sa pagkalat ng sakit na COVID-19 ay napagpasiyahan nga gobyerno na mag-anunsyo ng community quarantine kung saan suspendido ang klase, biyahe at trabaho. Lahat ng tao ay sadyang nagpapanic sa pangyayaring ito, katulad ng simpleng pamilya nila Aling Beth.
“Dennis, tigil-tigilan mo muna ‘yang paglalabas at pag-iinom mo, ha? Nakakatakot ngayon sa labas! Diyos ko, ‘wag ka nang dumagdag pa sa sakit ng ulo ko,” salubong sa kaniya ni Aling Beth.
“Tita, sakit lang ‘yan, si Dennis ‘to. ‘Wag na kayo masyadong OA, kasi matatapos din ‘yan. Pakitang tao lang ng gobyerno ‘yan. Pagkatapos ng isang linggo ay tatapusin din nila ‘yan,” paliwanag ni Dennis. Halatang lasing na ito dahil sa kaniyang pananalita.
“Hindi ka ba nanunuod ng balita? Marami na ang pumapanaw! Marami na ang nagkakasakit, ‘wag ka munang lumabas para mas sigurado tayo. Tsaka bawal na lumabas ngayon, huhulihin,” baling ni Aling Beth sa kaniya.
Hindi na pinansin ng binata ang kaniyang tiyahin at tinatawanan na lamang ito. Maging ang mga balita tungkol sa COVID-19 ay hindi rin niya sinerseryoso. Kahit na pinagbabawalan na ang paglabas ng bahay ay parang walang pinagbago sa araw-araw na pamumuhay ni Dennis. Patuloy lang ito sa pagtambay at pag-inom. Balewala sa binata ang sinasabing curfew at paghuli dahil dikit naman siya sa kagawad ng kanilang lugar.
“Dennis, ilang araw ka na bang inuubo? Mukhang hindi maganda ang tunog ng ubo mo,” wika ni Aling Beth sa kaniya nang mapansin ng ale ang patagong pag-ubo ng binata.
“Wala ‘to, tita. Hamog lang ‘to kagabi tsaka pangit kasi ang panahon. Init tapos lamig,” paliwanag ni Dennis sabay ubo ng malalim.
“Baka COVID-19 na ‘yan! Dalhin niyo na ‘yan sa ospital!” sigaw ni Rico.
Hindi na nagsalita pa si Dennis at nagkulong na lang ito sa kwarto niya. Habang si Aling Beth naman ay hindi mapalagay kaya nagpunta na siya ng kanilang barangay para ipagbigay alam ang kalagayan ni Dennis.
Dinala kaagad si Dennis sa ospital dahil sa ubo nito, dalawang araw na rin palang nilalagnat ang lalaki. Doon nga nalaman na positive ang binata at ang mas malala pa ay nahawaan na rin pala niya ang kaniyang tiyahin na ngayon ay person under investigation.
“Tita, patawarin niyo ako,” umiiyak na saad ni Dennis sa kaniyang sarili. Simula nang pumanaw ang mga magulang niya ay ang tiyahin na niya ang nag-alaga sa kaniya. Aminado siyang kakaunti lamang ang pakinabang niya sa pamilya nang kaniyang tiyahin ngunut hindi niya inaasahan na siya pa mismo ang magdadala ng mas malalang sakuna sa buhay nilang lahat.
Dali-dali niyang kinuha ang kaniyang telepono at nagpost siya sa social media patungkol sa pagbibiro niya sa sakit ng COVID-19 at pagsasawalang bahala sa panuntunin na binigay ng gobyerno.
“Akala ko, joke time lang ang COVID-19 at hindi ako mahahawaan. Pero ito ako ngayon, nakikipaglaban at nakahawa pa sa mga taong mahal ko sa buhay. Patawarin niyo po ako. Patawarin ako ng Diyos. Hiling ko lang ay ang gumaling ngayon. Kaya sa inyo, stay safe, stay at home. Huwag kayong gumaya sa akin,” wika ng binata sa kaniyang Facebook post.
Ngayon niya napagtanto ang lahat na walang masama kung makikinig din siya paminsan-minsan. Kaya walang humpay ang dasal ni Dennis at paghingi niya ng patawad sa kaniyang tiyahin.
Awa ng Diyos, makalipas ang dalawang linggo ay pinalabas na si Aling Beth dahil hindi na natuloy pa ang pag-develop ng sakit sa kaniyang katawan. Habang sa kabilang banda naman ay maganda ang pinapakita ng katawan ni Dennis at malaki ang tsansa na gumaling ito.
‘Wag na nating hintaying magaya sa nangyari kay Dennis bago sumunod sa mga alituntunin ng gobyerno patungkol sa community quarantine. Sa halip na tumambay sa labas, ilaan na lamang natin ang ating oras sa ating mga pamilya. Sa ganoong paraan, ligtas ka at ang buo mong pamilya, at nakatulong ka pa sa pagpapahinto ng paglaganap ng sakit.
Manatiling nasa bahay at malusog, mga kababayan! Kakayanin natin ang pagsubok na ito!