Walong taon nang magkasintahan sina Nicole at Miguel. Naging maganda naman ang takbo ng kanilang relasyon. Wala naging problema ang dalawa dahil matino at mapagmahal naman ang lalaki, ngunit sa paglipas ng panahon, may napansin siyang kakaiba sa kinikilos ng nobyo.
Ayaw man pagsimulan ng duda, ngunit ramdam na ramdam ni Nicole ang malaking pagbabago sa kaniyang boyfriend.
“Love, sigurado ka bang okay lang tayo? Wala ba talaga tayong problema?” pag-uusisa ng babae.
“Wala nga, love. Ano ba naman kasi ‘yang iniisip mo? Nako naman!” tila iritableng sagot naman ng lalaki.
“Baka pwedeng samahan mo naman ako sa mall ngayon? May mga damit at make up sana kasi akong gustong bilhin,” paglalambing ng dalaga sa nobyo.
“Sorry, love. ‘Di kasi ako pwede ngayon. Sa ibang araw na lang siguro,” pagtanggi naman ng lalaki.
Napahinga na lang nang malalim si Nicole. Labis na lungkot ang kaniyang nadarama kaya’t nagpasya siyang tumuloy na lang sa mall mag-isa.
Habang naglalakad-lakad ay may napansin siyang isang pamilyar na mukha. Akala niya’y namalik-mata lamang siya, ngunit hindi siya pwedeng magkamali. Kilalang-kilala niya iyon. Bahagya siyang lumapit upang kumpirmahin. Tama nga siya, nobyo niya ang kaniyang nakita.
Nakangiti siya lalapit sana, nang bigla makita niya na may kasama ‘tong iba, ang matalik na kaibigan niyang si Erika. Kumapit ang babae sa braso ng kaniyang nobyo at saka nagtawanan ang dalawa.
Natigilan saglit si Nicole, ngunit karapatan niyang malaman kung bakit magkasama at kanyang boyfriend at best friend ng hindi siya sinasabihan.
“Love! Best! Anong ginagawa niyo ritong dalawa?” pagbati ni Nicole na kunwari’y kalmado lamang.
“Ah, e, ano…” nauutal na sagot ng lalaki kasunod ng pagpatak ng malalaking pawis mula sa noo.
“Nagkasalubong lang kami ni Miguel dito. Kaya kinumusta ko lang muna,” dahilan naman ni Erika.
Napalunok at napatahimik na lamang si Nicole, dahil alam naman niya at bakas sa mukha ng dalawa na nagsisinungaling ang mga ito.
Walang kibo lamang ang dalaga sa kaniyang nobyo hanggang sa maihatid siya nito sa kanilang bahay.
“Love, may problema ba tayo? Gusto mo bang pag-usapan?” tanong ng lalaki.
“Wala. Salamat sa paghatid, umuwi ka na!” malamig na tugon lang ng babae at saka nagmadaling tumalikod sa kasintahan.
Ilang araw pa ang lumipas, tila ba lalong nanlamig ang pakikitungo ni Miguel kay Nicole. Ilang tawag at text sa telepono ang ‘di nasasagot. Madalas pang nagmamadali ang lalaki sa tuwing makakausap siya ng nobya at hindi maintindihan kung ano pa bang umuubos ng oras nito.
Hanggang isang araw, mayroong nakakabiglang tawag na natanggap si Nicole mula sa kaniyang isa pang kaibigan.
“Girl, alam mo ba kung nasaan si Miguel ngayon?” tanong ng kaibigan.
“Hindi e. ‘Di ko kasi nakakausap masyado lately. Bakit pala?” nag-aalalang tanong naman ni Nicole.
“Ay nako! Nakita namin na pumasok sa condo niya kasama si Erika! Mukhang may milagrong nagaganap na doon. Bilisan mo pumunta para mahuli mo!” eksahiradang sabi pa ng kaibigan.
Namula sa galit ang dalaga na tila ba kahit anong oras ay sasabog na lamang. Kinuha niya ang bag at agad na nagtungo sa condominium na pagmamay-ari ng nobyo.
Pagdating sa may lobby ng building, tiningnan niya ang log book at doon nakita ang pangalan ni Erika na nakasulat. Tunay ngang nagtungo doon ang kaniyang best friend kasama ang nobyo.
Halong kaba at galit ang nadarama ni Nicole habang nasa elevator pataas sa kwartong tinitirahan ni Miguel. Paano niya haharapin ang nobyo at matalik na kaibigan? Paano niya tatanggapin ang panlolokong ito sa kaniya?
Kinuha niya ang ekstrang susi na ibinigay noon ni Miguel. Huminga siya nang malalim at tahimik na binuksan ang pintuan. Nakasarado ang ilang mga ilaw at tanging ang dim light mula sa nakasaradong pintuan ng kwarto lamang ang nakikita niya.
Napalunok muna si Nicole ng isa. Hinanda na ang sarili sa posibleng makita at naghanda na rin para sa pag-iiskandalo. Mabilis niyang pinihit ang pintuan. Napatigil siya at nanlaki ang mga mata sa nakita. Kasunod ang pagbagsak ng mga luha.
“A-ano ‘to?” umiiyak na tanong ni Nicole habang nakatingin sa nobyo.
“Love…” tugon naman ni Miguel.
“Anong ibig sabihin nito?” tanong pang muli ng dalaga.
“I love you, Nicole…” nakangiting sabi ni Miguel habang nakaluhod at may dala-dalang singsing sa kamay.
Naroroon rin ang mga magulang ni Nicole, ibang mga kaibigan, magulang ni Miguel at kanilang mga kapa-kapatid.
“Sa walong taon na naging kasintahan kita, doon ko mas napatunayan na sa araw-araw, ikaw lamang ang gusto kong makasama habambuhay. Kaya, Nicole, love ko, gusto ko sanang hingin ang kamay mo at hawakan ito hanggang sa aking huling hininga. Will you marry me?” naluluhang tanong ng binata.
“Yes! I will marry you!” umiiyak sa tuwang sagot naman ng dalaga.
Nalaman ni Nicole na planado pala ang lahat. Sinadya ni Miguel na maging malamig ang pakikitungo sa nobya upang hindi ito magkaroon ng ideya para sa proposal na binabalak. Kinsabwat rin nito ang best friend ni Nicole upang maisakatuparan ang plano. Iyon pala ang rason kung bakit nahuli ang dalawa na magkasama sa mall.
Lumipas pa ang ilang buwan, tuluyan nga ikinasal sila Nicole at Miguel. Kanilang ipagdiriwang ang kanilang honeymoon sa Paris, France. Magmula noon, namuhay ang mag-asawa ng masaya at payapa.