
Labis na Pagtitiwala, Nauwi sa Wala!
“Kap, balita ko pinagkatiwala mo raw kay Celin yung bank account mo, ha?” pang-uusisa ng isang ginang.
“Oo, inabonohan ko muna yung mga kailangan sa barangay. Wala pa tayong pondo, eh. Hindi naman ako makapunta ng bangko dahil may meeting ako maya-maya kaya siya muna ang pinag-withdraw ko,” magiliw na sagot ni Kapitan Boyong sa residenteng ito.
“Naku, kap, sana mali ang balita ko kay Celin,” sambit nito saka bahagyang napakamot ng ulo.
“Bakit? Ano bang nabalitaan mo? Tiyak paninira na naman ‘yan tungkol sa kaniya. Malaki ang tiwala ko doon. Tatlong taon ko nang treasurer ‘yon dito sa barangay, hindi ako bibiguin noon,” tugon niya saka bahagyang ngumiti sa ginang.
“Sana nga, kap. Sige po, mauna na ako sa inyo, salamat po sa libreng gamot!” paalam nito saka tuluyan nang umalis. Naiwan naman siyang tila kinabahan, ngunit katulad ng dati, kinumbinsi niya ang sariling hindi sisirain ng taong ‘yon ang tiwala niya.
Halos isang dekada nang kapitan ng isang barangay si Boyong. Laking tuwa ng kaniyang mga residente simula noong siya na ang magpalakad. Bukod kasi sa palagi silang nangunguna sa mga proyekto, tila mga anak ang turing niya sa kaniyang mga nasasakupan.
Sa katunayan nga, lahat ng mga problema ng mga ito’y kaniyang pilit sinusolusyonan. Mapa-utang mang hindi mabayaran o away sa dumi ng aso, ginagawa niya ang lahat upang kapayapaa’y makamtan ng kanilang barangay.
Labis rin kung magtiwala ang naturang kapitan. Bukas ang bahay niya kung sino man ang gustong makikain o kahit makatulog. Ang tanging rason niya, “Sarili nila ang lolokohin nila kapag nagawa nilang magtaksil sa akin.”
Noong araw ring ‘yon, habang nasa isa siyang pagpupulong, nakatanggap siya ng isang tawag mula sa isa niyang mga kagawad na nagsasabing itinakbo raw ng kanilang treasurer ang lahat ng kaniyang pera sa bangko na labis niyang ikinahina.
Agad niyang pinatapos ang pagpupulong at nagpunta sa kanilang barangay. Nadatnan niya lahat ng kaniyang kagawad doon at tila lahat ay napupuno ng galit.
“Totoo ba ang natanggap kong balita? Sabihin niyong hindi! Baka naman nagkakamali lang kayo. Hindi magagawa sa akin ni Celin ‘yon! Alam niya kung gaano ako kabait sa pamilya niya at kung gaano rin ako kasamang magalit!” galit na sambit niya saka napaupo sa silya dahil sa panghihina.
“Kap, mag-aalas otso na po, wala pa rin si Celin. Sarado ang kanilang bahay at tila wala ng lamang gamit nang silipin namin sa bintana,” tugon ng isa niyang kagawad na hindi magawang makatingin sa kaniya bunsod ng pagkatakot. Unang beses lang kasi niyang sumigaw sa harap ng mga ito.
Nagdesisyon siyang ipakalat lahat ng kaniyang kagawad upang tulungan siyang matagpuan ang ginang. Malaking pera ang nasa kaniyang bank account na talaga nga namang dugo’t pawis ang kaniyang ipinuhunan para lamang maipon ‘yon dahilan upang ganoon na lamang ang kaniyang pagkainis.
Kinabukasan, maaga siyang kinatok ng kaniyang mga kagawad kasama ang ilang tanod at binalitang natagpuan na nila ang ginang sa probinsya nito sa Laguna. Agad siyang nagbihis at nagdesisyong sumama sa mga ito.
Pagkadating na pagkadating nila sa naturang bahay ng ginang sa probinsya, kitang-kita niya kung gaano karangya ang buhay ng ginang. Tila may pista pa nga pagdating nila dahil sa dami ng pagkaing nakalatag sa mahabang la mesang nasa tapat ng bahay nito at mga taong naghahagalpakan sa tuwa.
Ngunit masayang tanawing ito at napalitan ng katahimikan ng lumapit na sila dito. Tila nabato naman sa kinauupuan ang ginang na hinahanap nila. Agad itong lumapit sa kaniya saka nagmakaawang huwag gagawa ng eskandalo. Tumango-tango naman siya at sinabing, “Kilala mo ako, hindi ako ganoong klaseng tao. Saan tayo pwedeng mag-usap?”
Pinapasok siya sa loob ng bahay at doon siya iniyakan ng ginang.
“Pasensya ka na, kap. Baon na baon na ako sa utang sa ating barangay, eh. Tapos mapuputulan pa kami ng tubig at kuryente. Hindi ko naman po talaga nais na pagnakawan ka, pero noong hawak ko na ang malaking halagang pera, doon na ako tila binulungan ng masamang elemento dahilan upang itakbo ko ang pera mo,” paliwanag nito habang bumubuhos ang luha.
“Kaya naman kitang tulungan, eh, pero hindi kita kayang kunsintihin. Ibalik mo na lang sa akin ang natitirang pera, at makakaasa kang hindi na kita guguluhin,” sambit niya habang pigil pigil ang matinding emosyon. Doon na siyang nagdesisyong ipadampot ang ginang sa mga tanod at dalhin sa pulis. Ayaw niya mang gawin ito, ‘ika niya, “Masasanay ka mang-ab*uso ng tao kung hindi ka tuturuan ng leksyon.”
Mabigat man sa loob niya ang pasya, kinumbinsi niya na lamang ang sariling tama ang kaniyang desisyon at para rin iyon sa ikabubuti ng kaniyang mga nasasakupan. Naisip niya kung papalampasin niya ito, madadagdagan ang mga kaso ng pagnanakaw sa kanilang barangay.
Natuto na rin siyang hindi lubos na magtiwala sa tao dahil naranasan niyang kahit anong bait at tiwala ang kaniyang binigay, madidismaya at pagtataksilan pa rin talaga siya ng kaniyang mga pinagkakatiwalaan.
Sa mundong ito, mahirap na ang magtiwala kaya maging maingat ka kung sino ang iyong mga pagkakatiwalaan dahil maaari kang ilagay ng mga ito sa matinding peligro.