Ikaw ang Ama, Bes!

Isang gabi, tahimik na nanonood ang dalagang si Lorraine ng isang palabas sa telebisyon kasama ang kaniyang buong pamilya. Nagtatawanan, nagkukwentuhan, at nag-uusap-usap lamang sila. Nang bigla na lamang matigil ito dahil nakatanggap siya ng isang mensahe mula sa matalik na kaibigang si Gerald o sa gabi’y Geraldine ang ngalan.

Binabae ito ngunit hindi pa lantaran sa maraming tao lalo na sa kaniyang pamilya. Ang tanging nakakaalam lamang ay siya simula hayskul pa lamang sila.

“Ayoko nang mabuhay, sis! Tara, samahan mo ako,” mensahe nito kay Lorraine.

Katulad ng dati, agad naman niya itong pinuntahan upang damayan sa mga kadramahan nito sa buhay. Sa kadahilanang hindi nga kasi siya ladlad, patago pa rin ang mga karelasyon nitong mga lalaki kaya heto’t wasak na naman ang puso ni Gerald.

Nakita siya sa malayo ni Lorraine na nakaupo malapit sa apartment na tinitirhan nito. Malakas niya itong binatukan.

“Ano na namang problema mo diyan ha? Arte-arte mo gabing-gabi na!” pabirong sabi nito sa kaibigan.

“Bes… si Nikko kasi. Ayun, sumama na sa iba. Sa babae, bes!” pagda-drama nito kay Lorraine.

“Hay! Sabi ko kasi sa’yo magladlad ka na kung gusto mo! Kung ayaw mo, edi magpaka-lalaki ka na lang!” muling pabirong sabi ni Lorraine.

Advertisement

Nagtinginan ang dalawa at napatawa sa sinabi ni Lorraine. Niyaya naman nito si Gerald na uminom habang ikinukwento nito ang mga nangyari dito. Bumili sila ng alak at pagkain sa malapit na tindahan at saka pumunta sa apartment ni Gerald.

Tumagal ang pag-uusap ng dalawa at halos ‘di na namalayan ang oras. Umabot sila sa puntong halos hindi na makapagsalita’t makatayo nang ayos. Hanggang sa tuluyan na nga silang nawalan ng malay.

Kinabukasan, gumising si Gerald na sobrang sakit sa ulo. Pinilit niyang makaupo upang tumayo at kumuha ng tubig para naman maibsan ang sakit. Ngunit nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ang sariling walang saplot! Pilit naman niyang inaalala ang nangyari kagabi. Subalit paulit-ulit niyang sinasabing, “si Lorraine?! Aaah! Hindi! Hindi! Pero sino? Sino?!”

Nagising na lamang kasi siyang wala na roon ang kaibigan. Kaya naman, nagmadali siyang kontakin ang kaibigan ngunit nahirapan siyang pasagutin iyon. Hanggang sa wakas ay sumagot na iyon.

“He-hello? Lorraine?” wika niya.

“Oh bakit na naman?” tugon ng kaibigan sa kaniya.

“Kagabi… uhm. Kagabi! Ano’ng nangyari?” tanong niya muli sa kaibigan.

“Ano ba’ng nangyari? Mayroon ba? Sa akin wala naman, umuwi na lang din ako kaagad kagabi,” tugon nito sa kaniya.

Advertisement

Matapos makumpirmang walang nangyari sa pagitan nilang magkaibigan, nakahinga siya nang maluwag dahil malamang, nainitan lamang siya kaya niya hinubad ang mga saplot.

Dumaan ang ilang mga araw, ilang linggo, at halos dalawang buwan na. Ang kaniyang kaibigang si Lorraine ay hindi na nagpaparamdam sa kaniya. Ni mensahe o pagpaparamdam ay wala siyang natanggap. Dahil saliwa ang kanilang iskedyul sa trabaho, hindi niya iyon naaabutan kahit na puntahan niya sa bahay nito. Kung sabado’t linggo naman, palagi iyong wala raw doon.

Nalungkot nang maigi si Gerald. Pakiramdam niya, nawalan siya ng taong tunay na nagmamahal sa kaniya, pakiramdam niya, naiwanan na naman siyang muli. Ngunit kung ikukumpara sa kaniyang mga nabigong romansa, para sa kaniya ay ibang-iba ang pakiramdam noon dahil wala ang taong tumutulong sa kaniyang makabangong muli.

Hanggang isang araw na nakasalubong niya ang ama ng kaibigan pagdaan niya sa bahay ng mga ito. Hinarang siya noon pagkakita sa kaniya at itinaboy paalis. Hindi man niya maintindihan ang nangyayari ngunit alam niyang nasa loob ang kaniyang kaibigan.

Maya-maya pa’y lumabas ito dahil sa ingay na ginagawa niya sa labasan. Pilit siyang tinataboy nito ngunit iyon na ang kaniyang pagkakataon upang humingi ng tawad, o makipagbati na sa kaniyang kaibigan. Patuloy siya sa pag-hingi ng tawad kay Lorraine ngunit wala itong reaksyon. Pagkaraa’y napaluha na si Gerald dahil sa bigat ng loob.

“Ni hindi ko alam bakita ka nagkakaniyan, Lorraine! Ano ba ang nagawa ko? Ano’ng pagkukulang ko?” sunod-sunod niyang tanong ngunit ang sagot ng kaibigan ang siyang nagpatahimik sa kaniya.

Tumingin iyon ng direkta sa kaniyang mga mata. May luha ang mga mata at may bahid ng galit at lungkot.

“Kaya mo bang panindigan? Kaya mo bang maging ama sa batang dinadala ko?! Sa magiging anak natin?” halos idura ni Lorraine ang mga salita kay Gerald. Hindi makapaniwala ang binabaeng lalaki sa narinig. Halos hindi siya makatingin nang diretso sa kaibigan. Hindi niya akalaing mangyayari iyon sa kaniya at sa kaibigan.

Advertisement

“Oh, tingnan mo nga iyang reaksyon mo! Ni hindi ka nga makatingin nang diretso sa akin. Masisisi mo ba ako kung ayaw na kitang makita? Alam kong magkakaganiyan ka. Kaya huwag ka na ulit magpapakita sa akin. Kahit na kailan!” huling sambit ni Lorraine at madali na siyang umalis doon.

Naiwang nakatulala si Gerald sa kaniyang pwesto. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya mahinuha na nangyayari iyon sa kanila. Bumagsak na ang malalaking patak ng ulan at nagising siya sa kaniyang pag-iisip. Kahit na basang-basa ay hindi niya iyon inintindi. Patuloy lang siya sa paglalakad nang mabagal. Hindi alam ang gagawin o sasabihin sa kaniyang nagawa sa kaibigan.

Dumaan pa ang ilang mga araw ngunit gulong-gulo pa rin ang isip ni Gerald. Patuloy lamang siya sa pagbubukas ng mga lirato nila ni Lorraine na nasa kaniyang cellphone. Ngunit isang balita ang nagpatigil sa kaniya nito, kung saan nakaramdam siya ng takot. Ang kaibigang si Lorraine ay nasa ospital daw!

Walang anumang pasubali, agad siyang nagtungo doon at muling nakaharap ang ama’t ina ng kaibigan. Subalit ang mga iyon ay nakasimangot lamang sa kaniya.

“Maaari ko po bang makausap si Lorraine?” magalang niyang tanong sa mga ito.

Pumayag ang mga magulang ni Lorraine. Pagpasok niya sa silid ni Lorraine, lumapit siya rito ngunit umiiwas ng tingin sa kaniya ang kaibigan. Tinangka niyang hawakan ang kamay nito ngunit pumalag ito.

“Kumusta ka? Iyong baby, kumusta? Bakit kasi nagta-trabaho ka pa rin? Dapat magpahinga ka na lamang sa inyo,” marahang sabi niya sa kaibigan.

Napatingin sa kaniya ito nang may pagtataas ng kilay at luha sa mga mata.

Advertisement

“Bakit? Ano bang pakialam mo? Saka sabi ko hindi ba na ayaw na kitang makita? Umalis ka na, ngayon din! Alis na, please…” wika ni Lorraine habang patuloy na lumuluha.

“I’m so sorry, bes. Sorry, Lorraine. Naging mahina ako. Hindi naging malakas ang loob ko upang lunukin ang responsibilidad, ngunit hindi ko kayang lumaki ang magiging anak ko ng walang ama. Handa ako, Lorraine. Pati ang mahalin ka bilang isang babae ay isang bagay na susubukan ko,” determinadong tugon niya kay Lorraine habang lumuluha.

Parehas na nag-iyakan ang dalawa at nangakong magpapakatatag sa kanilang mga desisyon sa buhay at magiging matatag para sa kanilang isisilang na anak.