Inday TrendingInday Trending
Naniningil si Karma!

Naniningil si Karma!

“Yam, may extra pera ka pa ba d’yan?” malambing na tanong ni Denis sa kaniyang girlfriend na si Helen.

“Bakit yam, anong gagawin mo?” nakangiting balik tanong naman ni Helen.

“Kasi may gusto akong bilhin sa online shop. Ang ganda at mukhang babagay siya sa’kin. Kaso kulang ‘yong pera ko kaya baka pwedeng dagdagan mo,” nakalabing wika ni Denis.

Ngumiti si Helen saka nagsalita. “Sure, yam. Saan ba ‘yang nagugustuhan mo? Tingnan ko muna,” walang pag-aalinlangang wika ni Helen at agad namang ipinakita ni Denis ang sinasabi nito.

Tatlong taon nang magkasintahan si Denis at Helen. Maganda ang trabaho ni Helen at may malaki itong sweldo, ganun din naman si Denis, ngunit lagi itong kinakapos sa budget dahil sa mga luho nitong higit pa sa sinasahod niya.

Kaya sa t’wing kinakapos si Denis ay kay Helen agad ito tumatakbo at humihingi ng saklolo. Si Helen naman bilang mabuting nobya ay nakasuporta lamang siyang palagi sa ginagawa ni Denis.

“Yam, may pupuntahan ako ngayong weekend. Isang linggo din kaming mananatili doon, mas maigi na rin siguro ‘yon para makapagpahinga naman kami. Kasama sa team building ay bakasyon naman,” wika ni Denis.

“Ang tagal niyo naman doon, yam. Mamimiss kita niyan,” nakalabing wika ni Helen.

“Huwag ka nang malungkot, yam. Mabilis lang naman ang isang linggo,” malambing nitong wika sabay gawad ng halik sa labi ni Helen.

“Basta lagi mo akong tatawagan ah… gusto kong malaman kung ano-ano na ang ginagawa mo roon,” bilin ni Helen.

“Yes ma’am,” agad namang sang-ayon ni Denis.

Makalipas ang dalawang araw mula noong huling tawag ni Denis upang sabihin na nakarating na sila sa pagdarausan ng team building nila’y hindi na muling tumawag pa si Denis. Nakakaramdam na ng pag-aalala si Helen kung ano na ang nangyari sa kaniyang mahal na nobyo. Kaya nagpasya siyang puntahan ang lugar kung saan sinabi ni Denis.

Makalipas ang maraming oras ay narating rin ni Helen ang lugar na kaniyang sadya.

“Good morning ma’am. How can I help you?” nakangiting wika ng babaeng nakatayo sa front desk ng resort.

“Miss, itatanong ko lang kung saan naka-stay ang mga trabahante ng Asia Premier?” nakangiting tanong ni Helen.

Bigla namang napalis ang ngiti ng babae at muling itinanong ang sinabi niyang kumpanya. “I’m sorry ma’am, pero wala po kaming naka-stay na guest na galing sa Asia Premier,” wika ng babae.

“Pero sabi niya nandito daw sila,” pamimilit pa ni Helen. Hindi siya pwedeng magkamali. Ito ang sinabi ni Denis sa kaniya, kaya papaanong wala sila rito.

Bagsak ang dalawang balikat ni Helen nang lumabas siya sa information ng resort. Nagsinungaling ba sa kaniya si Denis? Pero bakit naman nito gagawin ang bagay na iyon?

Aalis na sana siya sa resort nang sa paglingon sa may kaliwa ay may nasagi ang kaniyang tingin. “Si Denis ‘yon ‘di ba?” tanong niya sa sarili.

Kahit nakatalikod ang lalaki ay hinding-hindi siya pwedeng magkamali na ito ang kaniyang nobyo. Lalapitan na sana niya ito nang agad ding natigilan… Lumapit ito sa isang seksing babae sabay gawad ng malalim na halik sabay akbay at nagngingitiang naglakad palibot ng resort.

Niloloko siya ni Denis? Totoo ngang nandito ito sa resort pero hindi dahil sa team building, kung ‘di dahil may kasama itong babae. Gustong-gusto niyang magwala at pagsasampalin ang nobyo pero mas pinili na lamang ni Helen ang manahimik at mag-imbestiga sa sariling paraan. Mamaya na lamang niya kakausapin si Denis, kapag nagkaharap na sila.

Makalipas ang isang linggo…

“Yam, kumusta ka na? Kahapon lamang ako dumating, pasensya ka na ah. Hindi ako nakapag-update ang saya-saya kasi namin at ang dami naming ginawa doon. Hayaan mo next time dadalhin kita doon,” masiglang wika ni Denis.

Ngumiti si Helen bago nagsalita. “Hindi na kailangan, yam. Narating ko na ang resort na napuntahan mo. May nakita nga akong kakaiba,” wika niya sabay lapag ng kaniyang selpon na may mga larawan nito at ng babae nito.

“Paanong—”

“Maghiwalay na tayo Denis, gusto kong itanong kung saan ako nagkulang pero kahit anong isip ko’y hindi ko mahanap kong saan? Sa palagay ko pa nga’y sumobra ako sa’yo kaya mo ako niloloko. Naging sugar mommy na nga ako dahil sa pagmamahal ko sa’yo Denis, pero tama na ‘to. Ayoko nang makita ka pa,” madamdaming wika ni Helen.

Hindi na niya hinayaan pang magpaliwanag si Denis, dahil sapat na ang mga nakita niya.

Makalipas ang anim na buwan ay muling nagkrus ang landas ni Helen at Denis, ngunit halos hindi niya nakilala ang dating nobyo! Kung noon ay maayos itong pumorma at mukhang mayaman ang itsura, ngayon ay nagmukha itong pulubi. Stress na stress ang mukha ni Denis, malayong-malayo sa Denis na minahal niya.

Akmang lalapitan at kakausapin pa ng lalaki si Helen, ngunit saktong dumating ang bago at napakabait niyang nobyo kaya’t kinain na ng hiya at panghihinayang ang lalaki saka mabilis na umalis.

Nabalitaan niya na lamang sa kaniyang mga kaibigan na labis na pinerahan ng babaeng ipinalit sa kaniya si Denis. Nagkabaon-baon ito sa utang maibigay lamang ang luho ng babae. Naging dahilan din iyon upang matanggal siya sa trabaho sa bangko dahil sa dami ng naghahanap sa kaniya upang maningil. Kaya naman pala ganoon ang itsura ni Denis nang magkita sila, naghahanap ito ng trabaho ngunit ni isa’y walang gustong tumanggap sa kaniya.

Sadya ngang may kusang paniningil si karma at mukhang siningil na nga nito si Denis.

Advertisement