
Laki sa Kasaganaan ang Dalagita; Isang Araw ay Mapapagtanto Niya Kung Gaano Siyang Kaswerte
“Papa! Thank you, at pinayagan mo ako mag-shopping!” ngiting-ngiting niyakap ni Mika ang kaniyang ama.
“Ano pa nga bang magagawa ko, eh alam ko naman na hindi mo ako titigilan lalo pa’t maraming bagong labas na bag at sapatos,” biro nito.
Napahagikhik na lang si Mika. Alam niya naman na nagbibiro lang ito. Simula pagkabata ay ibinigay na nito ang lahat ng naisin niya, kaya naman alam niya na ni minsan ay hindi siya pahihindian ng ama. Lalo pa’t silang dalawa na lamang ang magkasama sa buhay simula noong mawala ang kaniyang ina.
“Halika na, kumain tayo sa paborito mong restawran. Alam mo nang minsan lang kita makasama dahil abala ako sa trabaho,” yaya ng kaniyang Papa.
Masigla siyang kumapit sa braso ng ama habang papasok sila sa mamahaling restawran na madalas nilang kainan, lalo pa noong nabubuhay pa ang kaniyang Mama.
Matapos ang mahigit labinlimang minuto nilang paghihintay ay dumating na ang serbidora bitbit ang mga pagkain na in-order nila.
Bahagya pang tumaas ang kilay ni Mika nang mapansin na halos kaedaran niya lang ang babaeng nagdala ng pagkain.
“Hinahanda pa po namin ang mga inumin. Tawagin niyo na lang po ako kung may kailangan pa po kayo, Sir, Ma’am,” paalam ng babaeng nagpakakilalang si Jane.
Nakita pa niyang sinundan ito ng tingin ng kaniyang Papa. Ngiting-ngiti ito.
“Kita mo ‘yun? Kaedad mo lang yata si Jane, pero nagtatrabaho na siya. Nakakabilib na bata,” komento ng kaniya ama.
Isang pilit na ngiti ang isinukli niya sa ama kahit pa gusto niyang sumimangot.
“Hindi nga namin kilala ang Jane na ‘yun, pero siya ang bidang-bida sa paningin ni Papa,” naghihimutok na bulong ni Mika.
Kaya naman nang bumalik si Jane upang ibigay ang in-order niyang chocolate shake ay isang ismid ang isinagot niya sa ngiti nito.
Nang iabot niyo ang inumin niya ay aksidente iyong natumba, dahilan upang matapon iyon sa puting-puti niyang blusa.
Gulat siyang napatayo. Awtomatiko siyang bumaling sa serbidora na noon ay hindi makandaugaga sa paghingi ng paumanhin.
“Sorry, Ma’am, sorry po talaga!”
Hindi niya napigilan ang bugso ng inis at nasigawan niya ang babae.
“Oh my God! Hindi mo ba alam kung gaano kamahal ‘to? Ang t*nga-t*nga mo, hindi ka nag-iingat!” tili niya.
“Mababayaran mo ba ‘to? Ano nang gagawin mo?” dagdag tanong niya pa.
Marami pa siyang nais sabihin ngunit narinig niya nang sinaway siya ng kaniyang Papa. Sakto naman na dumating na rin ang manager ng restawran. Gaya ni Jane ay labis din ang paghingi nito ng paumanhin.
“Doon tayo sa isang tabi, kakausapin ko kayo. Nakakahiya kasi sa ibang kumakain,” yaya ng kaniyang ama kay Jane at sa manager.
Bago ito umalis ay bumaling ito sa kaniya.
“Anak, dito ka muna. Ako na ang kakausap sa kanila.”
Inis siyang napatango.
“Yari kayo sa Papa ko!” sa isip-isip pa ng dalagita. Nakikita niya na kasi na makakatikim ang mga ito ng sermon mula sa papa niya. Ayaw na ayaw pa naman nito naaapi siya.
Matapos ang ilang minutong pakikipag-usap ng kaniyang ama sa manager ay bumalik ito sa mesa nila.
Wala itong kangiti-ngiti. Agad itong nagyaya pauwi.
Habang pauwi sila ay hindi nagsasalita ang kaniyang ama. Kaya naman siya na ang nagbukas ng usapan.
“Papa, ‘wag ka na po magalit sa kanila. Hindi naman po ako nasaktan,” aniya.
Kunot noo itong lumingon sa kaniya.
“Bakit naman ako magagalit sa kanila? Wala naman silang ginawang masama,” inis na sabi nito.
Hindi siya nakasagot. Tila kasi galit ito.
“E ano pong problema, Papa? Bakit po parang galit po kayo?” alanganing usisa niya sa ama.
Bumuntong hininga ito bago siya nilingon.
“Hindi ako galit, anak. Disappointed lang ako sa inasta mo. Pinahiya mo si Jane dahil sa pagkakamali niya. Alam mo ba na muntik na siyang mawalan ng trabaho? Siya lang ang inaasahan ng pamilya niya. Sana ay kinausap mo siya nang maayos, gaya ng ginagawa ko kapag nagkakamali ka,” malumanay na paliwanag nito.
“Anak, ang maliliit na taong gaya nila, grabe ang kinakaharap nila araw-araw. ‘Wag mo naman pabigatin pa lalo ang buhay nila,” sermon pa nito.
Nanatiling tahimik si Mika. Unti-unti niya kasing nakikita ang pinupunto ng kaniyang ama.
“Alam mo ba na nagsimula rin ako sa ibaba? Nasubukan ko rin ang mahirap na trabaho gaya ng pagwe-waiter. Hindi biro ang hirap. Nagsikap ako dahil gusto ko na bigyan ka ng magandang buhay. Ayoko kasi na maranasan mo rin ang hirap. Pero ayoko na tapak-tapakan mo ang mga taong nasa ibaba, dahil lang mas mataas ka. Hindi maganda ‘yun, anak. Hindi ka pagpapalain ng nasa pinaka-itaas.”
Bago pa namalayan ni Jane ay may butil ng luha na palang tumulo mula sa kaniyang mga mata. Tuluyan niya nang nakita ang pagkakamali niya.
“Gusto ko sana na mamuhay ka para bigyang ginhawa ang iba, hindi para pahirapan sila,” pangaral ng kaniyang ama habang marahang tinatapik ang likod niya.
Hindi malilimutan ni Mika ang aral na iyon. Kaya naman simula noon ay natuto na siya na maging mabuti sa lahat ng nakakasalamuha niyang tao. Libre naman ang pagiging mabait.