Inday TrendingInday Trending
Hangga’t Maaari ay Ayaw ng May-ari na May Pumasok sa Kanilang Nakadamit Pang-Pasyente; Isang Malungkot na Dahilan Pala ang Pinaghuhugutan Niya

Hangga’t Maaari ay Ayaw ng May-ari na May Pumasok sa Kanilang Nakadamit Pang-Pasyente; Isang Malungkot na Dahilan Pala ang Pinaghuhugutan Niya

Sabay-sabay na nagkatinginan ang lahat sa may pintuan nang pumasok ang babaeng naka-hospital gown at dire-diretsong umupo sa bakanteng upuan ng parlor na iyon.

“Ma’am Jean, ikaw na ang mag-asikaso sa kustomer natin na iyan,” nag-aalangang wika ni Gina, isa sa mga tauhan niya.

Malalim na naglabas ng buntong hininga si Jean. Ang totoo’y ayaw niyang nag-aasikaso ng mga taong nakadamit pang-pasyente, ngunit anong magagawa niya? Hindi naman niya pwedeng itaboy at paalisin ang mga ito.

“S-sige,” aniya.

Mabigat ang mga paang humakbang siya sa kinaroroonan ng bagong kustomer at hinanda ang sarili sa isang napakatamis na ngiting ibabati rito.

“Hi, ma’am, kumusta kayo?” masiglang bati ni Jean sa kustomer na ang buong pansin ay nasa sariling repleksyon.

Tumingala ito sa kaniya at matamis na ngumiti. “Hi,” balik bati nito.

Saka tinignan ang mga poster ng sample nilang gupit. Maya-maya ay muling nagsalita ang babae, saka itinuro ang nagustuhan nitong gupit.

“Maaari mo ba akong gupitan ng gan’tong istilo, miss?” turo nito sa litrato.

Matamis na ngumiti si Jean at agad na sinunod ang gupit na gusto ng babae. Inayos niya talaga at ginandahan ang pagkakagupit dito dahil sa tuwang lumukob sa kaniyang dibdib. Malapit lamang sa ospital ang parlor niya, kaya madalas ang mga kustomer nila’y mga doktor, nurses, mga trabahante ng ospital na iyon, o mga pasyenteng may mga malalang sakit, gaya ng k@nser.

Nang matapos ang ginagawa ay agad niyang ipinakita ang magandang repleksyon ng babaeng kustomer.

“Ang ganda niyo, ma’am,” humahangang sambit ni Jean.

Nahihiyang ngumiti ang babae. “Maraming salamat.”

“Alam niyo sa totoo lang, noong pumasok kayo dito sa loob ay bahagya akong nalungkot. Kasi iniisip ko na baka isa kayo sa mga naging pasyente namin na may malalang sakit at magpapakalbo kayo sa’kin. Mabuti na lang, ma’am, at mali ang naisip ko. Ang ganda-ganda niyo sa bagong hair style niyo ngayon. Magaling kang pumili nang buhok na babagay sa’yo,” masayang wika ni Jean.

Muling ngumiti ang babae at bahagyang yumuko saka maya-maya’y muling tinitigan ang nakikitang repleksyon sa salamin.

“Tama ka, miss, ang ganda-ganda ko nga sa bagong hair style na ginupit mo sa buhok ko,” malungkot na wika ng babae. “Pwede mo ba akong kuhanan ng litrato?”

“Ayy, opo, ma’am. Sure na sure,” masayang wika ni Jean, saka kinuha ang selpon ng babae.

Matapos kuhanan ng litrato ang babae ay muli itong humarap sa salamin at malungkot na ngumiti. “Miss, pwede mo na akong kalbuhin,” anito.

Ang sayang naramdaman ni Jean kani-kanina lang ay agad na nalaho dahil sa huling sinabi ng babae.

“Ang totoo ay nagpunta talaga ako rito para magpakalbo. Magpapakalbo na ako, bago pa man tuluyang malagas ang buhok ko dahil sa sakit ko,” anito, may luhang nakadungaw sa mga mata habang nanatiling nakatitig sa salamin. “Itong makapal na buhok kong ito, dahan-dahan itong manlalagas at mawawala. Itong makinis at mataba kong mukha, dahan-dahan itong iimpis at mangingitim, dahil sa reaksyon ng mga gamot na ipinapasok sa katawan ko. Sobra kong mamimiss ang araw na ito,” dugtong nito saka tuluyang humagulhol ng iyak.

Nilingon ni Jean ang mga kasamang naroon lang rin at tahimik na nakikinig sa usapan nila. Nag-iiyakan na rin ang mga ito at lihim na nakikisimpatya sa kustomer na hindi naman nila kilala, ngunit nararamdaman nila ang paghihirap nito.

Pati si Jean ay hindi na rin napigilan ang hindi maiyak para sa babae. Nilapitan niya ito at niyakap nang mahigpit. Hindi niya kilala ang babae, pero alam niyang sa mga oras na iyon ay ito ang kailangan nito.

“Babalik ka rito. Hindi ito ang huling beses na magpapagupit ka sa’kin. Magpakalakas ka, at magpagaling. Pangako sa muling pagbabalik mo, mas gagandahan ko pa ang gusto mong gupit,” ani Jean saka nakisabay sa pag-iyak ng babae.

Hindi ito ang unang beses na gumupit siya ng taong may t@ning na ang buhay. May mangilan-ngilan na nalagpasan ang nakakam@tay na sakit, may iba namang hindi pinalad. Pero hangga’t maaari sana ay malagpasan ng babaeng ito ang malalang sakit na dinadanas nito ngayon. Mas magiging masaya siya, kung makakabalik ito balang araw sa kaniya at muling magpapagupit.

Matapos niyang kalbuhin ang babae ay binigyan niya ito ng libreng wig, upang kahit papaano’y hindi ito mahiya sa bagong itsura kapag nasa labas. Nangako naman ang babaeng dadaan sa parlor niya sa t’wing nasa ospital ito.

Nakita ni Jean at nang mga kasama niya ang hirap na pinagdaanan ni Elsa, ang kustomer nilang kaniyang naging kaibigan. Tama ang sinabi nito, tuluyan nang ginupo ng sakit nito ang sariling katawan. Ang dating medyo malaman nitong katawan, ngayon ay sobrang payat na at nangingitim. Ngunit nakita rin ni Jean, kung paano iyon nilabanan ni Elsa.

Makalipas ang dalawang taon mahigit nitong pagpapagamot sa sakit, ngayon ay nakikita niyang medyo nagiging maayos na ang lagay nito. Ang dating kalbo nitong ulo, ngayon ay may tumutubo-tubo nang kakaunting buhok na labis niyang ikanatuwa. Tinupad ni Elsa ang sinabi niya na gugupitan niya pa ito ulit, kapag nagpagaling lamang ito.

Ang balat nitong nangingitim dahil sa mga matatapang na gamot na ipinasok sa katawan nito, ngayon ay dahan-dahan nang bumabalik sa dati. Kahit papaano rin ay nagkakalaman-laman na ulit ang katawan ni Elsa.

Hindi pa tuluyang gumagaling si Elsa, ngunit alam ni Jean, na balang araw ay gagaling rin ang kaibigan at gaya nang ipinangako niya noon rito, gugupitan pa niya ito nang pinakamagandang hair style na alam niyang sobrang babagay sa ganda nito.

Nakakalungkot makasalamuha ng taong alam mong nalalabi na lamang ang buhay nila rito sa mundo. Kung pwede lang iwasan ang kam@tayan ay siyang halos gagawin ng lahat. Sa kaso ni Elsa, masaya si Jean at nakikita niyang nilalabanan nito ang sakit kahit na alam niyang napakahirap.

Advertisement