Alam ng Binata ang Katiwaliang Ginagawa ng Ina, Sa Pananahimik Niya Sila’y Napahamak

Alam ng Binata ang Katiwaliang Ginagawa ng Ina, Sa Pananahimik Niya Sila’y Napahamak

FamilyHeartbreakingStories

“Ron, napagsabihan mo na ba ang nanay mo tungkol sa bisyo niya?” tanong ni Rea sa kaniyang nobyo habang ito’y naglalaro ng kompyuter sa kaniyang silid. 

“Hindi pa, bakit ba atat na atat ka? Ikaw na kaya magsabi kay mama para matahimik ka na?” pabalang na sagot ni Ron habang tuloy pa rin sa paglalaro. 

“Hindi naman sa ganoon, Ron, syempre nag-aalala lang ako para sa kaligtasan niyong lahat sa bahay niyo,” tugon nito na ikinapintig ng tainga niya, sakto pang natalo siya sa nilalaro niyang online game dahilan upang titigan niya ito nang masama. 

“Bakit ka mag-aalala? Lahat ba kaming andoon, pati mga bata kong kapatid, nagamit ng pinagbabawal na gamot, ha? Umiiral na naman kamo ‘yang pagkabaliw mo!” bulyaw niya rito dahilan upang mapatungo ito at mapaupo sa kama. 

“Syempre balitang-balita na kasi ngayon dito sa lugar namin ang panloloob ng mga pulis sa bahay ng mga may bisyo. Malay mo, sunod na sa lugar niyo,” wika nito na ikinainis niya lalo. 

“Tigilan mo nga ‘yang iniisip mo! May makarinig pa sa’yo riyan! Sinabi ko naman sa’yong maghintay ka lang, dahil naghihintay lang din ako ng tiyempo para makausap si mama!” sigaw niya rito saka niya pabalang na tumayo sa silyang inuupuan. 

“O, huwag mo akong sigawan,” sambit nito.”Bahala ka nga riyan, uuwi na muna ako! Nakakainis ka!” bulyaw niya pa rito saka tuluyan nang umalis sa inuupahan nitong apartment. 

Kahit alam ng binatang si Ron ang katiwaliang ginagawa ng kaniyang ina sa paggamit ng pinagbabawal na gamot, wala pa rin siyang ginagawang hakbang upang ito’y patigilin. Lagi niyang rason sa tuwing may nagsasabi sa kaniyang pagsabihan ang ina, “Siya ang nanay namin, alam niya lahat ng ginagawa niya!” o kung hindi nama’y siya’y agad na nagagalit. 

Kung minsan pa nga, nahuhuli niya itong gumagamit ng naturang gamot kasama ang iba pa nilang kapitbahay sa loob ng kanilang bahay habang andoon lang sa paligid ang kaniyang mga batang kapatid. Bubuntong-hininga lang siya saka ilalayo ang kaniyang mga kapatid upang huwag mabuksan ang isip sa maling gawing ito.

Nais niya naman talagang komprontahin at pangaralan ang ina, ngunit siya’y nagdadalawang isip dahil sa ganitong paraan sila kumikita ng pera na pangkain nila sa araw-araw. 

Kaya ganoon na lang siya naiinis sa tuwing ipapaalala ito ng kaniyang nobyang nag-aalala sa kaligtasan nilang pamilya. Naiintindihan niya naman ito kaya lang, hindi niya alam kung paano ang dapat na gawin sa problema niyang ito. 

Para lang makaiwas sa pagtatalo, minabuti na niyang umuwi sa kanilang bahay noong araw na ‘yon. Pagkauwi niya, naabutan niya na namang gumagamit ang kaniyang ina kasama ang mga kumare nito. 

Mayamaya pa, may isang lalaking kumatok sa kanilang bahay at tila nais din nitong bumili. 

“Aba, mukhang may bago akong kustomer, ha?” sambit pa ng kaniyang ina saka pinapasok sa kanilang bahay ang lalaking ito. 

Ngunit pagkaabot ng kaniyang ina ng isang pakete rito, nilusob na sila ng sandamakmak na pulis dahilan upang siya’y manigas at yakapin na lang ang kaniyang mga kapatid na nag-iiyakan. 

Kitang-kita niya kung paano padapain ang kaniyang ina sa sahig kasama ang mga kumare nito at dahil nga siya’y may katandaan na rin, pati siya’y nadamay dito. 

Ngunit habang siya’y nagpapaliwanag na hindi siya gumagamit ng gamot na iyon, biglang nagtangkang tumakbo palabas ang kaniyang ina dahilan upang ito’y barilin ng pulis na kumakausap sa kaniya sa paa. “Mama!” tangi niyang sigaw. 

Hindi pa nagpaawat ang kaniyang ina at nagtuloy-tuloy pa itong lumabas ng bahay kahit iika-ika na dahilan upang paulanan na ito ng bala ng mga pulis na naroon. 

Wala siyang ibang magawa kung hindi ang maiyak na lang habang pinagmamasdan ang labi ng kaniyang ina na naliligo sa sariling dugo. 

“Ayaw niyo pang magtino, ha? Hindi lang ‘yan ang dapat sa inyo!” sigaw ng hepe ng mga pulis bago sila sinakay isa-isa sa patrol. 

Doon niya labis na napagtantong dapat pala habang siya’y may pagkakataon pa, pinigilan at pinangaralan na niya ang ina. 

“Minsan pala hindi nakabubuti ang pagtahimik lalo na kung alam mo naman ang tamang gawin sa isang problema. Pasensya na po, mama, naduwag ako at natakot sa kahihinatnan ng buhay natin kapag natigil ka sa pagbebenta ng gamot na iyon,” sambit niya sa hangin habang pinagmamasdan ang posas na nasa kaniyang kamay. 

More Stories