Nais na Agad Magtrabaho ng Dalagang Ito, Laking Tuwa Niya nang Siya’y Maghintay sa Tamang Panahon

Nais na Agad Magtrabaho ng Dalagang Ito, Laking Tuwa Niya nang Siya’y Maghintay sa Tamang Panahon

InspiringStoriesSuccess

“O, bakit nakabihis ka pang-alis? Hindi ka ba sasabay sa akin pumasok? Saan ang punta mo ngayon?” pang-uusisa ni Ella sa kaniyang matalik na kaibigan nang ito’y sunduin niya sa bahay at makitang hindi nakauniporme. 

“Ah, eh, hindi muna siguro ako papasok, Ella, pasensya ka na hindi kita agad nasabihan,” malumanay na sagot ni Hiya habang pilit na iniistra ang gusot-gusot niyang polo. 

“Saan ba ang punta mo, ha? May pagsusulit kaya tayo ngayon, mahihirapan ka kapag hindi ka nakakuha no’n!” babala nito sa kaniya dahilan upang siya’y mapabuntong-hininga. 

“Maghahanap sana ako ng trabaho sa Maynila. Hayaan mo na rin ‘yong pagsusulit na ‘yon, parang ayoko nang mag-aral, eh. Parang gusto ko nang magtrabaho agad, makakatulong na ako sa gastusin sa bahay namin, may sarili pa akong pera,” paliwanag niya rito na ikinakunot ng noo nito. 

“Ano ka ba naman, Hiya? Isang taon na lang makakapagtapos na tayo ng kolehiyo, ngayon ka pa tatamarin mag-aral?” inis na tanong nito sa kaniya. 

“Basta, bahala na. Kapag hindi ako natanggap sa trabahong aapply-an ko ngayon, ipagpapatuloy ko ang pag-aaral pero kapag natanggap ako, magtatrabaho na ako,” tugon niya habang inaayos ang mga dokumentong kailangan niyang ipasa.

“Ikaw ang bahala, mag-ingat ka, Hiya,” sagot nito saka siya tinapik-tapik sa balikat. 

Ilang linggo nang bumabagabag sa isipan ng dalagang si Hiya ang kagustuhan magtrabaho upang makatulong na sa kaniyang mga magulang. Napapansin niya kasing hirap na hirap na ang mga ito na maitaguyod silang tatlong magkakapatid na pare-parehong nag-aaral. 

May katandaan na rin ang mga ito dahilan upang dumaing na rin ang mga ito ng sakit sa kani-kanilang mga katawan na labis niyang ikinahahabag. Hindi man siya sabihan ng mga ito na magtrabaho na, pakiwari niya’y kailangan na niyang umaksyon bago pa tuluyang sumuko ang katawan ng kaniyang mga magulang. 

Kaya naman, kahit isang taon na lang ang kailangan niyang gugulin sa kolehiyo, nagpasiya na siyang maghanap ng trabaho sa Maynila. Sakto naman mayroon siyang kaibigang nagtatrabaho bilang isang waiter sa isang sikat na hotel doon dahilan upang lumakas ang kaniyang loob niyang makapasok din sa trabahong iyon. 

Pagkatapos nilang mag-usap ng kaniyang matalik na kaibigan, agad na siyang sumakay ng bus patungong Maynila. Kabado man at hindi alam ang sasabihin sa interbyu, buong puso siyang nanalanging ibigay sa kaniya ang oportunidad na ito upang makatulong na sa kaniyang mga magulang. 

Halos dalawang oras lang ang nakalipas, tuluyan na siyang nakarating sa naturang hotel. Agad na siyang nagtungo sa lugar kung saan siya iinterbyuhin at tumambad sa kaniya ang mahabang pila ng mga iinterbyuhin. 

Patuloy lang siyang nananalangin habang nasa pila hanggang sa siya na ang sasalang sa naturang interbyu. Iniabot niya ang kaniyang resume saka naupo sa kaharap nitong upuan.

“Naku, hija, isang taon na lang, ha?” wika nito habang binabasa ang kaniyang pinag-aralan. 

“Gusto ko na po kasing makatulong sa mga magulang ko,” tugon niya habang nagpipigil ng luha.

“Hindi mo ba alam na mas makakatulong ka sa kanila kapag nakapagtapos ka ng pag-aaral? Maraming kumpanya ang maaari mong pasukan. Kapag nakapagtapos ka, mas malaki na ang kikitain mo, mataas pa ang magiging posisyon mo. Bumalik ka rito sa isang taon, hihintayin kita,” nakangiting sambit nito sa kaniya na ikinagulat niya. 

“Hindi po ako tanggap?” malungkot niyang tanong.

“Hindi muna kita tatanggapin dahil alam kong may mas malaking oportunidad na maibibigay sa’yo ang kumpanyang ito kapag nakapagtapos ka,” tugon nito saka kinuha ang mga impormasyon niya. 

Doon niya napagtantong kahit anong pagpupursigi niya, kung hindi pa talaga tamang oras, hindi niya iyon makukuha.

Ito ang dahilan upang siya’y humabol sa pag-aaral at gawin ang lahat upang makapagtapos kasabay nang pagtulong sa kaniyang mga magulang. 

Siya’y pumasok bilang isang serbidora sa isang lugawan tuwing gabi upang kumita ng perang ipapandagdag sa kanilang mga bayarin habang nag-aaral sa umaga. 

Dugo’t pawis man ang kaniyang inilaan sa isang buong taon, nag-uumapaw na ligaya naman ang nakamit niya nang makatapos at maging isang manager sa hotel na ninais niya noong pagtrabahuhan. 

Doon niya napatunayang mayroon mas magandang plano ang Panginoon para sa kaniya at sa kaniyang buong pamilya. Laking tuwa niya dahil sinunod niya ang planong nakalaan sa kaniya at hindi nagpumilit magtrabaho agad. 

More Stories