Mas Pinili ng Doktor na Ito ang Maliit na Ospital sa Probinsya, May Malagim Palang Plano ang Binata

“Kaunti na lang talaga at ipapatawag ka na ng presidente ng ospital na ito! Hindi ko talaga malaman kung bakit ka nila tinanggap bilang doktor!” sigaw ni Dr. Allen kay Dr. Marco sabay duro rito.

“Hindi porke nasa top ka ay ganiyan ka na aasta, tandaan mo na mas matagal kami sa’yo sa ospital na ito kaya matuto kang magpakita ng respeto lalo na sa harapan ng mga pasyente,” sigaw pang muli ng doktor sa lalaki.

“Hindi ba dapat magpasalamat ka kaysa sa magalit ka sa akin dahil naligtas natin ‘yung buhay ng tao? Mas importante ba na hindi ka mapahiya sa harapan nila kaysa sa makatipid at maligtas ‘yung pasyente? Ano magagawa ko, mas magaling ako kahit mas matagal kayo,” baling ni Dr. Marco rito.

Sasapakin pa sana ni Dr. Allen ang lalaki ngunit mabilis itong lumabas at binalewala lamang ang nag-aapoy na galit ng doktor.

Baguhang doktor pa lamang si Marco at napakabango ng pangalan dahil kasama lang naman ito sa top 10 nitong huling licensure examination kaya naman trabaho nga raw ang humahabol sa kaniya. Ngunit mas pinili ni Marco na magtrabaho sa probinsya at kahit saglit pa lamang siya ay marami na siyang nakaka-away na mga kasamahan. Bukod sa palagi niyang pinapahiya ang mga doktor sa ibang pasyente sa pagbibigay ng kaniyang opinyon at direktang pangongontra sa mga ito ay hindi rin siya sumusunod sa mga patakaran ng ospital.

Halos isang oras lang ang nakalipas ay kaagad na pinatawag si Marco sa opisina. Inaasahan na niya ito lalo na ngayon ay marami siyang binabanggang doktor.

“Alam mo naman siguro kung bakit ka nandito? Tatangapin ko kung hihingi ka ng paumanhin sa naging ugali mo pero mas gusto kong marinig kung bakit ka ganyan ngayon nagtatrabaho ka na rito?” tanong ni Mr. Martinez ang may-ari at presidente ng ospital.

“Nalaman ko na mas pinili mo ang maliit na ospital namin kaya hindi ko maintindihan kung bakit ayaw mong makisama sa mga doktor na nandito. Alam mo, kahit maliit lang kami, maayos ang samahan namin dito kaya kung ako tatanungin mas gugustuhin kong mawalan ng topnotcher ang ospital namin kaysa sa araw-araw mong bastusin at hindi kilalanin ang mga nakasanayan namin dito,” sabi pang muli nito sa kaniya.

Advertisement

“Kaya ko nga gustong pumasok dito para mabago ang mga nakasanayan ninyo. Hindi ba mas importante pa rin ang pangbayad kaysa sa buhay? Ang koneksyon kaysa sakit? Ito ba ng ospital na ipinagmamalaki mo?” diretsong sagot ni Marco sa matandang lalaki.

Mabilis na humarap si Mr. Martinez sa lalaki at nabigla sa kaniyang narinig.

“Totoo pala talaga na wala kang modo!” baling ni Mr. Martinez sa kaniya at kaagad itong nakaramdam ng galit.

“Hindi ko kailangan ng doktor na katulad mo, umalis ka sa ospital ko!” sigaw muli ng may-ari sa binata.

Saglit na tumawa si Marco at umupo pa siya sa sofa saka nagsalitang muli. “Hindi niyo ba talaga ako naalala?” natatawang tanong ng binata sa may-ari.

“Alam kong topnotcher ka at magaling daw na doktor pero bukod pa roon ay hindi ko kailangang kilalanin ang mga tulad mo. Wala kang modo at wala kang mararating sa ugali mo,” singhal ni Mr. Martinez sa kaniya.

“Mukhang hindi niyo na talaga ako naalala dahil sa layo ng narating niyo. Doktor kayo noon sa emergency room pero ngayon kayo na ang presidente at may-ari pa nitong ospital na ito. Ilang anak ng mga opisyal kaya ang ginamot niyo at gaano na kaya kalakas ngayon ang koneksyon niyo? Pwes, para lang maalala niyo, ako lang naman ang anak ng isang pasyente na nawalan ng buhay dahil sa kapabayaan niyo,” galit na salaysay ni Marco rito.

Napakunot ng noo si Mr. Martinez at pilit na inalala ang sinasabi ni Marco.

Advertisement

“Hindi niyo na maalala kasi ang dami ng nawalan ng buhay rito sa ospital na ito ng dahil sa pamamalakad niyo! Magsasaka lang ang tatay ko at ito ang pinakamalapit na ospital dito sa probinsya. Kami ang nauna at panay ang inda ng tatay ko sa sakit ng kaniyang tiyan at hirap sa paghinga ngunit tinignan niyo lamang siya ng isang beses at iniwan dahil mas inasikaso niyo noon ang bagong dating na anak ng konsehala,” pagpapaalala ni Marco sa may-ari.

Doon kaagad naalala ni Mr. Martinez ang sinasabi niya.

“Nabaril nun ang anak ni konsehala kaya ‘yun ang inuna ko!” sigaw ni Mr. Martinez sa kaniya.

“Pero nauna ang tatay ko sa emergency, nauna kami at halos labing limang minuto na kami roon pero walang pumapansin sa amin. Ang sabihin niyo, pinili niyong iligtas ‘yung anak ng konsehala para bumango ang pangalan niyo!” baling din ni Marco rito.

Hindi nagsalita si Mr. Martinez at huminga ito ng malalim, pilit niyang kinalma ang sarili.

“Sa emergency room, hindi kung sino ang nauna ang dapat asikasuhin kung ‘di sa kung sino ang mas kritikal ang kalagayan. Baguhan lang din akong doktor noon at inaamin kong nagkamali ako sa pagtingin ng tatay mo dahil akala ko ay hindi pa ito ganoon kalala kaya mali ako bilang isang doktor pero hindi ko kailanman pinili ang pasyente sa estado ng kaniyang buhay. Hindi ko kailanman ipinulitika ang pagiging doktor ko at iyon ang hindi ko ihihingi ng dispensa sa’yo. Kung naging doktor ka para gantihan ako at ang ang ospital na ito, gawin mo, hindi kita pipigilan pero huwag na huwag mong ilalagay ang buhay ng kahit sino man makaganti ka lang dahil para ka na ring kum!t!l ng buhay,” sagot ni Mr. Martinez sa kaniya at umalis na ito.

Hindi inaasahan ni Marco na maririnig niya ito dahil tama ang matanda, hanggang ngayon ay wala siyang ibang rason  kung ‘di pabagsakin ang ospital at pagkaguluhin ang mga tao roon. Kaya naman nanlambot siya at naiyak dahil siya pala ang talo sa ginagawa niyang ito. Buong akala niya na kapag nasiraan niya ang ospital at ang ibang doktor doon ay magiging matagumpay na siya pero hindi niya naisip na pasyente ang kaniyang isinusugal. Hindi nagtagal ay umalis si Marco sa ospital nang makita niya na tama ang sinasabi ni Mr. Martinez at tunay na mas nabulag siya ng galit

Simula rin noon ay mas naging maayos na doktor ang lalaki at ginampanan niyang mabuti ang sinumpaang pangako at iyon ay ang magligtas ng tao kahit ano pa mang galit ang mayroon sa puso niya.