Pinagmalupitan ng Babae ang Matalik na Kaibigan nang Siya ay Yumaman; Hindi Niya Akalaing Babaliktad pala ang Kanilang Mundo

Pinagmalupitan ng Babae ang Matalik na Kaibigan nang Siya ay Yumaman; Hindi Niya Akalaing Babaliktad pala ang Kanilang Mundo

HeartbreakingKarmaStories

Simula pagkabata ay matalik nang magkaibigan sina Cecil at Rachelle. Halos sabay na silang lumaki kaya naman parang magkapatid na rin kung magturingan ang dalawa hanggang sa sila ay magdalaga na.

Sa paglipas ng panahon, nakikita na ng karamihan ang kaibahan sa pagkatao nina Cecil at Rachelle, hindi lamang sa kanilang panlabas na anyo kundi pati na rin sa kanilang mga hilig na gawin, pananaw sa buhay at pangarap. Ganoon pa man, nanatili pa ring magkaibigan ang dalawa sa kabila ng kanilang mga pagkakaiba.

Lumaking matalino si Rachelle at noon ay palaging nangunguna sa eskuwela, samantalang si Cecil naman ay nahilig at nangunguna pagdating sa iba’t ibang uri ng sining, tulad ng pag-awit, pagguhit at pag-arte na lalo pang pinagtibay ng pagkakaroon niya ng magandang mukha at kabigha-bighaning hubog ng katawan.

“Besty, huwag mo akong kalilimutan kapag sumikat ka na at sinuwerte ka sa pagpunta mo sa Maynila, ha?” maluha-luhang ani Rachelle noon sa kaibigang si Cecil habang tinutulungan niya itong mag-empake ng mga damit at gamit na dadalhin nito sa pagluwas nito sa Maynila. Nakatanggap kasi ito ng isang imbitasyon para makapag-audition sa isang programa sa telebisyon kung saan maaari nitong matupad ang pangarap nitong pag-aartista. Pag nagkataon, hindi na lamang sa teatro sa kanilang eskuwelahan nito maipapakita ang kaniyang talento.

Nalulungkot man si Rachelle dahil sa unang pagkakataon ay magkakahiwalay sila ng kaibigan ay masaya na rin siya para kay Cecil. Lihim niyang nahiling sa kaniyang sarili na sana, maging siya ay makamit din ang kaniyang mga mithiin sa buhay.

“Huwag kang mag-alala, besty, hinding-hindi kita kalilimutan. Palagi pa rin tayong mag-uusap at palagi pa rin kitang dadalawin dito sa atin sa tuwing may oras ako,” pangangako naman noon ni Cecil sa kaniya na halatang walang pagsidlan ng tuwa sa kaniyang puso.

Umasa si Rachelle sa pangakong binitiwan noon ng kaniyang matalik na kaibigang si Cecil, ngunit ilang buwan ang lumipas at hindi man lamang nito magawang kumustahin man lang siya. Iniisip ni Rachelle na naging napaka-busy nito lalo na at mabilis ang naging pag-angat nito sa karerang kaniyang tinahak.

Limang taon ang lumipas at patuloy na namayagpag ang talento ni Cecil sa industriya ng pag-aartista. Talagang pinilahan at umani ng iba’t ibang parangal ang bawat palabas nito sa sine man o sa telebisyon kaya naman kahit hindi na sila nagkakausap ay ipinagmamalaki pa rin siya ni Rachelle, lingid sa kaniyang kaalaman. Isang araw ay nabigla na lamang ang lahat sa kaniyang bayang kinalakihan nang umuwi roon ang artistang si Cecil. Galak na galak naman noon si Rachelle na hindi naman nagtanim ng tampo sa kaniyang kaibigan. Kasal na ngayon si Rachelle sa lalaking pareho nilang hinahangaan noon ni Cecil at kahit simple lang ang kaniyang buhay ay masaya naman siya.

Nang alukin ni Cecil si Rachelle na magtrabaho ito sa kaniya bilang personal assistant niya ay nagdalawang-isip pa ang kaibigan, ngunit agad ding napapayag nang mangako si Cecil ng malaking halaga para sa kaniyang sweldo. Inisip ni Rachelle na malaking tulong iyon para sa kanilang sinisimulang pamilya ng kaniyang asawa.

Lingid sa kaniyang kaalaman ay may ibang plano ang kaibigang si Cecil. Gusto siya nitong parusahan dahil sa ginawa niyang pagpapakasal sa lalaking tanging minahal nito simula pa noon. Nang makarating sila sa Maynila ay labis na pagpapahirap ang ipinaranas ni Cecil sa dati ay matalik niyang kaibigang si Rachelle. Tila nakalimutan na nito ang kanilang mga pinagsamahan at napuno ng galit ang kaniyang puso, dahilan upang lugmok na bumalik na lamang sa kanilang probinsya si Rachelle.

Dahil sa naranasan niyang hirap kay Cecil ay nagkaroon ng lakas ng loob si Rachelle upang sikapin niyang umangat sa hirap. Katulong ang kaniyang asawa ay nagtayo sila ng negosyo at sa paglipas lamang ng ilang taon, dahil na rin sa taglay na katalinuhan ni Rachelle ay naging matagumpay ang naturang kabuhayan nila.

Samantala, nang mga panahong iyon ay mabilis ding nalaos sa kaniyang career si Cecil at ngayon ay halos limot na rin ng madla. Siya naman ngayon ang lugmok sa kahirapan at wala na siyang ibang mapuntahan. Nagkapalit na sila ngayon ng posisyon ng dating kaibigang kaniyang inalipusta.

Ngunit hindi magkatulad ng pag-uugali’t damdamin si Rachelle at Cecil at napatunayan iyon ng huli nang siya ay sadyain pa ng ngayon ay mayaman nang si Rachelle upang kupkupin at alagaan sa kabila ng kaniyang mga kasalanan. Labis na pagsisisi ang kaniyang naramdaman dahil sa kaniyang ginawa at kulang na lamang ay lumuhod siya sa harap ni Rachelle sa labis na pasasalamat at paghingi ng tawad.

More Stories