
Pinursiging Mag-aral ng Ginang na Ito ang Batang Anak, Naawa Siya nang Malaman ang Saloobin Nito
“Mas magaling ang anak ko! Tatlong taong gulang pa lang siya nang matutong magbasa! At huwag ka, ingles pa! Walang binatbat ‘yang anak mong limang taong gulang na kabisado ang alpabeto,” sabat ni Velma sa mga nanay na nagkukwentuhan tungkol sa kanilang mga anak, isang hapon habang siya’y naghihintay sa tapat ng paaralan kung saan napasok ang kaniyang anak.
“Ay, naku, hindi ko naman kinumpara ang anak ko kung kanino man. Natutuwa lang ako na sa edad niyang iyon, may alam na siya bago pumasok sa eskwela,” nakangiting sagot ng isang ginang na nasa umpukan ng mga nanay.
“Sa edad niyang ‘yan dapat nga marunong na siyang sumagot ng Mathematics! Ang anak ko, noong siya’y apat na taon pa lang, marunong na noon!” tugon niya pa dahilan upang magbulungan na ang ibang ginang na nakaririnig.
“Ang galing naman ng anak mo,” simpleng sagot pa nito sa kaniya.
“Magaling talaga ang anak ko! Masusustansiyang pagkain kasi ang pinapakain ko sa kaniya. Siguro dapat painumin mo ng gatas ang anak mo para tumalino rin,” payo niya dahilan upang ito’y mapangisi.
“Matalino naman ang anak ko kahit papaano, hindi ko siya kailangang pursigihing mag-aral maigi lalo na’t bata pa siya,” pangangatwiran nito sa kaniya.
“Naku, pagsisisihan mo ‘yan! Basta ako, pag-aaralin kong maigi ang anak ko. Sigurado akong siya ang mangunguna sa klaseng ito!” taas kilay niya pang sambit dito saka agad nang sinalubong ang anak na palabas na ng silid-aralan.
Labis na pinagmamalaki ng ginang na si Velma ang kaniyang bunsong anak. Bukod kasi sa napakabibo nitong bata, dekalibre pa ang angking talino nito na base nga sa kaniya, manang-mana sa talino niya.
Dalawang taong gulang pa lang ang anak niyang ito nang mahumaling na itong humawak ng panulat at doon na niya ito inunti-unting turuan hanggang sa matuto na itong magsalita ng ingles, magsulat at magbasa bago pa man pumasok sa paaralan na labis niyang ikinatuwa.
Habang hindi pa napasok ang kaniyang anak, araw-araw niya itong tinuturuan. Pinagbabasa na niya ito ng librong pangbata, pinapagsulat ng mga ingles na salita at pinapasagot ng Mathematics na agad namang natututunan nito.
Ito ang dahilan upang ganoon na lang siya matuwa sa anak. Tamarin man ito kung minsan, basta’t makita lang siya nitong may hawak na walis tambo, agad na itong susunod sa kaniya kahit pa lingid sa kagustuhan nitong mag-aral.
Pagkasundo niya sa anak mula sa eskwelahan, agad niya itong pinakain ng masustansiyang meryenda at pagkatapos nitong kumain, muli niya itong inengganyong mag-aral.
“Bukas na lang po, mommy, pagod na po ako,” sagot nito na ikinainis niya.
“Anong pagod? Kailangan mong manguna sa klase niyo!” sigaw niya rito saka agad na humawak ng walis tambo dahilan upang agad itong sumunod sa kaniya.
Ilang araw na ganoon ang ginagawa niya sa kaniyang anak. Buong akala niya’y makatutulong ito sa musmos nitong isipan ngunit tila kabaliktaran ang epekto nito sa bata dahil isang araw, siya’y pinatawag ng guro nito.
“Naku, mukhang pupuriin na naman ng gurong ito ang anak ko. Sa bagay, sino bang hindi matutuwa sa matalinong batang masipag mag-aral?” kumpiyansado niyang wika habang hinihintay na makalabas lahat ng bata sa silid aralan.
Nang masundo na lahat ng bata, inanyayahan na siya ng guro na pumasok. Nakita niyang nakaupo sa isang sulok ang kaniyang anak at namamaga ang mga mata.
“Anong nangyari sa anak ko?” walang galang niyang sigaw nang makita niya ito.
“Ah, eh, misis, maaari po bang kumalma muna kayo? Ayaw po kasing umuwi ngayon ng anak niyo dahil napagsabihan ko siya kanina habang natutulog sa klase ko. Sabi niya sa akin, kapag nalaman mo raw po iyon, magagalit ka sa kaniya. Sabi ko naman po, normal lang iyon sa edad niya, pero nagsimula na po siyang umiyak dahil sa takot sa inyo,” sambit nito na ikinapagtaka niya, “Baka po masyado niyong itinutulak na mag-aral ang bata, hindi po tama iyon para sa edad niyang limang taong gulang, pasensya na po kung nakikialam ako, pakiramdam ko po kasi, sa edad niyang ‘to, pagod na po agad siyang mag-aral,” dagdag pa nito dahilan upang ganoon na lang maawa sa anak na takot na takot na sumama sa kaniya.
Doon niya napagtantong tila napasobra ang kagustuhan niyang maging matalino ang anak. Nawala na sa isip niyang bata pa lang ito at may katapatang makapaglibang.
Simula noon, nilimitahan na niya ang pagtuturo sa anak. Sinisigurado man niyang natututo ito maigi sa paaralan, hinahayaan niya na rin itong makapagsaya bilang isang bata.