
Mahilig Mang-agaw ang Dalagang Ito, Karma ang Nagbigay ng Matinding Aral sa Kaniya
“Bihis na bihis, ha? Saan na naman ang gala niyo ng mga tropa mo? Araw-araw na lang, ha!” sermon ni Eya sa kaniyang nakababatang kapatid, isang gabi nang makasalubong niya ito sa kanilang gate at tila ito’y paalis na naman.
“Ate, ibahin mo na ang sermon sa akin! Hindi na mga tropa ko ang kasama kong gumala simula ngayon. Saka, hindi lang basta gala ang pupuntahan ko, makikipag-date ako sa lalaking ilang buwan ko nang pinapantasya!” masiglang sagot ni Celestine saka hinawi ang kaniyang mahabang buhok.
“Anong ibig mong sabihin? Hindi ba’t may matagal nang karelasyon ‘yong gusto mong lalaking si Jonas? May sarili na silang negosyo ngayon, ‘di ba? Anong pinagsasasabi mo riyan? Huwag mong sabihing nanulot ka na naman?” pang-uusisa pa nito dahilan upang siya’y mapangisi.
“Ate, sabi ko naman kasi sa’yo dati pa, daig ng malandi ang maganda! Kaya lumandi ka na rin para magkanobyo ka na rin!” payo niya rito na labis na ikinainis nito.
“Diyos ko, Celestine!” sigaw nito saka siya sinabunutan, “Hindi ka ba natatakot sa karma, ha? Maaaring nakaligtas ka sa karma roon sa una mong sinulot na lalaki pero kung uulitin mo ulit ‘yon, magdasal ka na!” sermon pa nito.
“Mas takot akong hindi makuha ang lalaking gusto ko kaysa sa karmang sinasabi mo. Alis na ako!” sagot niya saka agad na tumakbo palayo sa kapatid na nanggagalaiti sa galit.
Nais ng dalagang si Celestine na makuha ang lahat ng gustuhin niya. Mapabagay man o tao, basta natipuhan niya, gagawin niya ang lahat upang ito’y mapasakamay. Ang ugali niyang ito ang madalas nilang pag-awayan ng kaniyang ate simula noong sila’y mga bata pa lamang.
Pati kasi panloob na damit nito o kung hindi nama’y palamuti sa katawan, basta’t nakapukaw ng atensyon niya, kukunin niya ito nang sapilitan kahit na sila’y mag-away ng kapatid at dahil nga siya’y bunso, lagi siyang pinapaburan ng kanilang mga magulang.
Nadala niya ang ugaling ito hanggang ngayong siya’y dalaga na at nagtatrabaho na. Ang kaibahan lang, hindi na bagay ang sapilitan niyang kinukuha kung hindi, mga lalaking natitipuhan niya na kahit may nobya na, aakitin niya upang maagaw lamang.
Ito ang dahilan upang ganoon na lang mag-alala at magalit ang kaniyang kapatid sa kaniyang ginagawa. May pagkakataon kasing nasaktan siya ng ilang babae dahil sa ginagawa niyang ito at dahil nga siya’y palaban, hindi siya natuto rito at patuloy na naghahanap ng lalaking mabibingwit kahit nakatali na.
Ganoon na lang ang saya niya nang matagumpay na makuha ang lalaking si Jonas na ngayo’y palagi na niyang kasama lumabas. Bukod kasi sa sobrang bait nito sa kaniya, binibigyan pa siya ng kung anu-anong gamit nito na labis niyang ikinasasaya.
Ang pag-iibigan nilang iyon ay tumagal nang isang taon hanggang sila’y nagpasiya nang manirahan sa iisang bahay. Wala nang sasaya pa sa kaniya noong mga pagkakataong iyon na sa bawat paggising niya sa umaga, mukha ng lalaking noo’y pinapantasya niya lang ang bumubungad sa kaniya.
Kaya lang, ilang buwan lang ang lumipas simula nang sila’y magsama, napadalas ang hindi nito pag-uwi na labis niyang ikinakaba dahilan upang ito’y patago niyang imbestigahan.
Isang gabi, nagpaalam ito sa kaniya na hindi raw ito makakauwi dahil sa dami ng gagawin sa opisina. Nakutuban niyang nagsisinungaling ito dahilan upang puntahan niya ito sa naturang opisina at halos manlamig ang buong katawan niya nang makita niya itong may kasamang buntis na babae, pababa ng naturang opisina.
Akay-akay pa nito pababa ang babaeng iyon at nang makilala niya ito, ganoon na lang siya napaupo sa semento.
Sa sobrang galit niya, bago pa sumakay sa sasakyan ang dalawang ito, agad siyang tumakbo palapit sa mga ito at hinila ang buhok ng naturang babae. Agad siyang inawat ng kaniyang kinakasama at halos hindi malaman ang gagawin.
“Bakit? Masakit ba? Alam mo, wala kang karapatang masaktan dahil binawi ko lang ang pagmamay-ari ko. Ito nga at nagbunga agad ang muli naming pagmamahalan,” taas kilay na sambit sa kaniya ng babaeng iyon, “Gusto mo ba dumalo sa kasal namin sa isang buwan? Basta, huwag kang umastang desperada roon, ha? Ikaw din kasi ang mapapahiya sa mga kilalang taong dadalo,” dagdag pa nito saka hinila pasakay sa sasakyan ang lalaking kinakasama niya na hindi man lang siya inimik o pinaliwanagan.
Umuwi siyang humagulgol sa kanilang bahay. Saktong andoon ang kaniyang kapatid at agad siyang niyakap.
“Sabi ko naman sa’yo, matakot ka sa karma. Maghintay ka kung anong ibibigay sa’yo ng Diyos hindi ‘yong mang-aagaw ka nang pagmamay-ari ng iba,” pangaral nito sa kaniya dahilan upang mahigpit niya itong yakapin.