Tumanggap ng Hindi Presentableng Aplikante ang Dalagang ito, Magsisi kaya Siya sa Pagkuha Rito?

Tumanggap ng Hindi Presentableng Aplikante ang Dalagang ito, Magsisi kaya Siya sa Pagkuha Rito?

InspiringStoriesSuccess

“O, Gigi, galingan mo ulit ang pag-iinyerbyu sa mga aplikante natin ngayon, ha? Kailangang magagaling na empleyado katulad mo ang maipasok natin dito sa kumpanya,” payo ni Mrs. Gonzalez sa hawak niyang empleyado, isang umaga bago ito magsimulang mag-interbyu ng mga aplikanteng papasok sa kanilang kumpanya. 

“Makakaasa po kayo, ma’am!” masiglang sagot ni Gigi habang inaayos ang mga dokumentong nasa harapan niya. 

“Umaasa talaga ako sa’yo! Hindi mo ako binigo simula pa lang noong una mong sabak dito sa trabaho. Kaya nga laking tuwa ko na ipinasa kita sa interbyu mo dati,” sambit pa nito dahilan upang siya’y mapangiti. 

“Salamat po talaga sa inyo, ma’am! Dahil din naman po sa inyo kaya ganitong klase ng trabaho ang napapakita ko sa ating mga boss,” tugon niya na bahagyang ikinakilig ng manager na ito.  

“Naku, nambola pa! Anong pagkain ang gusto mo habang nag-iinterbyu ng mga aplikante? Tiyak na magugutom ka, eh, nakita ko kasi ang pila ng mga aplikante, Diyos ko, abot na sa kabilang gusali!” wika pa nito dahilan upang siya’y mapasilip sa bintana at makita nga ang haba ng pila. 

“Kahit ano po, ma’am, basta hindi gaanong nakakabusog, mabilis po akong madumi, eh,” biro niya dahilan upang sila’y magtawanan. 

“Ikaw talaga, napakababoy mo! O, sige na! Magpapapasok na ako, ha? Galingan mo! Bibili na rin ako ng pagkain mong hindi gaanong nakakabusog!” tugon nito na lalo niyang ikinatawa. 

Isa sa mga pinakahinahangaang bagong empleyado sa isang sikat na kumpanya ang dalagang si Gigi. Sa maliit na panahong nagtatrabaho siya sa kumpanyang ito, agad siyang nakitaan ng potensyal ng mga nakatataas dito dahil sa galing niya sa pakikipag-usap sa mga kliyente at kapwa empleyado, sa angking niyang kasipagan at sa talas ng kaniyang pag-iisip. 

Sa katunayan, siya lang ang namumukod tanging empleyado na nakatanggap kaagad ng pagtaas ng posisyon at sahod sa tatlong buwan niyang pagpapakitang gilas dito. Marami mang naiinggit sa kaniya na matatagal ng empleyado rito, pinapatunayan niya pa lalong karapat-dapat siya sa posisyong mayroon siya ngayon. 

Siya na kasi ngayon ang tumatanggap at nagsasala sa mga empleyadong papasok sa kanilang kumpanya. Mahirap man ang kaniyang trabaho dahil kailangan niyang usisain maigi ang bawat aplikante, buong dedikasyon niya itong ginagawa. 

Kaya naman, noong araw na ‘yon, pagkapasok ng unang aplikante, agad na niyang sinimulan ang pag-iinterbyu. 

Ngunit, bahagyang napataas ang kilay niya nang mapansin ang gusot sa damit ng aplikante at tila hindi ang itsura nito. Kahit pa ganoon, pinagpatuloy niya pa rin ang pag-iinterbyu rito at bahagya siyang napahanga nito dahil magaling itong magsalita, nakakawili at may mapipiga talagang magandang impormasyon. 

Dito na siya nagtaka, “Kung matalino naman siya, bakit kaya ganito ang itsura niya?” dahilan upang ito’y usisain niya. 

“Sir, alam mo namang iinterbyuhin ka, hindi ba? Alam mo rin na kailangang presentable ka kapag dadaan ka sa interbyu upang makakuha ka ng trabaho, ‘di ba? Bakit naman po gan’yan ang suot niyo?” tanong niya rito dahilan upang ito’y mapakamot ng ulo. 

“Pasensya na po talaga, ma’am, sa ukay-ukay ko lang po kasi nabili ang polong ito. Wala po kaming plansta kaya medyo gusot-gusot ito. Saka siguro po nakadagdag na rin sa pagkapangit ng itsura ko ang pamamalagi ko po nang matagal sa labas. Kaninang ala una pa lang po ng madaling araw nakapila na ako. Nakakatuwa nga po na una ako sa pila,” paliwanag nito dahilan upang makaramdam siya ng kurot sa puso. 

“Ganyang klaseng empleyado ang kailangan namin,” bulong niya, “Sige po, sir, ito, magpamedical ka na po,” sambit niya rito dahilan upang magtatatalon-talon ito sa tuwa. 

Sa halos isang daang aplikanteng nainterbyu niya, dalawangpu lang sa mga ito ang nakapasa at sa dalawangpung iyon, labis na kinukuwestiyon ng manager nila ang pagtanggap niya sa unang aplikante na hindi mukhang presentable.

“Sabi naman sa’yo, galingan mo! Ang dami-daming aplikante, ‘yang mukhang basura pa ang kinuha mo!” sigaw sa kaniya ni Mrs. Gonzalez. 

“Magtiwala po kayo, nakikita ko po ang sarili ko sa kaniya noong nagsisimula pa lang ako rito. Ako pong bahala sa kaniya,” kumpiyansado niyang sagot dahilan upang lalo itong magalit. 

Ginawa niya nga ang lahat upang magabayan ang binatang iyon at laking tuwa niya dahil halos isang buwan lang ang lumipas, umayos ito nang pananamit at ito’y talaga nga namang nagpakitang gilas sa kanilang mga boss dahilan upang pati siya, maparangalan ng mga ito. 

“Sa pagkuha talaga ng empleyado, kailangang maging mautak ka at hindi sa pisikal na itsura lang bumase, pati dapat sa loob at kakayahan,” nakangiti niyang wika habang pinagmamasdan palakpakan ang empleyadong labis na nagpapasalamat sa kaniya. 

More Stories