Dahil Itinakwil ng mga Magulang ang Babae ay Nagkaroon Sila ng Espesyal na Anak ng Lalaking Sinamahan Niya, Hindi Nila Inakala na Bukod Doon ay May Biyaya Pa Pala ang Langit sa Kanila
“Lumayas kayo sa pamamahay ko, hindi ako sang-ayon sa gusto ninyong mangyari. Alam mo namang hindi namin gusto ng tatay mo ang lalaking iyan para sa iyo!” sigaw ni Julieta.
“Inay, mahal po namin ni Quintin ang isa’t isa!” sabi naman ni Celine sa ina.
“Mahal, naiintindihan mo ba ang sinasabi mo, Celine?” Anong ipapakain sa iyo ng lalaking iyan? Ni hindi nga nakatapos ng high school ang ga*ong iyan, e!”
Nagka-ibigan sina Celine at Quintin kahit todo tanggi ang mga magulang ni Celine na magsama sila ng binata ngunit nanaig ang pagmamahalan ng dalawa at nagtanan. Mula noon ay itinakwil na ng mga magulang ang babae at hinayaan itong sumama sa kasintahan.
“Huwag kang mag-aalala, mahal. Hindi mo pagsisisihan ang pagsama mo sa akin,” sabi ni Quintin.
Nagsama ang dalawa at umupa ng maliit na bahay para doon nila bubuuin ang plano nilang pamilya. Lumipas ang apat na taon ngunit hindi pa rin sila nabibiyayaan ng anak. Ang akala nga ni Celine ay may diperensiya silang mag-asawa kaya mahirap silang makabuo ng bata pero ‘di nagtagal ay dininig din ang kanilang panalangin at magkaroon ng anak. Iniluwal ni Celine ang sanggol na babae ngunit habang lumalaki ang bata ay napansin nilang may kakaiba rito kaya ipinatingin nila ang anak sa espesyalista.
“Misis, mister, mayroon pong down syndrome ang anak niyo,” wika ng doktor.
“Doc, s-sigurado po ba kayo, baka po nagkakamali lang kayo?” tanong ni Celine.
“Misis, sigurado po ako. Kailangan po ng anak ninyo ng ibayong pagtutok at pag-aalaga. Mahaba rin dapat ang pasensiya niyo sa kalagayan niya,” payo pa ng doktor.
Kahit may naiibang kondisyon ang anak ay binusog naman nila ito sa pag-aaruga at pagmamahal. Hindi nila ito itinuring na kakaiba bagkus ay itinuring nilang normal na bata.
Nang mabalitaan ng mga magulang ni Celine ang tungkol sa kanilang anak ni Quintin ay sinisi sila ng mga ito kung bakit nagkaganoon ang bata.
“Iyan ang nababagay sa inyo! Resulta iyan ng ginawa mong pagsuway sa amin ng tatay mo! Abnormal tuloy ang naging anak ninyo!” paninisi ng ina ni Celine.
“Kayo ang may kasalanan kung bakit naging ganyan ang kondisyon ng inyong anak. Walang dapat sisihin kundi kayo!” sigaw naman ng ama ni Celine na si Redentor.
“Hindi naman po abnormal ang anak ko. May down syndrome siya. Iba po iyon sa abnormal. Saka kahit ganito ang anak namin ni Quintin ay hindi namin siya itinuturing na kakaiba. Para po sa amin isa siyang biyaya,” wika ni Celine.
“Que down syndrome o kahit ano pa iyan, abnormal pa rin iyan dahil hindi normal ang isip ‘di tulad ng ibang bata,” sabi pa ni Julieta.
“Inay, kung nagpunta lamang kayo dito para insultuhin ang anak namin ay maaari na kayong umalis,” mahinahon niyang sabi.
“Aba, buti nga at dinalaw pa namin kayo. Kung tutuusin sa ginawa mong pagsuway at pagtalikod sa amin ay habang buhay ka na naming kinalimutan ng itay mo. Buti nga may natitira pa kaming awa sa iyo,” anito.
Nang makaalis ang kanyang mga magulang ay di niya napigilang maluha sa mga sinabi ng mga ito.
“Hayaan mo na sila, mahal,” wika ni Quintin habang yakap-yakap ang mag-ina.
“Masamang tao ba tayo, Quintin, bakit tayo pinahihirapan ng ganito?” tanong niya sa asawa.
“Walang masama sa pagmamahalan natin, mahal. Hindi ka masamang tao, isa kang mabuting ina at asawa at iyon ang mahalaga,” anito.
Minsan, habang pinapatulog niya ang anak ay bigla itong may itinanong kay Celine.
“Nanay, labs mo ba ako?” tanong ng anak na si Lala.
“Bakit mo naman naitanong iyan? Siyempre, labs na labs ka ni nanay!” aniya sabay halik sa noo ng anak.
“Pag nawala Lala, sasabihin ko kay God na bigyan ka isa pa Lala,” sabi ng anak.
Hindi makapaniwala si Celine na sinabi iyon sa kanya ng anak. Hindi niya iyon pinansin hanggang sa ‘di inaasahang pangyayari ang dumating sa buhay nila ng asawang si Quintin. Nagkasakit ang anak nilang si Lala at naglabas-masok sila sa ospital.
“Diyos ko, pagalingin niyo po ang anak namin,” mangiyak-ngiyak na wikal ni Celine habang nananalangin sa chapel ng ospital.
Nang bigla niyang marinig ang umiiyak na sigaw ng kanyang asawa.
“Mahal, mahal! Ang anak natin, wala na ang anak natin!” hagulgol ng lalaki.
Halos hindi nakakilos sa kinauupuan si Celine sa ibinalita ni Quintin. Gusto niyang magwala sa sandaling iyon. Hindi niya matanggap na wala na ang pinakamamahal nilang anak.
“Bakit po, bakit niyo siya binawi agad, bakit?” paulit-ulit niyang tanong.
Dalawang taon ang lumipas mula nang pumanaw si Lala. Sinubukan nilang muling magkaanak ngunit tila ayaw na silang bigyan ng langit.
“Siguro nga ay talagang malas tayo, Quintin. Dahil sa bawal na pagmamahalan natin ay ang kaisa-isa nating anak ang nagdusa at nagbayad sa mga kasalalan natin,” aniya.
“Huwag mng sabihin iyan, mahal. May dahilan ang Diyos kaya niya kinuha sa atin si Lala.”
Lumipas ang ilang buwan, nakaramdam ng kakaiba si Celine sa kanyang katawan. Palagi siyang nahihilo at nagsusuka. Kaya ipinakonsulta siya ni Quintin sa ospital at laking gulat nila nang malamang nagdadalantaong siyang muli.
“Totoo po ba, doc na magkaanaak ulit kami?” tanong ni Quintin sa doktor.
“Tama po ang narinig ninyo. Magkakaroon ulit kayo ng anak. Dalawang buwang buntis ang misis mo,” bunyag ng doktor.
Biglang may naalala si Celine. Bumalik sa gunita niya ang sinabi ni Lala…
“Pag nawala Lala, sasabihin ko ke God na bigyan ka isa pa Lala.”
Napaiyak si Celine sa sinabing iyon ng anak. Hindi niya akalaing tinupad nito ang sinabi na magkakaroon siya ulit ng anak.
“Salamat, anak. Maraming salamat. Labs na labs ka ni nanay!” bulong niya sa sarili.
Makalipas ang siyam na buwan ay isinilang ni Celine ang sanggol. Nang iluwal niya ito ay laking tuwa nilang mag-asawa dahil isang magandang sanggol na babae ang muling ipinagkaloob sa kanila. Lumaki ang bata na normal at malusog. Napatunayan nina Celine na napakabait ng Diyos, dahil sa kabila ng pagsuway niya sa mga magulang noon ay binigyan pa rin sila ni Quintin ng pagkakataong maging masaya kapiling ang bagong biyaya sa kanilang buhay.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!