Minamaliit ng Kapatid ang Dalagang Ito Dahil sa Kaniyang Pagmomodelo, Isang Matanda ang Nakatuwang Niya sa Labang Ito
“Hoy, Nica, nakahilata ka na agad d’yan! Magwalis-walis ka naman! Buong maghapon ka na nga sa labas, pabigat ka pa rito sa bahay! Alam mo, gusto na kitang walisin, eh, para kang malaking basura sa sahig!” bulyaw ni Tesang sa kaniyang kapatid, isang araw pagkauwi nito sa bahay.
“Pasensiya na po, ate, pagod lang ako. Maya maya po magwawalis na ako,” magalang na sagot ni Nica habang pikit-pikit ang kumikirot na mata bunsod ng kakulangan sa tulog.
“Aba, napagod ang prinsesa? Anong ginawa mong nakakapagod? Eh, naggagala-gala ka lang naman at naglalagay ng magagandang litrato sa social media! Samantala, sa iskwater ka lang naman nakatira!” sigaw pa nito sa kaniya dahilan upang mapabangon siya’t paunti-unting mag-imis ng mga gamit niya.
“Sabi ko naman po sa’yo, ate, iyon ang trabaho ko,” sagot niya rito saka tiniklop ang higaan niya.
“Anong klaseng trabaho ‘yon? Magpaka-impokrita sa mata ng ibang tao? Magkano ba ang sahod mo? Hindi ba’t wala pang limang libo kada buwan?” pangmamaliit nito sa kaniya.
“Hindi pa kasi ako sikat, ate, nagsisimula pa lang…” hindi na nito pinatapos ang sasabihin niya dahil agad na siya nitong dinabugan.
“Ilang beses ko nang naririnig ‘yan! Tama na, magwalis ka na!” sambit pa nito dahilan upang kahit bigat na bigat siya sa katawan, agad siyang nagwalis.
Mag-isa nang binubuhay ng dalagang si Nica ang kaniyang sarili sa pagmomodelo at dahil nga kakaumpisa niya pa lamang sa industriyang ito, wala pa siyang naipupundar kahit pa pera pang-upa ng silid dahilan upang siya’y manatili sa dati nilang bahay kung saan namamalagi ang kaniyang kapatid na may sarili ng pamilya.
Mayroon naman talaga siyang karapatan sa bahay na ito, kaya lang, bago mawala ang kaniyang mga magulang, hiningi na ng kaniyang kapatid ang bahay nilang ito dahilan upang tila ba siya’y nakikitira na lamang dito.
Sa katunayan, kada uuwi siya galing photoshoot, sandamakmak na sermon ang inaabot niya rito. Nais kasi nito na makapagbigay siya agad ng pera pandagdag sa gastusin doon katulad ng tubig at kuryente, ngunit naisin man niyang makapagbigay, wala siyang madukot dahil sa liit pa lamang ng sahod niya.
Pilitin man siyang patigilin ng kapatid sa trabaho niyang ito, takip tainga niyang tinatanggap ang mga sinasabi nito dahil mahal niya ang kaniyang trabaho.
Noong araw na ‘yon, pagtapos niyang magwalis, agad na siyang namahinga. Ngunit ilang oras pa lang ang nakalipas, agad siyang nagising dahil pinatayan na siya ng electric fan ng kaniyang kapatid.
“Mahal ang kuryente!” sigaw nito nang makitang naalimpungatan na siya, wala siyang magawa kung hindi ang bumuntong hininga at maghanap ng bahay na matutulugan dahil bagsak na bagsak pa ang kaniyang katawan.
Sa kabutihang palad, siya’y pinatulog ng isa sa kaniyang mga katrabaho sa inuupahan nitong kwarto at pagkagising niya, agad na siyang nag-ayos para sa isa na namang proyektong pagtatrabahuhan niya.
Habang siya’y kinukuhanan ng litrato suot-suot ang sarili niyang pundar na damit, may isang matandang babaeng napadaan. Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa habang hinihintay niyang makuhanan siya ng litrato dahilan upang bahagya siyang mailang.
Pagkatapos na pagkatapos siyang makuhanan, nagulat siya nang salubungin siya ng matandang ito at inabot sa kaniya ang isang paper bag na may naggagandahang damit.
“Ito, suotin mo, hindi ‘yang pipitiyuging tela!” sambit nito sa kaniya saka siya hinila sa dressing room at siya’y binihisan, “Kung nais mong maging isang tanyag na modelo, hindi lang magandang mukha at katawan ang kailangan mo, dapat, marunong ka rin mamili ng damit!” dagdag pa nito dahilan upang siya’y mapangiti dahil naaalala niya rito ang kaniyang ina.
Pagkalabas na pagkalabas niya ng dressing room, naagaw niya lahat ng atensyon ng mga tao roon dahilan upang mapapalakpak ang direktor na naroon at lumaki ang sahod niya.
Doon na nagsimulang umingay ang pangalan niya sa industriyang ‘yon. Sa tulong ng matandang babaeng patuloy na nagbibigay sa kaniya ng magagandang damit, patuloy na dumami ang kumukuha sa kaniya at doon na siya tuluyang nakaipon hanggang sa magkaroon na siya ng sariling bahay.
Kahit pa ganoon na ang estado ng buhay niya at kahit katakot-takot na pangmamaliit man ang narasanan niya sa kaniyang kapatid, hindi pa rin siya nakalimot na ito’y tulungan.
Dahil sa kabaitan niyang iyon, mas lalong umingay ang pangalan niya hanggang mayroon nang programa sa telebisyon ang kumuha sa kaniya.
“Salamat po, inang, salamat talaga,” tangi niyang sambit sa matandang babae habang ito’y yakap-yakap niya.