Sinigaw-sigawan ng Ginang na Ito ang Isang Matandang Nakabasag ng mga Paninda Niya; Hindi Niya Akalaing may Koneksyon pala ito sa Kaniyang Anak
“Ay, Diyos ko, naman, ho! Anong ginawa niyo sa mga tasa ko!” sigaw ni Kora sa isang matanda, isang araw nang mabasag nito ang kaniyang mga panindang tasang babasagin.
“Pasensiya na, hija, nawalan ako ng balanse, eh, d’yan tuloy ako napaupo sa mga paninda mo. Tingnan mo nga’t mayroon na akong sugat sa puwetan,” paliwanag nito habang pilit na tinatayo ang sarili mula sa pagkakahiga sa mga babasaging tasa, kitang-kita sa puti nitong bestida ang mga dugong dahil sa nabasag na tasa.
“Wala po akong pakialam sa sugat niyo! Halos kalahati po ng paninda ko ang nabasag niyo!” bulyaw niya pa rito, dahilan upang pagtinginan lalo ng mga tao roon ang matandang nakabasag.
“Hindi ko naman sinasadya, hija, pasensiya ka na, huwag mo akong sigawan sa harap ng maraming tao,” malumanay na sagot nito, bakas sa mukha nito ang labis na kahihiyan.
“Paanong hindi ka ho sisigawan, ha? Alam niyo naman pong mahina na ang tuhod niyo, kung saan-saan pa kayo nagala, ayan tuloy, nakabasag na kayo! Ano na ang balak niyo sa mga nasabag niyo? May pangbayad ho ba kayo, ha?” galit na galit niyang tanong dito dahilan upang mapadukot ito sa wallet at iabot sa kaniyaang hindi baba sa sampung piso na labis niya pang ikinagalit, “Diyos ko, kapag minamalas ka talaga! Saan aabot ang isang daang piso?” tugon niya saka itinapon sa matanda ang pera.
Mag-iisang dekada ng tindera ng mga babasaging tasa, plato, baso at iba pang gamit sa bahay sa Divisoria ang ginang na si Kora. Dito niya napagtapos ang nag-iisa niyang anak na ngayo’y isa nang matagumpay na doktor.
Ngunit kahit isa ng propesyonal ang kaniyang anak, hindi niya pa rin tinitigil ang pagtitinda dahil bukod sa nais niyang may mapaglibangan, gusto niya ring may sarili siyang pera.
At dahil nga bahagya na siyang nakakaangat-angat sa buhay, ang dating mabait at palakaibigan na tindera, isa na ngayong istrikta at masungit na tindera na hindi nagpapatawad kahit na bente pesos dahil lagi niyang katwiran, “Hindi ko pinupulot ang pinangpuhunan ko,” dahilan upang paunti-unti siyang mawalan ng customer.
Ito rin ang dahilan upang bawat paninda niya, kaniyang labis na pahalagahan. Kaya naman, nang mabasag ng isang matanda ang kaniyang paninda, ganoon na lang ang galit niya rito. Lalo pa nang malaman niyang wala itong sapat na pera pangbayad.
Noong araw na ‘yon, matapos niyang ibato sa matanda ang isang daang piso nito, may isang matangkad na lalaki ang bigla ring nagbato sa kaniya ng hindi bababa sa sampung-libong piso dahilan upang labis siyang magulat.
“Kulang pa po ba ‘yan? Magkano po ba lahat ng paninda niyo, ha?” sigaw sa kaniya nito habang yakap-yakap ang matandang naiyak na dahil sa kahihiyan.
“Ah, eh, do-doc, kamusta po?” uutal-utal niyang tanong dito nang makilala niyang isa ito sa mga matataas na doktor sa ospital na pinagtatrababuhan ng kaniyang anak.
“Aba, kayo po pala ‘yan. Tama nga ang mga bali-balita sa ospital, ang nanay nga ni Doc. Diego, walang pakundangan sa mga mamimili,” sambit nito dahilan upang manlamig siya sa kaba.
“Pasensiya na ho kayo, doc, sana po hindi maapektuhan ang trabaho ng anak ko. Nadala lang po ako ng emosyon,” paliwanag niya rito habang ito’y palaas na ng kaniyang tindahan.
“Ipanalangin niyo pong huwag din akong madala ng emosyon dahil sa ginawa niyo sa lola ko, na may-ari lang naman po ng ospital na pinagtatrababuhan ng anak niyo,” galit na tugon nito saka tuluyang inakay palayo ang matanda.
Dahil sa pangyayaring ito, magkahalong kaba at takot ang kaniyang naramdaman para sa nanganganib na trabaho ng kaniyang anak dahilan upang agad niya itong ipaalam dito.
Labis itong nagalit sa kaniya. Wika nito, “Mama, naman, eh! Sabi ko naman po sa’yo, mag-ingat ka sa mga sinusungitan mo dahil madalas d’yan sila boss! ‘Yong matandang ‘yon, medyo ulyanin na ‘yon, mama, kaya hindi nila binibigyan ng malaking halaga ng pera! Paano na ako niyan ngayon, mama?” dahilan upang mapaluha na lang siya sa labis na pagsisisi.
Kinabukasan, agad siyang nagtungo sa ospital na pinagtatrababuhan ng anak. Hinanap niya kaagad ang naturang matanda at naabutan niya itong pasakay ng mamahaling sasakyan sa likuran ng naturang ospital.
Halos lumuhod siya sa harapan nito upang humingi ng tawad. Tiningnan lang siya ng apo nitong doktor, bakas sa mukha nito ang labis na galit sa kaniya dahil sa natamong sugat ng matanda.
Mabuti na lang talaga at may kabaitan ang naturang matanda, hinawakan siya nito sa kamay at sinabing, “Hija, ang pagiging makatao ang sagot sa matagumpay na negosyo. Huwag kang mag-alala, pinatawad na kita kahapon pa,” saka ito tuluyang sumakay ng sasakyan.
Maluha-luha siya sa tuwa nang marinig ang mga katagang iyon. Tila nabunutan siya ng tinik dahil nakasigurado na siyang hindi matatanggal sa trabaho ang kaniyang anak. Ito ang dahilan upang ganoon na lang siya magbago ng ugali sa pagtitinda.