Kinalimutan ng Isang Dalaga ang Kaniyang Pangarap Para sa mga Kapatid; Paglipas ng Panahon ay Ito ang Kanilang Ganti
“‘Nay, pwede ko po ba kayong kausapin?” bungad ni Agnes sa kaniyang inang si Flor habang abala ito sa gawaing bahay.
“Tungkol saan, anak?” tanong naman ina.
“Malapit na po kasi akong magtapos ng hayskul. Gusto ko po sana malaman kung makakapagkolehiyo pa po ako,” sambit ng dalaga.
Medyo nalungkot at ina at sandaling tumigil sa kaniyang ginagawa upang makausap ng masinsinan ang anak.
“Alam mo na kung ako lamang ang masusunod ay gusto kong pag-aralin ka, anak. Ngunit hindi na namin kaya ng tatay mo na magpaaral sa kolehiyo. Nag-aaral na rin ang apat mo pang kapatid. Sa ngayon ay kailangan namin ng tulong mo,” pag-amin ng ina.
Masakit man sa kalooban ng dalaga ay pilit na lamang niyang inintindi ang kaniyang mga magulang. Sa halip na magmukmok ay tinulungan niya ang kaniyang nanay at tatay sa paghahanapbuhay.
Nais sana ni Agnes na maging isang guro. Ngunit dahil kapos ang kanilang mga pamilya ay kailangan niyang isantabi muna ang kaniyang pangarap. Pumasok si Agnes bilang isang mananahi sa isang pabrika.
Naging katu-katulong na siya ng kaniyang mga magulang sa mga gastusin sa bahay at sa pagpapaaral ng kaniyang kapatid. Ngunit hindi pa rin niya tuluyang kinakalimutan ang kaniyang pangarap na maging isang guro.
“‘Nay, kapag nakatapos ang dalawa sa mga kapatid ko ng elementarya, baka naman po pwede ko nang ituloy ang pag-aaral ko sa kolehiyo. Mas magandang trabaho po ang makukuha ko kung mag-aaral ako,” sambit ni Agnes sa kaniyang ina.
“Mas kailangan kita lalo, Agnes. Alam mo namang mahina ang kita ng tatay mo ngayon at ako naman ang bahala dito sa bahay. Marami pa tayong gastusin. Kung titigil ka sa pagtatrabaho ay paano na lamang tayo?” tugon naman ng ina.
Hindi naman nagtatanim ng sama ng loob ang dalaga sapagkat nais din naman niyang makatulong sa kaniyang mga magulang. Dahil bata pa nga ang kaniyang mga kapatid ay siya lamang ang aasahan ng mga ito.
Hanggang sa tuluyan nang nawalan ng trabaho ang kaniyang ama. At naglalabanda na ang kaniyang ina para lamang maitawid ang kanilang mga pangangailangan.
Dito ay pinagdesisyunan ni Agnes na ituon na lamang ang kaniyang buhay sa pagsisilbi sa kaniyang pamilya. Nais niyang mapagtapos ng pag-aaral ang kaniyang mga kapatid.
Lumipas ang mga taon at napagtapos niya ng hayskul ang apat pa niyang kapatid.
Nais sana ng kaniyang pangalawang kapatid na huminto muna ng pag-aaral upang tulungan siya sa mga gastusin.
“Walang hihinto sa inyo. Magpapatuloy kayo sa pag-aaral,” mariin at pinal niyang sambit.
“Kahit na magkandabali-bali itong likod ko kakatrabaho ay wala akong pakialam, basta walang hihinto sa inyo ng pag-aaral!” saad pa ni Agnes.
Ipinagpatuloy ni Agnes ang pagsuporta sa kaniyang mga kapatid. Wala sa mga ito ang natigil sa pag-aaral.
“Agnes, hindi ko maiwasan na mapansin na parang lahat na lamang ng kinikita mo ay napupunta para sa mga kapatid mo. Paano ka naman kapag nagkaroon na sila ng kani-kanilang pamilya?” tanong ng isang kaibigan.
“Matagal na panahon na akong nagdesisyon na hindiko sila itutulad sa nangyari sa akin. Gusto ko ay makapag-aral sila nang sa gayon ay magkaroon sila ng magandang buhay. Kaya kong isakripisyo ang sarili ko at ang pangarap ko para sa kanila,” tugon ng dalaga.
Lumipas ang mga taon ay isa-isa ng nakapagtapos ng pag-aaral ang kaniyang mga kapatid. Mga naging matagumpay na rin ang mga ito sa kani-kanilang buhay.
Labis ang saya na nararamdamn ni Agnes sapagkat natupad na ang kaniyang pangarap na maging maganda ang kinabukasan ng kaniyang pamilya.
Sa araw ng kaniyang kaarawan ay ipinaghanda siya ng kaniyang mga kapatid. Ikinagulat niya sapagkat hindi niya ito inaasahan. Sa katunayan ay nakagayak na nga siya upang pumasok sa pabrika.
“H’wag ka nang pumasok sa trabaho mo, ate,” sambit ng isang kapatid.
“Sige, hindi na ako papasok ngayon. Magpapaalam lang ako sa boss ko. Sasabihin ko na narito ang mga kapatid ko para sa isang simpleng selebrasyon sa kaarawan ko,” masayang wika ni Agnes.
“Hindi, ate, hindi ka na papasok sa trabaho kahit kailan,” saad pa ng isang kapatid.
“Simula ngayon ay hindi ka na magtatrabaho. Tinupad mo ang pangarap mo para sa amin, panahon na para tuparin mo naman ang pangarap mo sa iyong sarili,” saad pa ng bunso.
“Maghahati-hati kami, ate, para makapag-aral ka at matupad mo ang nais mong maging isang guro. Kami na rin ang bahala sa lahat ng gastusin mo sa bahay. Ito ang kapalit ng lahat ng sakripisyo mo sa akin. Sa pagkakataong ito, ate, kami naman!” wika ng nakababatang kapatid.
Napaluha na lamang si Agnes sa sinambit ng kaniyang mga kapatid. Hindi niya akalain na darating ang panahon na matutupad din niya ang kaniyang mga pangarap.
Tuluyan nang umalis ang dalaga sa pagtatrabaho sa pabrika at itinuloy ang kaniyang pag-aaral. Baon niya ang lahat ng pagmamahal at malasakit na ibinabalik ng kaniyang mga kapatid mula sa lahat ng kaniyang pagsasakripisyo.