Inday TrendingInday Trending
Mataas ang Tingin ng Isang Dalaga sa Kaniyang Sarili dahil Lagi Siyang nasa Uso; Mapapahiya Siya sa Isang Ka-Opisina

Mataas ang Tingin ng Isang Dalaga sa Kaniyang Sarili dahil Lagi Siyang nasa Uso; Mapapahiya Siya sa Isang Ka-Opisina

“Wow, napakaganda mo naman, Stefanie. Parang bago na naman iyang damit at bag mo, ano?” saad ni Rina sa kaniyang kaibigan at kaopisinang si Stef.

“Siyempre naman! Kilala niyo naman ako, hindi basta-basta ang mga damit at gamit na binibili ko. Lahat kailangan ay magaganda ang tatak. Kaya tiyak na mamahalin,” tugon naman ng dalaga.

“Hindi katulad niyang si Alexa. Tingnan mo nga kung manamit,” wika pa ni Stefanie.

“Alexa, noong lunes ay iyan na rin ang soot mo, a. Ilang beses ka bang mag-ulit ng damit sa isang linggo?” panunukso ni Stef sa dalaga.

“Nilalabhan ko naman ang damit ko, Stef,” saad ng dalaga.

“Oo nga. Pero ang ibig kong sabihin ay baka pwedeng bumili ka naman ng mga damit na magmumukha kang susyal. Tingnan mo nga ang itsura mo, halatang mumurahin ang mga damit mo. Humaharap ka sa mga kliyente ng ganiyan? Baka isipin nila lahat ng nagtatrabaho dito ay kagaya mo,” saad pa nito.

Hindi na lamang pinansin ni Alexa ang mga sinabi ni Stef. Basta siya ay patuloy sa pagtatrabaho habang wala pa ring tigil sa pag-uumpukan ang mga babae para makita lamang ang mga bago at mamahaling gamit ni Stef.

Nang sumunod na linggo ay halos iwasiwas naman ng dalaga ang kaniyang bagong biling telepono.

“Nakita niyo ba ito? Nag-order talaga ako nito online para ako ang maunang may ganitong telepono,” saad ni Stefanie sa mga kasamahan.

“Hindi ba napakamahal ng teleponong iyan?” tanong naman ni Rina.

“Syempre! Pero gustung-gusto ko kasi ang telepono na ito kaya binili ko na talaga siya. Ayoko nang maghintay pa na bumaba ang presyo nito,” saad ni Stef.

Nakita niyang tila walang interes si Alexa sa bagong teleponong kaniyang ipinagyayabang.

“Alexa, siguro ay ngayon ka lamang nakakita ng ganitong telepono. Gusto mo bang mahawakan para naman malaman mo kung paano ang pakiramdam ng mayroong ganito?” pang-aalaska niya sa kaniyang kaopisina.

“Hindi na bale, Stef. Hindi rin naman ako marunong gumamit ng ganiyang uri ng telepono,” wika naman ni Alexa.

“Ito ba ang telepono mo, Alexa? Sobrang luma na nito. Bakit ayaw mo pang palitan. Hindi ka ba nakakakuha man lamang ng komisyon dito sa kumpanya? Bakit parang lagi kang tag-hirap? Ayan kasi ang sinasabi ko sa’yo. Kung pumupustura ka ay lalapitan ka rin ng mayayamang kliyente, tulad ko,” pagmamalaki ni Stefanie.

“Ayos na sa akin ang telepono ko. Luma man ay gumagana pa rin. Saka iniingatan ko talaga ito,” saad naman ng dalaga.

“Bahala ka sa buhay mo. Kaya wala kang nakukuhang kliyente e!”

Dumaan ang araw at patuloy pa rin ang pagsunod ni Stefanie sa kaniyang mga luho. Lalo siyang bumili ng mamahaling mga damit na kaniyang susuotin sa araw ng parangal ng empleyado na mayroong pinakamalaking komisyon.

Suot ang magarang damit at dala ang mamahaling bag ay inaasahan na ni Stefanie na makukuha niya ang parangal. Ngunit napahiya siya nang hindi man lamang binanggit ang kaniyang pangalan.

Hindi niya akalain na si Alexa pa ang magiging empleyado ng taon. Inaasahan pa naman niya ang karagdagang komisyon na kaniyang makukuha sa parangal na ito upang maibayad sa kaniyang mga pagkakautang.

Lalo siyang napahiya nang malaman niya ng gabing iyon kung ano na ba ang tunay na narating ni Alexa.

Ginagamit pala ni Alexa ang lahat ng kaniyang komisyon upang makapagpatayo ng sariling bahay. Nakapundar na rin ito ng mga sasakyan na ginagamit niya sa sinimulan niyang negosyo. At saka napag-aral na rin niya ang kaniyang mga kapatid at siya pa ang nagbibigay sa mga pangangailangan ng kaniyang pamilya.

Habang sa pagbabaliktanaw ni Stefanie ay ni wala man lamang siyang naitulong sa kaniyang pamilya. Wala pa rin siyang naipundar at ang tanging mayroon siya ay mga utang sa banko.

Nang tanungin niya si Alexa kung paano niya ito nagawa ay ito lamang naisagot sa kaniya ng dalaga.

“Hindi ko kasi binibili ang mga bagay na hindi ko kailangan. Hindi ako ang uri ng tao na kailangan kong gastusan ang sarili ko para lamang magmukhang kaaya-aya sa paningin ng iba. Hindi ko na kailangan pang pagmukain lamang ang sarili ko na mayaman sa harap ng kliyente dahil ang binebenta ko ay produkto ng kumpanya at hindi ang aking sarili. Tapat ako sa kanila kung sa produkto lamang ang pag-uusapan. Iyon lamang ang sikreto ko sa buhay,” pahayag ni Alexa.

Dahil dito ay nag-iba ang pananaw ni Stefanie sa kaniyang buhay. Upang mabayaran niya ang kaniyang mga pagkakautang ay binenta niya ang kaniyang mga mamahaling gamit. Hindi na rin siya nakikisabay sa uso. Mas binigyan niya ng pansin ang pag-iipon at paghawak nang maigi sa kaniyang pera.

Hindi masama ang maghangad ng magagandang gamit ngunit kailangan ay iayon natin ito sa ating kinikita at pangangailangan. Mas mainam kasi na ang pinaghirapan natin ay napupunta sa tama upang umunlad ang ating buhay.

Advertisement