Iniwan ng Isang Ginang ang Kaniyang Asawang May Kapansanan; Hindi Nila Inaakala na Ganito ang Gagawin ng Anak
“Ang tagal namang umuwi ni papa, ma. Gagabihin daw po ba siya ulit ngayon? Nangako po kasi siya sa akin na tutulungan niya ako sa asignatura ko,” saad ni Paul sa kaniyang inang si Maite.
“Alam mo naman ang trabaho ng papa mo. Hindi madali ang maging isang inhinyero. Pero kapag nangako siya ay tinutupad naman niya, hindi ba. Kaya maghintay ka lamang sandali,” tugon naman ng ginang sa anak.
Wala pang ilang saglit ay nariyan na ang amang si Jimmy.
“Huli na ba ako para sa hapunan?” saad ng ginoo.
“Tamang-tama lamang ang dating mo. Pero itong anak mo kanina ka pa hinihintay,” tugon ni Maite sa asawa.
“Talagang pinilit kong makauwi ng maaga ngayon dahil may pangako ako sa kaniya. Saka alam mo ba, Paul, bumili din ako ng paborito nating hopia nang sa gayon ay may makakain tayo kapag tinuruan na kita sa asignatura mo,” sambit ng ama sa anak.
Labis naman ang tuwa ng bata sa tinuran ng ama.
Larawan ng isang perpektong pamilya ang mag-anak. Isang inhinyero si Jimmy at ang kaniyang maybahay na si Maite ang bahala sa pag-aalaga sa kanilang pamilya. Kahit na abala sa trabaho ang ginoo ay sinisigurado nito na mayroon siyang sapat na oras na nakalaan para sa kaniyang pamilya.
Para kasi kay Jimmy ay una lagi sa kaniyang listahan ang kaniyang mag-ina. Kaya ginagawa niya ang lahat upang mabigyan ang mga ito ng magandang kinabukasan.
Hindi rin katulad ng ibang mga amang abala sa trabaho, sinisigurado ni Jimmy na may nakalaang panahon siya para sa nag-iisang anak na si Paul. Siya pa nga ang naghahatid dito sa eskwela. At pagdating ng gabi ay ang ginoo pa rin ang nagtuturo sa mga takdang-aralin nito.
“Papa, hindi pa po ba kayo napapagod mula sa trabaho, tapos ay tuturuan niyo pa po ako?” tanong ni Paul sa ama.
“Pagod ako lagi sa trabaho, anak. Pero ikaw ang pampawala ng pagod ko. Kayo ng mama mo. Kaya gustung-gusto ko itong bonding nating ito kasi nawawala ang lahat ng stress ko mula sa trabaho,” tugon naman ng ama.
Lumaking malapit si Paul sa kaniyang ama. Sa katunayan nga ay nais din nitong maging isang inhinyero tulad ng kaniyang papa.
Ngunit ang lahat ng saya ng kanilang pamilya ay bigla na lamang naglaho nang isang araw ay nadisgrasya si Jimmy sa isang site kung saan siya kasalukuyang nagtatrabaho. Sa tindi ng aksidente ay mirakulo na lamang na nabuhay pa ang ginoo.
Nagbago ng husto ang buhay ng mag-anak lalo pa at naging baldado na si Jimmy. May nakuha mang tulong mula sa kumpanyang pinagtatrabahuhan ay hindi pa rin to sapat para sa kanilang mga pangangailangan.
“Hindi ko na kaya ang ganitong buhay, Jimmy. Ibabalik na lang muna kita sa mga kapatid mo. Isasama ko na lang si Paul at ipapabantay ko sa aking mga magulang upang makapagtrabaho ako,” saad ni Maite sa kaniyang mister.
“Pasensiya ka na sa akin kung nagiging pabigat ako sa’yo, Maite. Hayaan mo kapag umayos na ang pangangatawan ko at nakalakad na ako na muli ang magtatrabaho para sa atin,” saad ng ginoo.
Ngunit tinapat na si Maite ng mga doktor na kahit kailanman ay hindi na makakalakad ang kaniyang asawa.
Tutol man sa pagtatrabaho ng kaniyang asawa si Jimmy ay wala na siyang magawa dahil sa kalagayan niya ay hindi pa niya magagawang maghanapbuhay. Ni hindi nga niya kayang alagaan man lamang ang kaniyang anak o ang kaniyang sarili.
Sa ilang buwan ng pagtatrabaho ng ginang ay napansin ni Jimmy ang panlalamig nito. Madalas nga ay hindi na siya nito pinupuntahan tulad ng dati. Hanggang sa isang araw ay nagulat na lamang siya nang nag-aalsabalutan na ang ginang.
“Hindi na ba talaga kayo uuwi ng anak natin dito sa bahay? Bakit kinukuha mo na ang mga gamit niyo?” pagtataka ni Jimmy.
“Kailangan nating harapin ang katotohanan, Jimmy. Wala nang patutunguhan ang relasyon natin. Isasama ko na rin si Paul nang sa gayon ay wala ka nang iintindihin,” sambit ng ginang.
“Ganun na lang ba iyon, Maite? Bigla mo na lang tatalikuran ang pamilya natin dahil lang may kapansanan na ako?” pahayag pa ni Jimmy.
“May iba na akong mahal, Jimmy. At siya ang makakapagbigay ng kaligayahan na hindi ko na kayang makuha pa sa iyo. Sinasabi ko lang sa iyo ang totoo,” wika pa ni Maite.
Mas masakit pa ang nararamdaman ngayon ni Jimmy kaysa nang maaksidente siya. Hindi niya akalain na sa isang iglap ay mawawala na lamang sa kaniya ang kaniyang mag-ina. Hindi niya alam kung sino ang sisisihin sa pangyayaring ito.
Halos pagsakluban siya ng langit at lupa lalo nang mapagtanto niyang hindi na niya madalas makakasama pa ang kaniyang anak.
Ilang linggo ang nakalipas at lubusan ang pangungulila ni Jimmy sa kaniyang anak. Nakatanggap siya ng tawag na nawawala raw ito at kahapon pa hindi nakikita.
Lubos ang pag-aalala ni Jimmy kay Paul. Pilit siyang tumatayo upang hanapin sana ang anak nang biglang narinig niya ang tinig nito.
“Papa!” sambit ni Paul sa kaniyang ama.
Nang lumingon ang ginoo ay hindi niya inakala na naroon nga sa kaisa-isang anak. Agad itong lumapit sa kaniya at niyakap ang ama.
“A-ano ang ginagawa mo dito, anak? Saan ka ba nagpuntang bata ka?” tanong ng nag-aalalang ginoo.
“Umalis po ako dahil gusto ko na pong umuwi sa inyo, papa. May bago na rin po kasing asawa si mama,” pahayag ng umiiyak na bata.
“Sinasaktan ka ba nila, anak?” muling tanong ng ama.
Umiling ang bata.
“O, bakit ayaw mo na doon sa mama mo?” patuloy si Jimmy sa pagtatanong sa anak.
“Gusto ko po dito sa inyo, papa. Gusto ko po na kayo ang kasama ko. Miss na miss ko na po kayo, papa!” muling yumakap si Paul sa kaniyang ama.
Nang malaman ni Maite na naroon ang anak ay agad niya itong sinundo upang ibalik sa kanilang bahay ngunit patuloy ang pagtanggi ni Paul. Hanggang sa pinabayaan na lamang ni Maite na manatili ang bata sa kaniyang ama.
Nang tanungin ni Jimmy ang anak kung bakit ay napaluha siya sa tinugon nito.
“Noon po ay wala kayong inisip kung hindi ang aming kabutihan. Lagi po kayong nariyan para sa akin. Kaya ngayong kayo naman ang nangangailangan, papa, ako naman po ang nandito sa inyong tabi. Hinding-hindi ko po kayo iiwan. Kahit mahirapan ako dahil maliit lamang ang katawan ko at hindi ko kayo maaalagaan ng husto ay titiisin ko po makasama lamang kayo,” saad ng bata.
Hindi na napigilan pa ni Jimmy ang maiyak sa sinabing ito ng kaniyang anak. Hindi niya akalain na ang pagmamahal palang itinanim niya dito ay kaniya ring aanihin bandang huli. Nanatili si Paul sa piling ng kaniyang ama.
Kahit na baldado ay hindi doon tumigil ang buhay ni Jimmy sapagkat kumuha pa rin siya ng mga proyekto upang matustusan ang pangangailangan nilang mag-ama.
Magkasama sina Jimmy at Paul na hinarap ang mas matamis na bukas.