Inday TrendingInday Trending
Hindi Isinuko ng Isang Lalaki ang Buhay ng Kaniyang Mag-Ama; Lahat ay Nagulat sa Nangyari sa mga Ito

Hindi Isinuko ng Isang Lalaki ang Buhay ng Kaniyang Mag-Ama; Lahat ay Nagulat sa Nangyari sa mga Ito

“Daina, ‘wag mo naman gawin sa akin ito. Hindi ba ang sabi mo ang pangarap mo ay ang makasama kami nang matagal ng magiging anak natin? Lumabas na si baby, mahal, at ang ganda-ganda niya. Kaya sana ay gumising ka na riyan,” pagtangis ng mister na si Jomel sa kaniyang asawang nakaratay.

Matagal hiniling ng mag-asawa ang magkaroon ng anak. Kaya nung malaman nilang buntis ang misis na si Daina ay lubos ang kanilang kaligayahan. Hindi na nga sila makapaghintay na sa wakas ay mabuo na ang kanilang pamilya.

Naaalala pa ni Jomel kung gaano pagtuunan ng pansin ng kaniyang misis ang mga inihahandang gamit para sa lalabas nilang sanggol. Binuburdahan pa nito isa-isa ag mga damit ng kanilang magiging anak.

Maayos naman ang naging pagbubuntis ni Daina. Ngunit nang araw na manganganak na ito ay bigla na lamang itong nahimatay. Ang sabi ng mga doktor ay inatake raw ito sa puso at nangangailangan nang biyakin ang kaniyang tiyan upang mailabas ang bata. Ngunit simula ng operasyon ay hindi na ito nagigising.

Pang-apat na araw na nila sa ospital ngunit wala pa ring nakikitang pagbabago sa lagay ni Daina. Sa katunayan ay lalo pa ngang lumalala ang kalagayan nito.

“Dok, ano na po ba ang lagay ng asawa ko? Kailan po ba siya gigising?” tanong ni Jomel sa mga doktor.

“Walang nakakaalam, ginoo. Sa ngayon ay ginagawa po namin ang lahat ng kailangan para po mapabuti ang kaniyang kalagayan,” tugon ng mga ito.

Habang nakaratay ang kaniyang asawa ay inoobserbahan din ang kaniyang anak sa silid kung nasaan ang mga batang may sakit.

Doble ang kaniyang pag-aalala sapagkat hindi niya alam kung paano hahatiin ang kaniyang katawan sa kaniyang mag-ina. Wala siyang magawa kung hindi ang manalangin.

“Mister, kailangan ng gatas ng ina ng bata para siya ay mas lumakas,” saad ng doktor sa ginoo.

“Ngunit ano po ang gagawin ko? Wala pa rin pong malay ang aking asawa,” tanong naman ni Jomel.

“Maaari po kayong manghingi sa ibang mga nanay dito para po makaag-donate sila sa inyo ng kanilang mga gatas. Mas mainam po kasi ito para sa katawan ng inyong anak,” paliwanag pa ng espesiyalista.

Hindi na nagawa pa ni Jomel na mahiya sa ibang mga nanay. Talagang kinapalan niya ang kaniyang mukha upang makahingi ng gatas para sa kaniyang anak. Araw-araw ay lumilibot siya sa ward upang makahingi ng gatas ng ina.

Hindi niya ininda ang paulit-ulit na pagtatanong ng mga ito kung nasaan ang nanay ng bata at kung bakit kailangan nito ng gatas ng ina.

Samantala, wala pa ring malay si Daina. Lumalaki na ang kanilang gastusin sa ospital. Kung kani-kanino na lumalapit ang ginoo para sa kaunting tulong.

“Baka nahihirapan na rin si Ate Daina, kuya. Isuko mo na siya,” saad ng kapatid ng ginoo.

“Wala akong isusuko. Hindi ang anak ko, hindi ang asawa ko,” tugon ni Jomel.

“Pero, kuya, mga doktor na ang nagsasabi na malaki ang tiyansa na hindi na magising ang Ate Daina. Pati ang anak mo ay nanghihina na rin. Hindi ka ba naaawa sa kaniya na puro turok na lamang siya sa katawan? Kung hindi na kaya ay huwag mo nang ilaban,” wika pa ng kapatid.

“Sino ka at sino sila para sabihing wala nang tiyansang mabuhay pa ang mag-ina ko? Lahat ng paraan ay gagawin ko hanggang nakikita kong lumalaban sila. Kahit na ang kapalit pa nito ay buhay ko, wala akong pakialam. Ilalaban ko sila hanggang may pag-asa,” sambit muli ng ginoo.

Naubos na ang lahat ng ipon at naipundar ni Jomel at nang kaniyang asawa. Naibenta na rin niya ang kanilang sasakyan at naisangla na niya ang kanilang bahay. Ilang linggo na rin kasi silang nasa ospital at patuloy niyang inilalaban ang buhay ng kaniyang mag-ina.

Kahit marami na ang nagsasabi na wala ng pag-asa pa na mabuhay ang mag-ina ay hindi siya nawawalan ng pag-asa. Patuloy siyang nanananlangin sa Panginoon na sana ay gumaling na ang kaniyang mag-ina.

Walang sawang nangolekta si Jomel ng kailangang gatas ng ina ng bata upang lumakas ito. Hindi nagtagal ay unti-unting bumuti ang kalagayan ng kaniyang anak.

Hanggang isang araw ay tinapat na si Jomel ng mga doktor tungkol naman sa kalagayan ng kaniyang misis na si Daina.

“Maliit na talaga ang tyansa na mabuhay pa ang asawa mo. kailangan mo nang magdesisyon kung tatanggalin na ang makina na sumusuporta sa kaniyang buhay,” saad ng doktor.

Marami ang kumukumbinsi sa ginoo pati na rin ang ilang kapamilya nila ngunit hindi bumibitaw si Jomel sa kaniyang mga desisyon.

“Hanggang hindi sumusuko ang asawa at anak ko ay hindi rin po ako susuko. Kahit mawala ang lahat ng pinaghirapan ko, basta hindi ko isusuko ang mag-ina ko,” wika pa ng ginoo.

Hanggang sa ang lahat ay nagulat nang bigla na lamang gumalaw ang mga daliri ni Daina. Dumilat ang mga mga nito at kahit hirap ay pilit itong nagsalita.

“M-mahal ko,” sambit ng ginang.

Sa labis na tuwa ay hindi na naiwasan pa ni Jomel ang mapaluha.

“Sa wakas ay nagbalik ka na sa akin,” sambit ng ginoo sa kaniyang misis.

Kahit ang mga doktor ay nagulat nang makita na biglang bumuti ang kalagayan ng ginang. Makalipas pa ang ilang araw ay tuluyan ng tinanggal ang makinang nakasuporta dito at nakakahinga na ito nang mag-isa.

Sobrang naantig ang kalooban ng ginang nang malaman niyang nagtityaga ang asawa na mangolekta ng gatas ng ina para lamang maibigay sa kanilang anak upang lumakas ito. Nang bumuti na ang kalagayan ng ginang ay saka siya nagkuwento sa asawa.

“Alam mo may mga pagkakataon na nahihirapan na ako at nais ko nang bumigay. Ngunit binubuhay ako ng pagmamahal mo at ng pag-asang ibinibigay mo sa akin. Mahal, naiisip ko lang, sa tagal at sa hirap ng pinagdaanan mo para sa akin at para sa anak mo, bakit hindi ka sumuko?” tanong ni Daina.

“Mahal ko kayo ng mga anak natin. Kahit ano pa ang sabihin nila sa akin ay hindi ako bumibitaw na isang araw ay magigising ka at ang anak naman natin ay magiging maayos ang kalagayan. Dahil higit sa ano pa man, mas malakas ang sandigan ko — ang pagmamahal mo at ng ating Diyos,” sambit ni Jomel.

Niyakap ni Daina ang asawa. Lubos itong nagpapasalamat sa pag-aalaga at pagmamahal na ibinigay nito. Mabuti na lamang ay hindi sinukuan ni Jomel ang kaniyang mag-ina dahil napatunayan nila na wala talagang imposible sa Panginoon.

Advertisement