Inday TrendingInday Trending
Hindi Alam ng Lalaki Kung Ano ang Totoo sa Kanyang Panaginip at Reyalidad; Sanhi Pala Ito ng Trahedyang Nangyari sa Kanya Noon

Hindi Alam ng Lalaki Kung Ano ang Totoo sa Kanyang Panaginip at Reyalidad; Sanhi Pala Ito ng Trahedyang Nangyari sa Kanya Noon

Miserable ang buhay ni Joseph. Bungangera at mapaghanap ng luho ang kaniyang asawa. Ilang buwan na rin siyang hindi nakakabayad ng renta ng bahay. At ngayo’y kinakaharap niya ang pinakamalaking dagok sa kaniyang buhay, inakusahan siyang nagnakaw ng 1.5 milyong piso na suweldo ng empleyado ng kanilang kumpanya.

Hindi naaalis ang kunot sa noo ni Joseph. Umaaliwalas lamang ito tuwing sasapit ang dilim. Dito ay haharapin niya ang masaya at mapagmahal na pamilya, kaibigan at trabahador; sa isang mahabang serye ng panaginip na gusto niyang yakapin, ariin upang hindi na makabalik pa sa malungkot at nakatatakot na katotohanan.

Masipag si Joseph, trabaho lang ng trabaho at kadalasan ay naiiwan pa siya sa opisina upang tapusin ang sangtambak na trabaho. Pilit niyang inuubos ang katakot-takot na papel sa kaniyang mesa ngunit tila hindi ito nababawasan.

“Joseph hinihintay ka na ni boss sa office.” Wika ng kaniyang katrabahong si Jess. Tila natuliro si Joseph. “Ano ba ito, bakit ang gulo-gulo ng isip ko? Malamang ay dahil sa stress sa lintek na mga problema ko.” pangungutya niya sa sarili.

“Ako pang CEO ang pinaghintay mo Joseph. 1:30 ng hapon ang meeting natin.” Painis na sambit ni Engr. Villar.

“Mr. Joseph Garin, pati ang trabaho mo na dati ay nagagawa mo ng maayos, ngayon ay natatambakan ka at yong iba’y tatlong araw na sa mesa mo. Mabuti pa aminin mo nang ikaw ang nagtakas ng pasahod sa mga emplayado. Halatang-halata na ika’y problemado! Aminin mo man o hindi, may makapagpapatunay na tangay mo ang bag na naglalaman ng pera.” Pagsisiwalat ng CEO.

“Engr. Villar 10 years na ako sa kumpanya kilala niyo ako. Buti pa’y iharap niyo sa akin ang taong nagdidiin sa akin. Ni hindi ko nga alam na ganyan kalaki ang pasahod natin.” Nanginginig na pagtatanggol ni Joseph sa sarili. Umuwi si Joseph na hindi malaman kung bakit nangyayari ang lahat ng ito sa kanya.

Sa kanto nakasalubong niya si Mang Berto, ang may-ari ng inuupahang bahay. “Joseph, ubos na advance at deposit mo sa apartment, kung di ka makabayad ibakante mo nalang at may dalawang gustong tumira sa iiwan mo.” Sabay talikod sa kaniya. Di na nakuhang magpaliwanag ng pobre at mabilis na pumasok sa kabahayan.

Sinalubong siya ng asawa at kinompronta “Joseph, malaking pera ang nawawala sa opisina mo ni wala kang inabot sa akin. Ikaw naman talaga yata ang kumuha. Saan mo dinala? Ni wala pa tayong ulam. Letseng buhay to!” Di na nakasagot si Joseph.

Nakita niya ang orasan at biglang umaliwalas ang kaniyang mukha. Oras na naman ng pagtulog at sa panaginip man lang ay magkakaroon siya ng maligayang buhay.

Panandaliang nawala ang ngiti nito sa labi ng sumigaw si Mercy “Katabi ko si Junjun dito sa kwarto, masama pakiramdam! Ayusin mo ang bodega at iyong lumang sofa ang tulugan mo.” Sa halip na mainis ay natuwa pa si Joseph. Makakatulog siya ng walang abala. Bumalik ang ngiti sa labi at walang kain-kain ay humiga na ito sa sofa at ipinikit ang mata.

“Hon, kausapin natin si Kap. Dennis paalala mo ang kontrata. Alam naman nya 100 puno lang ng mangga ang sa kaniya. Sa susunod na buwan si Marco naman ang mamimitas ng 50 na puno ng manga. Baka magkalituhan.” Matamis na bulong ni Heidi sa asawa. Napalundag na tumayo si Joseph.

“Musta na ang sweet na sweet kong wifey?” Sabay hatak sa asawa, napasandal ito sa kaniyang balikat. Nagbulungan at nagngitian ang magsing irog habang naglalakad sa kanilang farm.

“Oh ayan na si Tatay. Batiin mo sya sa pangalan huwag Tatay lang ha.” Tila naghahamon si Heidi kung naaalala niya ang pangalan ng kanilang Tatay. Agad niya itong binati, “Magandang umaga Tay… Tatay…. Polding.”

Nagtinginan ang lahat at sabay sabay nagtawanan at hiyawan. Takang- taka si Joseph. “Anong nagyari?” Tanong ni Joseph sa asawa. “Hon tinawag mo ang pangalan ni Tatay. Pagaling na ang asawa ko.” Naluluhang sambit ni Heidi.

Lumapit ang katiwala kay Joseph “Sir Joseph, tanda niyo ba, ako ang humiram sa inyo ng P10,000 pambayad ng matrikula ng panganay ko, at sinabi niyong huwag ko na itong bayaran pa? Maraming maraming salamat ho, sir!”

Naisip ni Joseph, ni wala siyang maibigay sa misis na si Mercy ng pambili ng pagkain ngunit sa panaginip ay namimigay lamang siya ng pera sa ibang tao. “Ikaw iyon Karyo, oo naaalala ko. Sana’y nakatulong iyon ng malaki sa pamilya mo” Tatawa-tawang sagot ni Joseph sa tauhang si Karyo.

Tuwang-tuwa ang lahat at tuloy ang pahulaan kung sino ang kaharap ni Joseph. Tandang-tanda naman ni Joseph ang bawat mukhang nakakaharap niya sa kaniyang panaginip. Palibhasa’y abot hanggang langit ang saya niya habang nasa kasarapan ng masarap na panaginip.

Matapos ang kasiyahan, parang binalot ng takot si Joseph nang makita niyang padilim na. Paggising niya ay buhay na puno ng pighati, lungkot at magulong buhay na naman ang sasalubong sakanya. Niyakap niya si Heidi ng mahigpit. “Hon, ang saya saya ko. Mahal na mahal mo ako at lalo naman ako sa iyo. Si Tatay Poldo ay para ko na ring tunay na tatay at ang mga trabahador natin ay napamahal na din sa akin. Masaya ang lahat pero patapos na ang panaginip ko sa inyo, balik realidad na ako at may kaso pa akong robbery. Ayoko nang bumalik doon sa totoong buhay, yakapin mo ako ng mahigpit at nang maiwan na ako dito sa mundo ng panaginip.” Pagsusumamo ni Joseph kay Heidi.

“Honey, makinig kang mabuti. Ito ang mundo natin. Tayong mag-asawa, si Seth na ating unico hijo, si Tatay, mga kamag-anak at manggagawa dito sa farm. Lahat ito ay totoo at malayo sa iniisip mong panaginip. Naaalala mo ba nang muntik na tayong mamatay? Nabangga tayo ng bus, ang van na ikaw ang nagmamaneho ay iniwas mo sa rumaragasang bus. Inilayo mo sa amin at sa iyo natuon ang impact ng bus. Nawalan ka ng malay at isang linggo bago bumalik ang iyong diwa. Pero gabi-gabi binabangungot ka. Alam ko ang iyong 1.5 milyong pisong problema, ang sinasabi mong Mercy na akala mo ay iyong asawa, ito ang bangungot mo. Ito ang isinisigaw mo gabi gabi.”

“Heidi mahal kong asawa. Takot pa rin ako. Yakapin mo ako hanggang makatulog at gisingin mo ako tuwing umuungol. Kapag gumising ako na ikaw pa rin ang katabi ko at si Seth, ako na ang pinakamaligayang tao sa ibabaw ng mundo. Galing ako sa impyerno at ngayon ay nasa langit kasama ang aking sariling anghel.”

Alas singko ng umaga ng magising si Heidi. Basa ang kanyang balikat. “Ano ang nangyari?” Tulirong tanong ni Joseph. Nanaginip kang muli. Basa ako ng luha mo, love.” Ito ang sambit ni Heidi. “Di ako nanaginip. Ito ang dahilan kaya ako napaluha, totoo ka Heidi. Totoong masaya ako. Masaya tayo. At higit sa lahat nagsara na ang impyerno.”

Naranasan mo na rin bang managinip na tila ito’y tunay? Ano kaya ang malalim na kahulugan sa ilalim ng bawat bangungot? Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement