Inday TrendingInday Trending
Inubos ng Matanda ang Ipon ng Asawa sa Kanyang Batang Kabit; Nalaman Niyang Hindi Lamang Siya ang Matandang Mapera na Pinapatulan ng Dalaga

Inubos ng Matanda ang Ipon ng Asawa sa Kanyang Batang Kabit; Nalaman Niyang Hindi Lamang Siya ang Matandang Mapera na Pinapatulan ng Dalaga

“Sorry, Mr. Eugenio. Your wife passed away a few minutes ago due to heart attack. My deepest condolences.” Sambit ng banyagang doktor kay Fred, ang asawa ni Luz. Kahit banyaga’y bakas sa mukha ng doktor ang pagtataka na tila hindi man lamang nagbago ang ekspresyon ni Fred sa masamang balitang inihatid dito. Palibhasa’y lingid sa kaalaman ng marami, naghihintay na sa Pilipinas ang kabit ni Fred at doo’y magpapakasasa sila sa yamang iniwan ni Luz.

“Dad, dad!!! I can’t accept it!!! Please tell me that everything is just a bad dream!” Umaagos ang luhang giit ng kaisa-isang anak ng mag-asawa na si Cathy. “Anak, wala na si Mom mo. I will go back to the Philippines na para maiayos ko ang mga papeles ng mga naiwang ari-arian ng mommy mo. Masakit man, kailangan nating tanggapin. Kailangan nating magpakatatag.” Parang inis pang tugon ni Fred sa anak. “Dad! Hindi ko talaga kaya… Hindi ko matatanggap..” Desperadang wika ni Cathy. Niyakap na lamang ito ng ama.

Pagkatapos ng libing ng asawa’y umuwi na sa Pilipinas si Fred mula sa Amerika. Naiwan naman doon ang kanilang anak na si Cathy sapagkat naroon ang kaniyang banyagang asawa at mga anak. Dual citizen si Fred at Luz. Mahigit tatlong dekada nang nagtatrabaho si Luz bilang nars sa Amerika at nagretiro ito kamakailan lamang sa edad na 60. Si Fred naman ay namamahala na lamang ng mga paupahang naitaguyod ng asawa at nagba-buy and sell ng mga sasakyan sa Pilipinas.

Doon niya nakilala ang maganda at maalindog na ahente ng sasakyan na si Renalyn. 68 years old na si Fred samantalang 27 pa lamang si Renalyn. Mayroon itong isang anak ngunit hiwalay na sila ng kaniyang kinakasama. Saganang-sagana ang dalagang ina kay Fred. Ang condo na tinitirhan nito kasama ang anak ay hinuhulugan ni Fred kada buwan. Sa mahigit limang taon nilang pagsasama ng palihim ay talaga namang labis ang pag-iingat ni Fred upang hindi mahalata ng mga kaanak.

“Darling, paano ba yan? Binata na ulit ako. Puwede na tayong magpakasal.” Panunukso ni Fred kay Renalyn. “Tumigil ka! Kakamatay lang ng asawa mo, kasal agad ang nasa isip mo. Hindi pa nga sumasapit ang babang luksa. Malas ‘yan!” Inis na saad ni Renalyn. Ang hindi alam ni Fred, hindi lamang siya ang lalake sa buhay nito. Halos buwan-buwan ay daang libo ang kinikita ni Renalyn mula sa kaniyang mga DOM (Dirty Old Men). Bukod pa rito, may kinahuhumalingan itong lalake na maya’t maya ay humihingi rin ng pera sa dalagang ina.

Dahil maraming nakubrang pera si Fred mula sa insurance ng asawa’y sinabayan ito ni Renalyn. Pabili dito, pabili doon, at wala itong ginawa kung hindi humingi ng limpak-limpak na pera. Palibhasa’y humaling na humaling si Fred sa batang kinakasama ay sige ito sa pamumudmod ng pera dito.

“Dad.. Tinignan ko yung bank account ni Mommy.. How come in just a few weeks, 2 million pesos na ang nabawas dito? Are we okay?” Nagtatakang tanong ni Cathy sa ama. “Oo, anak. Huwag kang mag-alala. May binili lamang akong investment property sa Bulacan.” Pagsisinungaling ni Fred sa anak. Tila hindi na maganda ang pakiramdam ni Cathy sa ama ngunit pinabayaan niya na lamang ito.

Lumipas ang ilang buwan, niyaya na ni Fred si Renalyn na magsama sa condong binili nito para sa kaniyang kabit. Pumayag naman si Renalyn ngunit nagbigay ito ng kundisyon na magbibigay ng kalahating milyon si Fred kada buwan panggastos nito at ng kaniyang anak. Pumayag naman si Fred sa kundisyon nito ngunit nagsimula na siyang imbestigahan ang kinakasama.

Tuwinang nilalambing niya ito’y laging walang gana at tila diring-diri sa kaniya. Halos gabi-gabi na lamang ay umuuwi itong lasing at mainit ang ulo.

Isang gabi’y naiwan ni Renalyn ang kaniyang cellphone at doon sinamantala ni Fred ang pagkakataon. Tila natauhan si Fred sa natuklasan. Marami pala itong karelasyon at kaya ito umaalis gabi-gabi’y nagbebenta ito ng katawan sa mga gaya niyang DOM na nagbibigay rin ng sustento dito. Ang pinakanagpasakit sa loob ni Fred ay ang kinalolokohan nitong syota na si Marvin. Naroong nagpabili ito ng bagong sasakyan at kung ano-ano pang mamahaling gamit.

Nang makauwi sa condo si Renalyn ay agad itong hinarap ni Fred. Sa halip na humingi ng tawad ay nagmalaki pa ito at naghamon na siya’y hiwalayan na lamang. Sa tindi ng naramdamang galit ni Fred ay nanakit ang kaniyang dibdib. “Sige! Sana mamatay ka na! Magsama na kayo ng asawa mong kulubot sa kabilang buhay!” Doo’y tuluyan nang nawalan ng malay si Fred.

“Fred, asawa ko… Ayos ka lang ba? May problema ba tayo?” Lumuluhang tanong ni Luz sa asawa. Gulantang na gulantang si Fred sa nakita. Tila totoong-totoo ito.

“Luz…. Mahal ko…. Diyos ko… Patawarin ninyo ako sa kahangalan ko… Patawarin mo ako sa pagka-imoral ko! Panginoon ko…” Tila natanggap ni Fred na siya’y natuluyan na’t nasa kabilang buhay na.

“Mahal ko, pinapatawad na kita sa lahat ng maling ginawa mo sa akin.” Habang nagsasalita si Luz ay unti-unting lumabo ang imahe nito hanggang tuluyan na itong mawala sa paningin ni Fred.

“Daddy! Daddy!” Boses ni Cathy iyon. “Tila naglalakabay yata ang aking kaluluwa.” Litong-litong saad ni Fred sa kaniyang sarili. Pinipilit niyang magising ngunit hindi niya magawang buksan ang kaniyang mga mata. Maya-maya pa’y tila nag-iba ang ihip ng hangin, halos malapnos ang balat ni Fred sa init nito. Pagsilip niya’y natatanaw niya ang napakalawak na dagat ngunit kulay pula ang tubig dito. Maya-maya ay nag-liyab ang pulang dagat at unti-unting lumalaki ang apoy hanggang nararamdaman niyang nasusunog na ang kaniyang mga paa.

“Daddy, daddy.. Please fight for your life! I love you, Daddy. Ikaw na lang ang mayroon ako. Iniwan na ako ni Mommy. We still have time to change and be a better person.” Naririnig na naman niya ang tinig ng anak na si Cathy ngunit hindi na niya makayanan ang sakit sa apoy na tila sumusunog sa kaniyang mga paa at unti-unti na itong umaakyat hanggang sa kaniyang dibdib.

Naramdaman na lamang niya na may malamig na kamay na humawak sa kaniyang kamay at unti-unting nawala ang apoy at naibsan ang hapding bumabalot sa buo niyang katawan. Sa wakas ay nagawa niyang maimulat ang kaniyang mga mata.

Doon niya nasilayan si Cathy at ang kaniyang mga apo. “Lolo, you’re awake now! We love you, Lolo! Please feel better so we can play and watch movies.” Wika ng kaniyang panganay na apo na si Lorine.Hinahabol ni Fred ang kaniyang hininga at hindi nito mapigilan ang pagdaloy ng luha. “FORGIVE ME, my wife!!! Anak ko, mga apo ko… Mahal na mahal ko kayo.. Salamat at iniligtas niyo ako..”

Nagyakapan ang mag-ama at nang mahimasmasan si Fred ay kinausap ito ng masinsinan ng anak. Inamin nito ang kaniyang mga pagkakamali at binigyan naman siya ng anak ng pagkakataon na magbago.

Mula noon, naging aktibo si Fred sa mga gawain sa simbahan. Ang noong perang ibinibigay niya sa kaniyang kabit ay nakakarating na sa mga taong kapos palad na tunay na nangangailangan ng kaniyang tulong.Nabalitaan din ni Fred na si Renalyn ay naaksidente at binawian ng buhay. Ipinagdasal niya na lamang ito.

Nararapat ba ang pangalawang pagkakataon para sa mga taong kagaya ni Fred?

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement