Pugad ng Taghiyawat ang Mukha ng Binatang Ito Kaya’t Tampulan Siya ng Tukso; Isang Babae ang Nagpabago ng Buhay Niya
Bata pa lamang ay pangarap na ni Aljon na maging commecial model. Habang nagbibinata’y lalong naging kapansin-pansin ang angkin nitong kaguwapuhan. Nang siya ay mag kolehiyo’y araw-araw siyang sumasakay ng jeep upang makarating sa eskuwelahan. Labing anim na taon nang magsimulang dumami ang mga butlig-butlig niya sa mukha. Ika ng kaniyang ina, ito’y nakuha niya sa dumi ng usok tuwing siya’y namamasahe papuntang eskuwelahan.
HRM ang kinuhang kurso ng binata. Habang tumatagal ay parami ng parami ang taghiyawat nito. Tuwing siya ay daraan sa campus ay pinagtitinginan siya at pinagtatawanan ng mga kapwa estudyante. Naroong tinatawag siyang “naglalakad na tigyawat”, “nana na naging mukha”, “boy agnas”, at kung ano-ano pa.
Awang-awa na ang ina nitong si Aling Julie sa anak kaya’t kahit medyo kinakapos ay dinadala niya ito sa dermatologist upang maibsan ang mga taghiyawat ng anak. Lahat na yata ng paraan ay ginawa na nila. Ilang libo na rin ang kanilang nagastos para dito ngunit tila walang epekto ang mga ito. Halos tubig, prutas at gulay na lamang din ang kinakain ng binata sapagkat nakaka-apekto din daw ang kaniyang mga kinakain sa paglabas ng mga butlig sa kaniyang mukha.
“Yung pangarap kong maging model, kinalimutan ko na yon, Mama. Isa pa, pinag-iisipan ko nang lumipat ng kurso. Sino ba naman ang gaganahang kumain kapag nakita ang mukha ko sa restaurant? Sino ba naman ang makikipag-usap sa akin sa hotel kapag doon ako nagtrabaho? Pakamatay na lang kaya ako, Ma?” Nakasimangot na giit ni Aljon sa ina. Tila sinaksak naman sa dibdib ang ina ni Aljon sa narinig. Palibhasa’y alagang-alaga niya ito at hindi na niya nakakayanan ang nakikitang lungkot sa mga mata ng anak.
Gayunpaman, ipinagpatuloy ni Aljon ang pag-aaral at nakatapos bilang isang Summa Cum Laude. “Paano naman hindi magsu-summa cum laude yan? Malamang kain ng kain ng mani ‘yan para tumalino! Kaya naglabasan yung mani sa mukha e!” Halos hindi na makahinga sa kakatawa ang kaklase nitong si Kevin. Sabay-sabay ring nagtawanan ang mga kaklase nito.
Nang makauwi galing sa graduation ceremony si Aljon ay tinamaan ito ng matinding kalungkutan kakaisip kung anong trabaho ang naghihintay sa kaniya sa kabila ng kundisyon ng kaniyang mukha. Naisipan niyang lumabas at uminom ng alak mag-isa. Gusto niyang magpakalasing upang makalimutan sandali ang mga problema.
Unang upo pa lamang ng binata sa bar ay nakaubos na ito ng limang bote ng beer. Bilang hindi sanay uminom ay halos wala na ito sa katinuan. Grabe ang pag-ikot ng kaniyang paningin. Habang lilingon-lingon sa kung saan-saan ay may nahagip ang kaniyang mga mata. Isang babaeng napakakinis ng mukha, maaliwalas ang aura nito at nakangiting lumapit sa kaniya.
“Hi, wala ka bang kasama? Parang hindi ka na okay? Kasama ko mga friends ko. Napansin ko lang kasi na nakayuko ka na diyan at parang hindi mo na kayang makauwi mag-isa kaya nilapitan kita.” Tanong ng napakagandang dalagang si Ellaine. Tila nahimasmasan naman si Aljon sa narinig. “Ah… Ako po ba ang kausap niyo Miss?” Di makapaniwalang tugon ni Aljon.
Narinig niya na tila may nagtatawanang grupo ng mga babae sa likod ng dalaga. “Ano ba yan, natakot ako. Akala ko zombie.” Wika ng isang babae. Agad naman itong pinalo ni Ellaine sa braso. “Manahimik ka, ikaw ang mas mukhang zombie sa inyong dalawa. Tignan mo yang make up mo, mukha kang patay.” Naiinis na tugon ni Ellaine sa kabarkada. Tila napahiya naman ito at niyayang umalis ang mga kasama. “Pasensya ka na sa nagmamaganda kong friend. Wala yon, bobo yon.” Natatawang pagpapagaan ng loob ni Ellaine sa binata.
Hindi namamalayan ng dalawa na pasara na pala ang bar, kung hindi sila nilapitan ng manager ay hindi pa nila malalamang alas tres na pala ng madaling araw. Napakasarap ng kanilang kuwentuhan. Doon nalaman ni Aljon na espesyalista pala sa balat si Ellaine. “Kaya pala napakakinis niya.” Wika ni Aljon sa sarili.
Nang maghiwalay sila ay binigyan siya nito ng calling card, naroon ang address ng kaniyang clinic. Kinabukasan ay agad na pumunta si Aljon sa klinika ni Ellaine. Sinimulan nilang pag-usapan ang gagawin sa balat ng binata.
Makalipas ang apat na buwan, tila wala na ni isang bakas ng taghiyawat sa mukha ni Aljon. Pinuntahan niya si Ellaine sa kaniyang klinika upang yayain itong kumain sa labas. Nagdala pa siya ng bulaklak para dito. Pag-akyat niya ng building ay may nakita siyang napakaguwapong lalakeng pumasok sa klinika ni Ellaine. “I miss you! Buti dinalawa mo na ako. Mababaliw ako nang hindi ka nakikita.” Boses iyon ng dalaga. Paglapit ni Aljon sa pinto ay sakto namang hinalikan si Ellaine sa pisngi ng guwapong lalake.
Sa sobrang selos ay dumaan na lamang siya sa dating eskuwelahan upang kunin ang kaniyang transcript of records. Halos hindi siya nakilala ng kaniyang mga kaibigan at kaklase. Kilig na kilig ang bawat babaeng nakakakita sa kaniya habang siya ay naglalakad. Nagulat na lamang siya nang biglang lumapit ang maganda niyang kaklaseng si Raissa. “Ang gwapo mo pala, Aljon! Lumabas ang tunay mong kaguwapuhan.” Kilig na kilig na giit ni Raissa.
“Ah.. Eh.. Kasi….” Halos hindi makapagsalita ang binata. Palibhasa’y hindi ito sanay makipag-usap sa mga babaeng gaya ni Raissa. Nagulat siya nang biglang may kumalabit sa kaniyang tagiliran. “Hoy, sino yan? Selos ako!” Nagliwanag ang mukha ni Aljon nang makita si Ellaine. Napahiya naman si Raissa sa pagaakalang nobya nga ito ni Aljon. “Hi, girl. Ako nga pala yung girlfriend niya. Huwag masyadong malapit pag kinakausap mo, halos mahalikan mo na eh.” Pagtataray ni Ellaine sa dalaga.
Imbes na matuwa na ngayo’y pinag-aagawan na siya ng mga babae’y nainis si Aljon sa inasta ni Ellaine. Bigla na lamang itong nagmamadaling umalis.”Aljon! Bakit mo ko winalk outan? Grabe ha, nawala lang yang pimples……” Hindi na naituloy ni Ellaine ang sinasabi, hinawakan ni Aljon ang kaniyang mga labi at pinigilan siyang magsalita.
“Ano??? Dahil nawala na tong mga pesteng tigidig ko sa mukha??? Itong dating panget na panget kong mukhang naaagnas dahil sa taghiyawat??? Huwag mo akong bibiruin ng ganon.. Na sasabihin mong girlfriend kita, Ellaine.. Hindi mo lang alam pero nahulog na ang loob ko sa ‘yo.. Lahat ng tao ay kinukutya ako pero ikaw lang ang naging mabait sa akin kahit nakakasulasok ang itsura ko noon… Kaya noon pa man, mahal na kita… Hindi mo man lang sinabi na may boyfriend ka na pala. Ilang buwan na tayong magkakilala!” Selos na selos na wika ni Aljon.
“Ate! Bilisan mo. Baka hindi ko makuha yung ibang subjects dito!” Saad ng guwapong lalakeng nakita ni Aljon sa klinika ni Ellaine.
Nagtakip ng bibig si Ellaine at hindi na napigilang matawa. “SELOS NA SELOS KA SA BATA KONG KAPATID!!!” Nanunuksong bigkas ng dalaga.Pahiyang pahiya naman si Aljon sa kaniyang inasta. “Sorry, sorry! Pero nasabi ko na rin naman ang matagal nang nasa dibdib ko. Hindi ko babawiin yon kasi Ellaine… Mahal kita..” Nagsusumamong giit ni Aljon.Nagulat naman ang binata ng bigla na lang siyang kabigin ni Ellaine at halikan sa labi. Tinginan ang mga dumaraan pati na rin ang kaniyang mga dating kaklase. Mababakas sa mga mukha nitong inggit na inggit sa ganda ba naman ng kaniyang nobyang si Ellaine.
Maya-maya pa’y nag-ring ang kaniyang telepono. Tumawag ang isa sa mga pinakasikat na hotel sa Maynila at sinabing tanggap na siya sa inapplyan niyang trabaho bilang hotel front desk staff.
“I-date mo naman ako, babe. May work ka na.” Nangungusap ang mata na paanyaya ni Ellaine sa nobyo.
Gaya ni Aljon, may Ellaine na din bang dumating upang pakinisin ang magaspang mong buhay?
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!