Halos Masira ng Inggit ang Pagkakaibigan ng Dalawang Lalaking Ito; Bandang Huli’y Nanaig Pa Rin ang Tunay na Pagmamahal Nila sa Isa’t-isa
Mga bata pa lamang sina Ron at Jonathan ay matalik na silang magkaibigan. Halos hindi na sila mapaghiwalay ng kanilang mga magulang. Kaya’t maging ang mga ito ay naging malapit na rin sa isa’t-isa.Anak mayaman si Ron samantalang laki sa hirap si Jonathan. Baligtad ang kanilang personalidad. Si Ron ay pilosopo, palabiro, sanay sa luho at mahilig manlibre kaya’t madami itong kaibigan samantalang si Jonathan naman ay mahiyain at kakaunti lamang ang mga kaibigan.
Bilang mabait ang mga magulang ni Ron ay sila na mismo ang kusang nag-alok pag-aralin si Jonathan ng kolehiyo nang ikuwento nitong hindi na siya magpapatuloy ng pag-aaral dahil sa hirap ng kanilang buhay. Kinupkop na rin nila sa sarili nilang bahay si Jonathan sapagkat malapit lang ang kanilang bahay sa unibersidad na papasukan ng magkaibigan.
Habang tumatagal ay napapansin na ni Jonathan na nag-iiba ang ugali Ron. Halos gawin na siya nitong alalay. Kaliwa’t kanan ang utos nito kay Jonathan at kapag minsa’y hindi ito masunod agad-agad ay bigla na lamang hindi kikibo si Ron, kakain mag-isa at iiwan-iwanan na lamang siya.Bukod dito, madalas maghinanakit si Ron kay Jonathan sapagkat ang mga natitipuhang babae nito’y kay Jonathan nagkakagusto.
Patuloy lang ang ganitong eksena hanggang sila’y sabay na nakapagtapos ng pag-aaral. Nagtapos ang dalawang magkaibigan na parehong cum laude. Paano ba nama’y obligado si Jonathan na gawin ang lahat ng proyekto ultimo thesis ng kaniyang bestfriend. Lahat din ng kaniyang sagot sa exam ay pinapakopya niya dito. Ang nakakatawa doon, kapag may maling sagot si Jonathan at alam ni Ron ang tamang sagot ay hindi nito ipinapaalam sa kaibigan. Kaya naman kadalasa’y mas mataas pa ang marka ni Ron kay Jonathan.
Maging sa paggawa ng bio data ay iniasa pa rin ni Ron ang lahat sa kaibigan.
Lumipas ang sampung taon, malaki na ang naging pagbabago sa buhay ng magkaibigan.
Nakapag-ipon na rin naman si Jonathan kaya’t nagtayo na ito ng sariling printing shop at graphics design company. Hindi basta-basta ang mga kliyente nito. Karaniwa’y sa ibang bansa pa ang meeting na dinadaluhan ng binata. Hindi naman ito nakatanggi ng magdesisyon si Ron na maging business partner niya. Palibhasa’y malaki ang utang na loob niya sa kaibigan.
Kagaya ng dati’y wala pa ding pagbabago kay Ron. Nagkaroon lamang ito ng dalawang anak sa magkaibang babae at mga magulang na lamang nito ang nagsusustento sa mga anak nito.
Si Jonathan naman ay nakatakda nang ikasal sa apat na taon nang kasintahan niyang si Kaye.
Pikon na pikon na rin si Ron sa kaniyang mga magulang sapagkat palagi na lamang siyang kinukumpara ng mga ito sa kaibigan. Pinakiusapan din ng mga ito si Jonathan na kausapin ng masinsinan ang kaibigan upang magkaroon ng direksyon ang kaniyang buhay.
Minasama naman ng husto ni Ron ang payong ibinigay ng kaniyang bestfriend. Ang tingin niya dito’y nagmamarunong at akala mo na kung sino. Batid naman ni Jonathan na mangyayari iyon dahil kilalang-kilala na niya ang kaniyang bestfriend.
Sa inis at inggit ni Ron sa kaibigan ay sinimulan niyang siraan ito sa kanilang mga kaibigan at dating kaklase ngunit dahil kilalang kilala ng mga ito na mabuting tao si Jonathan ay siya pa ang napasama.Bilang hindi naging matagumpay ang planong sirain ang kaibigan ay ginamit na niya ang kahinaan nito – walang iba kung hindi ang pinakamamahal nitong si Kaye.
Nanggigigil sa bwisit si Ron. Naisip niyang sana pala’y hindi na lamang niya tinulungan ang kaibigan. Ngayon tuloy ay di hamak na mas maunlad ito sa kaniya. Hindi na rin niya ito mautos utosan pagkat isa na rin itong boss at may sinabi sa buhay.
“Hindi ko alam kung paano ko sasabihin ito sa ‘yo. Nang maging kayo ni Jonathan ay hindi pa rin sila naghihiwalay ng ex niyang si Anne. Pinagsabay niya kayo. Siguro inabot pa ng dalawang lingo bago sila naghiwalay at sa pagkakaalam ko’y may nangyari pa sa kanila.” Pagsisiwalat ni Ron.
“Oh… I see… Kaya pala hindi naging maganda ang pakiramdam ko noong nagsisimula pa lang kami ng kaibigan mo.” Bakas sa mukha ni Kaye ang pagkayamot sa narinig.
“Maraming kalokohan iyan, kunwari mabait at respetado pero naku… Kapag nga may maganda at seksing kliyente sa shop ay hindi iyan mapakali.” Dagdag pa ni Ron.
“Minsan nga naiisip ko, bakit kaya hindi na lang ikaw ang nagkagusto sa akin. Mas gusto ko ang bad boy style na lalakeng gaya mo. Napakaboring ng bestfriend mo. Isa pa, mas mayaman kang di hamak kay Jonathan. Para sa akin, ikaw ang mas guwapo sa inyong dalawa.” Tila nang-aakit na tugon ni Kaye.
Nagulat ng husto si Ron sa inakto ng dalaga. Noon pa ma’y ang tingin niya dito’y di makabasag pinggan. Napaka pinong kumilos nito tuwing kasama ang nobyong si Jonathan.
“Ano, nanigas ka na diyan? Nasanay kang wala akong kibo at nakaupo lang sa isang sulok, ano? Ganyan naman kasi ang type ng bestfriend mo. Mahinhing babae.” Wika ni Kaye sabay kalabit sa kaniyang tagiliran.”Ah… Eh… Ewan.. Siguro nga hindi ako sanay.. Na ganyan ka umakto..” Nauutal na tugon ng binata.
Nagulat siya ng biglang hatakin ni Kaye ang kaniyang kamay at ipatong ito sa kaniyang mga hita.
Hindi na kumportable si Ron sa ginagawa ng dalaga kaya’t nagpaalam na itong umalis.
Naisip niya, kung gugustohin niyang makalamang kay Jonathan ay napakadali lamang sa inaakto ng kasintahan nitong si Kaye. Ngunit bakit hindi niya magawa at tila naaawa siya sa kaibigan?
“Bro, sana hindi ka ma-late bukas ha. Nakakahiya sa uncle ni Kaye. Siya ang tatahi ng mga damit ng mga abay sa kasal.” Naantala ang malalim na pag-iisip ni Ron ng biglang dumating si Jonathan.
“Diyos ko! Papatayin mo ako sa nerbiyos! Bigla kang dumarating at nagsasalita basta basta!” Inis na sagot ni Ron. Nahalata naman ni Jonathan na tila may malalim itong iniisip.
“Ano, bro? Kamusta ba tayo? Masama pa rin ba loob mo sa akin? Lalagay na ko sa tahimik, oh. Peace na tayo.” Paglalambing ni Jonathan sa kaibigan.Hindi naman malaman ni Ron ang gagawin. Kung kailan may malaking oportunidad na upang wasakin ang kaibigan ay tila nakukunsensya siya at nakakaramdam ng pagaalala para dito.
“Pare, patawarin mo ako. Yung nangyari sa inyo ni Anne, ibinulgar ko kay Kaye. At hindi mo alam ang tunay na pagkatao ni Kaye, Jonathan.
Sinubukan niya akong akitin noong niyaya ko siyang makipagkita sa coffee shop.” Alalang-alalang pagtatapat ni Ron.
Hindi na mapigilan ni Jonathan ang sarili. Napahagalpak na lamang ito sa kakatawa. “Pare, walang hindi alam si Kaye tungkol sa buhay ko! As in lahat-lahat! Kinuwento nga niya sa akin ang naging pagkikita ninyo. Tawa kami ng tawa. Nauto ka ni Kaye. Hahaha! Ikaw naman kasi, ang laki ng galit mo sa akin!”
Pahiyang-pahiya si Ron sa narinig ngunit nakitawa na lamang ito sa kaibigan. Hindi niya rin maintindihan ang sarili. Bakit nga ba niya nagawa ang mga iyon sa kaniyang bestfriend?
Sumapit ang araw ng kasal nila Jonathan at Kaye. Noon lamang nasaksihan ni Ron na naguumapaw ang saya ng kaibigan. Napakasaya niya rin para dito. Sinamantala niya ang pagkakataong makapagpasalamat sa lahat ng naitulong nito sa kaniya. Doon niya napagtanto na hindi lahat ng bagay ay nabibili ng pera. Kapos man ang kaibiga’y di ito nagkulang ng pagbabahagi ng pagmamahal at pagmamabuting loob sa kaniya.
Inihagis na ni Kaye ang bouquet ng bulaklak at nasalo ito ng isang napakagadang babaeng si Ria. Sakto namang nasalo ni Ron ang garter na inihagis ni Jonathan. At doon nagsimula ang matamis na pag-iibigan ng dalawa.
Simula ng makilala ni Ron si Ria ay nagbago ang lahat. Naging masipag ito at napalawak ang negosyong dati-rati ay si Jonathan lamang halos ang namamahala.
Binigyan niya ng break ang bagong kasal upang makabuo kaagad ng anak.Hindi nagtagal ay nagbunga nga ang pagmamahalan ng mag-asawa.Paglipas ng tatlong taon ay may dalawa nang anak si Kaye at Jonathan at ikinasal na din si Ron at Ria.
Namuhay ang lahat nang masaya at masagana.
Mayroon ka din bang itinuturing na pinakamatalik na kaibigan? Anong klaseng pagsubok ang kinaharap ninyo?
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!